(Mula sa isang totoong kwento)
Araw ng pagtatapos
ngayon, binati na ako ng lahat. Kung narito ka, alam kong ikaw ang
mauuna. Hindi mo lang ako babatiin, tiyak na gagawin mo itong espesyal
para sa akin. Pero, wala ka na. Ngayon ay hindi ko madama ang tagumpay.
Bakit mo ako iniwan?
Nakilala
ko ang isang kaibigan. Mahina ako, alam mo 'yan. Pero tinulungan niya
ako, tinuruang mabuhay muli at lumaban. Kaya ko naman pala kahit na wala
ka. Kaya ko naman pala, nasanay lang akong kasama kita. Sinanay mo ako.
Sinanay mo ako pero nawala ka lang naman.
Bakit mo ako iniwan?
Isinilang
ko na siya. Ikaw sana ang may hawak sa aking kamay. Ikaw sana ang nasa
tabi ko kanina. Ngunit, ibang kamay ang kinapitan. Ibang tinig ang
narinig. Hindi ka umabot sa yugtong ito. Hindi tayo umabot. Pero kami,
oo. Mabuti nalang at sinundo niya ako, sinundo sa gitna ng daang kumuha
sa iyo.
Bakit mo ako iniwan?
Unang araw niya sa
paaralan, ikaw sana ang naghatid at sumundo sa kanya. Subalit umalis ka,
iniwan akong nag-iisa. Mabuti nalang at narito siya.
Bakit mo ako iniwan?
Matanda na ako. Sa tabi ng bintana, gabi-gabi, habang tumatanaw sa mga tala ay inaalala ka. Sa tuwina, sa pagitan ng mga luha, pinagdarasal pa rin kita. Hindi mo rin ginustong lumisan.
Sa
paglipas ng mga taon, alam kong may kasalanan ako sa kanya. Magkasama
kami ngunit ikaw ang inaasam. Subalit ngayon, ngayong ako ay naliwanagan
na, ay alam ko ng nagkamali ako ng akala. Ang lalaking nagharap sa akin
sa dambana ay tunay na iniibig ko pala. Binulag lamang ako ng pait --
ng kirot na dinulot ng mapaglarong kapalaran. Hindi ako sa iyo nahirapan
umusad kung hindi sa pangyayaring para sa akin ay hindi dapat sa iyo
naganap.
Umiiyak pa rin ako sa tuwing naaalala
ang trahedya ng nakalipas. Napapanaginipan ko pa rin kung paano ka
kinuha ng isang malagim na pangyayaring sanay isang bangungot lamang.
Minumulto pa rin ako ng larawan mo noong matagpuan kang wala ng buhay,
hindi na sana makikilala kung hindi dahil sa isang palatandaan.
Ngayon,
habang hawak ang larawan naming mag-anak ay iniisip kita. Hindi man
tayo ang nagkatuluyan ay hindi kita magagwang kalimutan. Ikaw ang
nagturo sa akin kung paano ang magmahal, ikaw rin ang nagturo sa akin
kung paano magpalaya. Alam ko, sa piling ng mga bituin ay nakatanaw ka
-- maligayang nakamasid sa akin sa mga nakalipas na taon. Alam kong
nagpapasalamat ka na nagpatuloy ang pag-ikot ng aking daidig, na nagawa
kong umibig muli at maging masaya.
Batid kong payapa ka na, payapa ka na.
[July 2013]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento