Sabado, Setyembre 15, 2012

Hindi Pa Ako Inaantok

Pangarap. Ano ba ang pangarap? Ito ba ang mga bagay na nais mong makuha? Ito ba ang mga bagay na kukunin mo pagdating ng araw? O, ito ba ang mga bagay na hindi mo makukuha kailanman?

Late at night when all the world is sleeping,
I stay up and think of you...

Iniisip ko na naman siya. Alas dos na pala. Mamaya lang ay umaga na pero hindi pa rin ako makatulog. Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Kakalimutan ko na ba siya at tuturuan ang puso ko na umibig sa iba o hahayaan ko nalang na kusang ipalimot sa akin ng panahon ang nadarama ko sa kanya?

Minsan, itinatanggi ko sa aking sarili na mahal ko siya ngunit kadalasan natatalo ako ng aking puso na iyon ang nadarama. Bakit nga ba siya pa? Siya na malabo akong mahalin. Siya na hindi kayang makita ang aking damdamin. Siya na malapit ngunit napakalayo sa akin.

And I wish on a star, that somewhere you are thinking of me too...

Gising pa siguro ngayon 'yon. Sabi nila, kapag gusto mong matulog pero hindi mo magawa ay may nag iisip sa'yo. Alam ko na walang katotohanan 'yon ngunit kung sa pagkakataon na ito ay naging totoo iyon, alam ko na hindi niya ako iniisip. Sino nga ba ako para isipin niya?

'Cause I'm dreaming of you tonight till tomorrow I'll be holding you tight.
And there's nowhere in the world I'd rather be than here in my room, dreaming about you and me...

Kahit sa pangarap, hindi ko makita na ako ay mamahalin niya. Tila wal talagang hinaharap na naghihintay para sa aming dalawa. Maging ang managinip ng gising na kami ay masaya sa isa't isa ay napakahirap gawin. Alam ko naman na hindi niya ako kayang tingnan bilang isang iniibig. Alam ko na hanggang dito lang ako, mag isang nagmamahal at masaya kahit na wala namang bumabalik. Hindi ko alam kung bakit ganito. Sa lahat ng hindi mahal ng taong mahal nila, ako lang yata ang nakararamdam ng tuwa. Gusto ko ng palayain ang sarili ko sa kalagayang ito ngunit may pumipigil sa akin. Paano mo nga ba magagawang itapon ang isang bagay na nagbibigay sa'yo ng kaligayahan? Ang mahalin siya, kung alam lang niya, ay ang pinakamagandang emosyon sa buong mundo.

Wonder if you ever see me and I wonder if you know I'm there.
If you look in my eyes, would you see what's inside, would you even care?

Ang tanging mahirap lamang dito ay ang magpanggap na hindi ko siya mahal at sarilihin ang lahat. Ngunit dumating ang panahon na tila napakahirap ng mag isa. Tinawagan ko ang pinakamalapit kong kaibigan at ikinuwento ang aking nararamdaman sa taong ito. Sabi niya, sabihin ko raw ito sa kanya. Natawa na lamang ako at sinabi na hindi ko kaya.

Hindi ko talaga kaya. Naisip ko tuloy, napakahirap pala na maging babae. Sabihin man nila na pantay-pantay na ngayon, may mga bagay sa isang babae na ginintuan at dapat ingatan. Alam ko, hindi tama na magtapat.

I just wanna hold you close but so far all I have are dreams of you...

Mananatili nalang ba na ganito? Abot siya ng aking kamay ngunit hindi abot-kamay. Siguro nga ay ganito ang mundo at ito ang pag ibig. Hindi lahat ng nais mo ay makukuha mo at hindi lahat ng hindi mo nais ay hindi mo makukuha. Hangad ko na mahalin din niya ngunit kasing layo ito ng tala kung saan ko hinihiling na matutunan niya rin akong ibigin. Hindi ko hangad na magmahal ng isang tao na sa malayo palagi nakatingin ngunit ngayon ay kuntento na ako sa ganito.

Ano nga ba ang mayroon siya upang maging ganito kahalaga? Bakit nagawa kong itulak palayo ang isang tao na nagmamahal sa akin dahil siya lamang ang nais kong ibigin?

Ordinaryo lamang siya noon sa aking mga mata ngunit simula noong ibahagi niya unti-unti ang buhay niya sa akin ay may ilaw na biglang nagbigay ng liwanag sa aking puso -- isang bombilya na hindi pa nasisindihan para sa kanya. Nakita ko ang nakatagong katotohanan na ang taong ito ay karapat-dapat na ibigin. Namasdan ko ang mga bagay na hindi niya magawang mamalas sa kanyang sarili hanggang sa hindi ko mamalayan na sinimulan ko na siyang mahalin.

Ilang ulit na akong umibig, nasaktan at nakasakit ngunit ngayon ko lang napagtanto na hindi lahat ng pag ibig na ibinigay mo ay dapat hangarin mo na makuha pabalik. Kung minsan, mas masarap umibig ng walang hinihintay na kapalit.

Late at night when all the world is sleeping,
I stay up and think of you.
And still can't believe, that you came up to me and said I love you.
I love you too.
Now I'm dreaming with you tonight till tomorrow and for all of my life.
And there's nowhere in the world I'd rather be than here in my room, dreaming with you endlessly.

Pero kung ang buhay ay nahahawig din sa mga nobela at pelikula na may magandang kahihinatnan, kung ang pag ibig ay katulad ng mga akdang mayroong hiwaga at kung totoong makapagbibigay ng kahilingan ang mga tala, may pag asa pa marahil na sumibol ang pagmamahal sa puso niya -- pagmamahal na sa akin niya lamang iaalay. Kung magbabago pa ang ihip ng malamig na hangin, ang malungkot kislap ng mga bituin at ang ikot ng mundong ngayon ay hindi pabor sa akin, maaaring ang araw kinabukasan ay sumikat na para sa amin.

Pangarap. Ano ba ang pangarap? Ito ba ang mga bagay na nais mong makuha? Ito ba ang mga bagay na kukunin mo pagdating ng araw? O, ito ba ang mga bagay na hindi mo makukuha kailanman? Lahat ito maaaring maging depinisyon ng salitang 'pangarap'. Panahon na lamang ang magsasabi kung alin sa mga ito ang babagay na pagpapakahulugan sa tinutukoy kong pangarap. Sa ngayon, may iba pang kahulugan sa akin ang nasabing salita -- siya.

[September 2012]