Linggo, Oktubre 14, 2012

Sa Aking Nakaraan

Matamis, makulay at masaya -- ito ang aking nakaraan. Hindi matatawaran at hindi mabibili ng kahit sinong nilalang kaya naman napakahirap kalimutan. Ito ang lumipas na panahon. Ito ka, aking kahapon.

Lumiwanag ng muli ang langit. Natapos na ang bagyo, ang unos na napakalupit. Nawala na ang mga latay na likha ng iyong paghagupit. Tuluyan na akong nakalipad -- lumaya sa pagkapiit. Muli ko ng nakita ang hardin ng mapupulang rosas nang dumilat ako sa pagkakapikit. At kasabay ng pagbukas ng aking ng aking mga mata sa ganda ng daigdig ay humuni ang mga pipit -- humuni at umawit. Umawit ang mga ito ng isang himig na pamilyar man sa aking pandinig ay tila hindi na kaya pang kilalanin ng aking puso at isip.

Sino ka ba? Hindi kita kinalimutan ngunit hindi na kita maalala. Hindi kita binura sa aking isipan subalit ni ang iyong bakas ay nawala na sa puso kong minsang sa iyo ay nangulila. Sino ka nga ba? Bakit ikaw, na noon ay hindi mawala sa panaginip ko at gunita, ay naglaho nalang bigla sa isang kisapmata?

Naaalala ko pa noong sabay pa tayong nangangarap para sa tinatawag nating "habambuhay" -- dito tayo ikakasal, ito 'yong tugtog, sila ang mga abay, ganito 'yong bahay natin, pagtanda natin magkasama pa rin tayo. Natatandaan ko rin ang mga pangako mo sa akin, mga katagang hindi mo na sana sinambit para sa akin. Naiisip ko pa rin kung ano kaya ako ngayon, ano ka kaya ngayon, ano kaya tayo ngayon kung tayo pa rin ang magkasama. Ngunit, ilang beses man akong multuhin ng kahapong naging sa ating dalawa ay wala na silang saysay dahil -- hindi ko rin mawari kung bakit.

Bakit? Bakit? Bakit? Hindi ko alam kung anong nangyari. Isipin man kita, pati na ang mga alaala, ay hindi ko ka maramdaman ang dati. Wala na ang kislap -- ang bukal na pinagmumulan noon ng walang hanggang pagmamahal. Wala na ang lugar sa puso ko na noon ay iyong tinitirahan. Wala na ang lagat. Wala na. Wala.

Nakakapagtaka. Nakakapanibago. Hindi ko mawari kung anong ginawa sa akin ng panahong ibinigay mo sa akin buhat ng ipaubaya mo muli sa akin ang mundo kong minsan mo ng inangkin. Tila isang mahabang panaginip lamang ang lahat -- puno ng emosyon habang nagaganap ngunit sa paggising ko ay naglaho ang lahat, pumailanlang sa mga ulap.

Siguro nga ay napakarami ko ng naiyak. Marahil ay masyado na akong nasaktan at naghirap. Tama lang marahil ito. Tama lang marahil na maging masaya ako.

[October 2012]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento