Ang mga kaibigan, madalas wikain ng aking ama, ay parang panaginip.
Humakbang ako ng pasulong, papasok sa tarangkahang niluma na ng panahon. Puno ako ng sigla, ako pa ba ang hindi matutuwa? Makakasama ko ulit sila -- maririnig ang mga hagikgik na saglit kong hindi nadinig. Haaay, kay sarap isiping ako ay muling nagbalik.
Kumislap ang aking mga mata. Nakatayo pa rin ang apat na bahay. Ngunit -- sandali lang -- parang may iba. Iginala ko ang aking paningin, inikot hanggang sa may mapansin. Nasaan na ang bahay-bahayan?
Isa-isa silang lumapit. Bumilang ako sa isip.
"Kumusta na?" May nagtanong.
Huminto ako sa pagbibilang. Hindi ko na inalam kung kumpleto ba sila o kulang. Nagsimula ang kwentuhan.
"Parang kailan lang..."
"Ito na ba 'yong kapatid mo?"
"Kumusta na si..."
"Tayo dati..."
"Akalain mo..."
Masaya. Ang sarap sa pakiramdam. Wala pa rin nagbago. Hindi sila nagbago.
Nagpatuloy ang kwentuhan, ang paggalaw ng mga kulay. Walang anu-ano ay nasulyapan ko ang sementadong pader -- na walang buhay ngunit tila kumakaway. Sa diwa ko ay inisa-isa kong basahin ang mga nakasulat na salita, ang mga nakalimbag na pangalan -- ang mga nakaukit na alaala. Naisip ko bigla: ang tagal na rin pala.
Isa, dalawa -- hindi, anim. Halos anim na taon. Mahigit kalahating dekada na mula noong lisanin namin ang lugar na ito. At sa loob ng dalawang taon ay hindi ko nagawang bisitahin itong pook na siyang nag-ugoy sa duyan ng kabataan ko.
Wala naman nagbago, sa tagal ng panahon. Mainit pa rin ang pagtanggap ng aking mga unang kaibigan. Ang lumang bahay ay nakatayo pa rin -- mga dingding at haligi na lamang ang naiwan. Ang puno ay naroon pa rin, bagamat sa lilim nito ay wala na ang mga batang naglulutu-lutuan. Ang upuang yari sa semento ay hindi pa rin nasisira ngunit ang mga paslit na nag-aaral-aralan ay hindi ko na namataan. Napabuntong-hininga ako.
Sa kabila ng mga pagbabago ay nagagalak ako. Mainit ang alab ng muling pagkikita. Lalo man nangulila ay hindi ko maitatanggi ang tuwa. Kaya pala sa panaginip ay palaging natatagpuan ko sila.
Nagpatuloy ang paglipas ng mga saglit. Kailangan ko ng umuwi.
Bago lumabas ng tarangkahan ay nilingon ko sila. Hindi ko na nagawang bumilang pa. Naisip ko na nagkamali ako ng akala kanina, na katulad pa rin kami ng dati na kumpleto at masaya.
Sa kasabikang humakbang ng pasulong, papasok sa tarangkahang niluma na ng panahon, ay halos hindi ko namalayang lumakad ako ng paurong. Mabuti na lamang at narinig ko ang ilang hagikgik na malabo ko ng madinig pa. Dahil mayroon ng lumayo at mayroon din nawala, may lumagay na sa tahimik at may isang namayapa na.
Ang mga kaibigan ay parang panaginip daw. Marahil ay ganoon nga. Ngunit kung may isang panaginip na gusto kong magpaulit-ulit, iyon ay ang mga sandali sa piling ng aking mga kababata -- mga panahong simple lamang ang lahat, walang mga bagabag at paglalaro lamang ang tanging ligaya.
[May 2013]