Miyerkules, Pebrero 13, 2013

February 12




(Isang maikling kwento kung paano nagkaroon ng importasya sa isang babae ang isang ordinaryong petsa at kung paano ito bumalik sa pagiging ordinaryong araw na lamang sa kalendaryo ng buhay niya.)


Hindi kailanman mababago ang nakaraan. Hindi rin mabubura ang mga alaala ng kahapong nagdaan. Habang may buhay ang nagmamay-ari ng karanasan ay hindi na mawawala ang mga naganap -- mananatili ang mga ito na bahagi ng pagkatao niya, mananatili itong nasa kanya. Ngunit, kung ganito lang naman ang kapangyarihan ng nagdaan ay bakit mayroon pang kasalukuyan at hinaharap?

Hindi niya alam.

Pero, may dahilan.

May dahilan.


I. February 12, 2010

Watching as you softly sleep,
what I'd give if I could keep just this moment, if only time stood still?

"Matatapos na 'yong kanta," sabi ng kanyang kasayaw.

"Oo nga," sagot niya. "Ang bilis."

And the years will make us grey...

"P'wede na ba maging tayo?" tanong nito.

Nagtaka siya sa narinig. Hindi niya alam kung maniniwala siya sa mga nagaganap. Dalawang araw pabalik, ay sinabi nito sa kanya na pinapalaya na siya nito. Hindi na ito tumatanaw pa sa pagdating ng araw na ibibigay niya rito ang kanyang matamis na 'oo'. Ano nga ba ang aasahan mong pagmamahal mula sa isang taong umiibig na sa iba? Naunawaan niya kung bakit nagawa nitong magpadala ng ganoong klaseng mensahe sa cellphone niya. Karapatan nitong lumigaya. Siruro nga ay hindi lang talaga sila ang para sa isa't isa. Kung sa bagay, hindi rin naman ito ang nais niyang makasama. Siguro nga ay hindi patas kung hahayaan niyang manatili ito sa tabi niya. Sa katunayan, nabunutan siya ng tinik sa ginawa nito.

Nabunutan nga ba siya? Gayong umagos kaagad ang mapait na luha nang mabasa niya ang text ito? Kahit na parang hindi na niya alam kung saan magsisimula kapag nawala ito sa kanya? Ano nga ba talaga ito sa buhay niya? Sa puso niya? Nabunutan nga ba siya ng tinik o natinik lamang siya muli?

February 11 ay naging maayos ulit ang lahat sa kanila. Hindi lamang pala siya ang lumuha ng gabing iyon, pati ito.

Hiniling nito sa kanya na maging first dance siya nito sa gaganaping JS Prom kinabukasan. Pumayag siya.

All I want is to hold you forever.
All I need is you more everyday...

"Uy," nagsalita ito muli.

Natigilan siya sa pag-iisip. "Ano?"

"P'wede na bang maging tayo?"

"Seryoso ka ba?" tanong niya habang iniisip ang nangyari noong February 10. Hindi ba umayaw na ito? Hindi ba't magiging purong magkaibigan na lamang sila?

"Tumingin ka sa mga mata ko."

Tumingin siya sa mga mata nito.

"Seryoso ako, p'wede na ba maging tayo?"

You saved my heart from being broken apart...

Sa mga mata nito ay nakita niya ang pagpapahalaga -- pagpapahalagang hindi niya nakuha sa minamahal niyya. Ang mga matang iyon, ayaw niyang muli pang mabahiran ng luha ang mga matang iyon ng dahil sa kanya. Alam niya, alam niya na ito ang pinakahuli sa listahan kung sakaling uutusan siya ng pagkakataon na saktan lahat ng taong iibig sa kanya. At, kung matapos na niya ang misyon sa lahat ng nauna rito sa listahan, susuwayin niya ang utos ng tadhana. Isang beses lang naman kapag nagkataon -- hindi na masama.

"Oo," sagot. "Oo, tayo na."

You gave your love away.
I can't find the words to say
that I'm thankful everyday for the gift...

Natapos na ang tugtog. Naubos na rin ang pagkakataon para sa kanya at sa taong tinitibok ng puso niya.

Hindi siya makatulog ng gabing iyon. Paano na ang mahal niya? Paano na sila?

Napabuntong-hininga siya. Kung sa bagay, may pag-ibig na rin naman siya sa kasintahan. Siguro, hindi lang talaga sila ng mahal niya ang nakatadhana -- kahit gaano pa kalalim ang pag-big niya rito.

Pero, may tadhana nga ba?

Mula noong magkaisip siya ay pinaniwalaan na niya na lahat ng nagaganap sa buhay ng bawat nilalang ay nakatakda -- na ang lahat ay nangyayari dahil mayroong tadhana. Hanggang sa mabasa niya sa pader ng isang silid-aralan sa Caloocan, kung saan ginanap ang contest na sinalihan niya noong February 10 din, ang isang quote.

"Destiny is not a matter of chance. It is a matter of choice."

Walang tadhana, naisip niya, pagkakataon ang kaloob ng langit at hindi kapalaran. Kasalanan mo kung hindi maganda ang kahahantungan mo dahil sa pagpapalampas mo ng mga pagkakataong ibinibigay Niya sa iyo.

Napaluha siya -- napakapait.

Napalampas nga ba niya ang pagkakataong maging masaya?


II. February 12, 2011

"Do you need me because you love me or do you love me because you need me?" Ito ang tanong nito sa kanya sa isang sulat noong bago pa lamang silang magkasintahan.

Alas tres na siya nakatulog kagabi. Hindi kasi siya mapakali. Magiging memorable kaya ang anniversary nila? Maganda kaya sa lugar na iyon? Magiging masaya kaya sila? Aayon kaya ang pagkakataon? Sana walang klase para mas matagal silang magkasama.

Kung sa bagay kahit naman ordinaryong araw ay nagiging memorable kapag kasama mo ang taong mahal mo. Masaya naman siya palagi kapag kasama niya ito.

Tama lang marahil ang naging desisyon niya. Kahit na nasaktan pa niya ang taong nauna niyang mahalin kaysa sa kanyang kasintahan.  Hindi naman talaga maiiwasang may masaktan sa sitwasyon nilang iyon.

Naaalala pa niya ang mga panahong iniisip niya na nagkamali siya. Ilang beses din niya sinubukang tapusin ang lahat sa kanila subalit mayroong pumipigil. Ngayon ay alam na niya kung ano iyon -- pag-ibig. Hindi niya namalayan kaagad noong simula na kaya siya umiyak noong magpahayag ito ng pagsuko ay dahil hindi niya talaga nais na isuko siya nito. Kagaya nga ng sinabi sa akdang Dead Stars ni Paz Marquez-Benitez: "So all this years -- since when? -- he had been seeing the light of the dead stars, long extinguished, yet seemingly still in their appointed places in the heavens."

Minsan, matagal ka ng tapos sa isang bagay pero binubulag ka lang ng paniniwala mo na hindi pa. Katulad ng liwanag ng mga bituin na hindi kaagad umaabot ang liwanag sa langit na tinitingala natin sa gabi dahil sa layo nila sa mundo -- parang mga taong sobrang layo sa katotohanan.

Mabuti na lamang ay nakita niya ang katotohanan bago pa mahuli ang lahat. Isa lamang ang alam niya, mahal na mahal niya ang kanyang kasintahan.

Habang nagkaklase ay hindi siya mapakali. Sira ang cellphone nito at dahil sa hindi niya alam kung may klase ba sila sa huling subject nila sa araw na ito o wala ay sinabi niya na maaaring alas tres sila lumabas pero puwede rin na gabi na siya makarating. Alas tres na lamang daw ito pupunta.

Sa kasamaang-palad ay may klase sila. Paunli-ulit niya ng pinapaalis sa kanyang isipan ang nagtuturo sa kanila. Hindi ito nale-late. Kahit minsan ay hindi siya pinaghintay nito.

Ika-7 ng gabi ng magkita sila. Kinakabahan siya habang papalapit dito dahil baka ang katagalan niya ang maging dahilan para masira ang gabing iyon.

Ngunit, hindi. Hindi ito nagalit o nanumbat. Binati lamang siya nito at niyakap. Hinintay niya na magsalita ito o magtanong tungkol sa pagiging huli niya pero wala itong binabanggit hanggang sa siya na lamang ang magpaliwanag ng kusa.

Kinuha nito ang mga dala niya at naglakad sila papunta sa isang lugar na noon pa lamang niya mapupuntahan. Sabi nito, puno raw ng Cadena de Amor ang lugar na iyon at may paniniwala raw na ang ibig sabihin ng bulaklak na iyon ay pag-iibigang walang hanggan. Saksi ang Ilog ng Marikina sa sayang nararamdaman nila habang tumatawid sila ng tulay na magkahawak ang mga kamay.

"Nakapunta ka na ba rito?" tanong nito sa kanya.

"Hindi pa nga," sagot niya. "Ang kulit mo talaga."

"Ako dalawang beses na," kwento nito. "Ikaw din ang pangalawang babaeng nakasama ko rito."

"Gano'n ba?" Medyo nainis siya. Sino ba iyon? Sa pagkakaalam niya, siya ang unang kasintahan nito. Sino ang tinutukoy niya? Bakit kailangang banggitin niya pa ito?

"Alam mo kung sino 'yong una?"

Lalo siyang nairita rito. Umiling lamang siya para tumigil na ito.

"Si Mama," sabi nito.

Napangiti siya. "Siya pala."

"Happy anniversary raw sa atin."

Sa ilalim ng mga nagniningning na bituin ay inabot niya ang ginawa niya para rito at binasa ang limang pahina niyang liham. Alam niyang natuwa ito, damang-dama niya. Inilagay nito ang jacket na suot sa kanya at tinugtugan siya gamit ang dala nitong harmonic -- Harana ang pamagat ng kantang iyon. Sumambit din siya ng isang tula na binago niya ayon sa gabing iyon, I Wandered Lonely as a Cloud ang tulang iyon.



"Do you need me because you love me or do you love me because you need me?"

Matagal na niyang alam ang sagot sa tanong nito. Hindi man niya nasiguro kaagad noon pero natitiyak niya ngayon na sa una palang ay minahal na niya ang taong ito at mas minamahal pa niya habang lumilipas ang panahon.

Wala siyang pinagsisisihan. Bigla niyang naalala ang sinabi niya sa sarili niya noon na ang gusto niyang magmahal sa kanya ay isang tao na bibigyan pa rin siya ng mga sulat at bulaklak, isang tao na tutugtugan pa rin ng gitara at aawit para sa kanya na para bang nanghaharana kahit na hindi na uso ang mga ito -- mas mahalaga para sa kanya ang mga ganoong uri ng regalo kahit moderno na ang panahon. Lahat ng iyon ay nagawa sa kanya nito sa loob ng isang taon.

Lumipas ng mabilis ang panahon. Katulad noong February 12, 2010 ay lumuha siya ulit bago matulog -- pero matamis ang luhang iyon, puno ng pag-ibig.

Sadyang wala na siyang mahihiling pa.


III. February 12, 2012

Sana ay tumigil na lamang ang oras sa panahong magkatabi sila sa ilalim ng isang silong na puno ng Cadena de Amor, sa tapat ng Ilog na pinakikintab ng buwan na animo'y letrang D at ng mga talang hindi ninais magtago sa mga ulap na tila nais makisaya.

Sana. Sana. Sana. Dahil ngayon, wala na siya -- wala na ang taong mahal niya. Iniwan siya nito -- tinapos lamang ang lahat sa isang social networking site, sa mga mensaheng hindi niya mapaniwalaang totoo. Hiniling niya na magkita muna sila subalit hindi raw nito kayang makita siyang lumuluha at nasasaktan.

Pagkalipas ng tatlong araw, February 26, 2011, ay tinawagan siya nito. Nakikiusap na bigyan pa niya ng pagkakataon. Nasaktan siya. Hindi siya pumayag -- nais niyang gumawa ito ng paraan para maipakita na lubos itong nagsisisi.

Kabaligtaran ang nangyari. Nabalitaan niyang may iba na itong sinusuyo. Hindi niya alam kung totoo ba ang balitang nasagap niya pero nasasaktan siya at takot ng masaktan pa lalo sa katotohanan.

Ilang beses siyang sinubukang kausapin nito, kada buwan ay nagpaparamdam ito kaya marahil ay hindi niya ito magawang kalimutan. Sa kabila nito ay hindi na niya hinayaang magkalapit silang muli.

Hanggang sa napalapit siya sa isang tao na mahusay sa debate, magaling sa sining, matalino at minsan ay narinig niyang kumakanta ng 'How Deep is your Love?' na inalay sa kanya ng dating kasintahan. Ang mga iyong ang dahilan para pagtuunan niya ng atensyon ang taong ito. Minahal niya ito, nakalimutan niya ang kahapon.

Pero, mali pala siya. Nakipag-ayos ito sa kanya -- para bang nabuhay muli ang mga alaalang pilit niyang pinuksa at inalis sa isipan.

Akala niya ay magiging maayos na ulit ang lahat -- na mababawi pa ang pagmamahal na naramdaman nila noon. Nagkamali pala siya. May iba na itong mahal. Natuklasan niya ito noong araw mismo ng Pasko at sa huling araw nng taong 2011 ay pilit niyang pinigil ang mga luha habang tinitingnan kung paano nito gawin sa iba ang dating ginagawa nito sa kanya.

February 12, 2012. Dapat ay dalawang taon na sila. Naghintay siya na mag-text o mag-message ito sa Facebook. Para siyang baliw na umaasa sa isang kwentong binuo niya lamang sa isip niya. Isa siyang hangal na naghihintay pa rin sa dati niyang pag-ibig kahit na alam niyang may iba na itong minamahal.

Ngunit, ang bawat paghihintay ay may katapusan. At may mga paghihintay na pinipiling wakasan. May mga bagay na dapat sukuan lalo na at wala ng pag-asa.

Ipinangako niya sa sarili na hindi na siya maghihintay pa. Ang buhay ay isang daanang nilalakad ng pasulong -- one-way street, sabi ga nila. Pilitin mo man bumalik sa nakaraan ay hindi mo ito magagawa. Maaaring lingunin ang kahapon subalit hindi ka rin dapat manatiling nakatanaw sa dinaanan mo na -- kung hindi ay lilipasan ka ng panahon. Habang maaga pa ay humakbang ka na at damhin ang bawat parte ng iyong landas. Kung hindi ay kailan ka pa maglalakbay, kung papagabi na?

Uusad na siya.


IV. February 12, 2013

Hindi na siya maghihintay. Sa kabila nito ay hindi muna niya pagtutuunan ng pansin ang paghahanap ng bagong pag-ibig. Pero, ang gusto niya, sa paraang hindi napapansin ng lahat kaya ganoon na lamang ang pagbibiro niya tungkol sa pag-ibig.

Dumating ang bakasyon, April 2012. Nagising na lamang siya na wala na pati ang sakit na nararamdaman niya. Hindi na rin niya hinihiling na sana ay magkasalubong manlang sila, hindi kagaya noong nakaraang bakasyon. Wala na rin epekto sa kanya kapag pareho silang naka-online at hindi manlang siya nito kinukumusta. Hindi na rin siya apektado sa pagpapakita paminsan-minsan ng mga multo ng kahapon, hindi tulad noon na bigla na lamang siyang luluha. Napapakinggan na rin niya ulit ang The Gift, Beauty and Madness, Halaga, My Love, Out of My League, Spend My Lifetime Loving You, Ang Huling El Bimbo, Harana, Speak Now, The Ghost of You, Six Months at iba pa -- ng walang nararamdamang kirot.

Natapos na ang yugto ng paghihintay niya. Pero, wala pa rin siyang balak na magmahal ulit. Natatakot siya na wala ulit patunguhan at masaktan na naman siya muli.

Hanggang sa mapalapit pa siya sa isang taong dati ng malapit sa kanya. Nagsimula itong magkwento. Nagsimula siyang magkwento. At habang tumatagal, habang mas nakikilala niya ito, ay napapansin niya na nagiging espesyal ito sa kanya. Gusto niyang palagi niya itong nakakausap at nakakasama. Gusto niya na palagi siyang nasa tabi nito sa tuwing kailangan nito ng kausap, pinipilit niyang maging nasa tabi nito sa abot ng kanyang makakaya. Siguro, dahil magkaibigan sila. Normal lamang marahil na pahalagahan niya ito.

Ngunit, sa paglipas ng panahon ay tuluyan na siyang nahulog sa taong ito. Hindi niya alam kung bakit. Kahit ilang ulit niyang pinigilan ay hindi na nagawa. Ilang ulit niyang tinimbang, maaaring nagkakamali lamang siya -- subalit hindi.

Mahirap pala magmahal ng kaibigan, kahit naranasan na niya ito noon. Kahit na madalas ay nagiging espesyal sa kanya ang mga taong madalas magbahagi ng panahon sa kanya. Iba ang sitwasyong ito -- kahit hindi niya alam kung bakit naiiba.

Sa panahong nasasaktan siya sa kasalukuyan, may isang taong nagparamdam sa kanya na hindi siya nag-iisa -- ang kanyang nakaraan.

December 19, nagkita sila ulit. Nag-usap sila. Nalaman din niya ang totoong nangyari sa kanilang dalawa. Wala pa rin itong kasintahan. Wala pa rin nagiging kasintahan. Hindi rin niya totoong minahal ang babaeng inakala niyang dahilan kung bakit hindi na sila nagkaayos pa ulit. Siya raw ang first and last sabi nito.

Pero, huli na ang katotohanan. Lumipas na ang pag-ibig -- katulad ng panahon na kapag nagdaan na ay hindi na maibabalik.

Alam nila pareho na huli na ang lahat para sa kanila. Pero bukas siya sa pagkakaibigan. Habang papalapit siya rito noon ay hindi niya nakita ang lalaking nanakit sa kanya kung hindi ang kaibigang naging sandalan niya sa napakaraming pagkakataon.

Batid naman niya na handa itong maging kaibigan niya ulit. Marami silang napag-usapan. Napakarami. Pinayuan siya nito, katulad noon -- tungkol sa paghihintay, pagsuko at iba pa.

"Ikaw, kung mahal mo talaga siya."

Hindi niya alam kung bakit pero may naramdaman siyang iba sa salitang 'talaga'. Nakapagdesisyon siya.

February 12, 2013 -- ngayong araw iyon. Alam niya ang petsa, alam niya kung anong mayroon sana. Kahapon pa ay may mga nagpapaalala na sa kanya ng kahapong nakalimutan na niya. May mga bumabati pa nga na dating mga kaeskwela. Wala na sa kanya ito. Sanay na siya na palagi pa rin itong inuugnay sa kanya kahit matagal na silang wala.

Ordinaryo na lamang ang araw na ito. Ilang beses man na may magpaalala sa kanya ng kahapon ay hindi na mabubura ang katotohanang iba na ang minamahal niya. Hindi man niya batid ang kanyang lugar sa buhay nito. Hindi man niya sigurado ang hinaharap sapagkat hindi rin niya sigurado ang kasalukuyan -- kung saan siya dapat tumayo. Hindi man niya alam kung hanggang kailan siya kakapit at kung saan siya dadalhin ng pag-ibig.


***

May dahilan.

May dahilan kung bakit may nakaraan at mahalaga ang nakaraan. Ito ang humubog sa iyo, ito ang bumago sa iyo. Ito ang bumuo sa kung sino ka ngayon -- isang kasalukuyang pinalipas ng panahon para mag-iwan ng leksyon.

Kung wala kang binaon mula sa kahapon, balewala ang ngayon. At dahil walang saysay ang ngayon, mawawalan din ang hinaharap na bukas ay magiging kasalukuyan mo.

Gayunman, kailangan mo pa rin piliin ang dadalhin mo mula sa sa naunang paglalakbay. Huwag mo hayaan na mapuno at bumigat ang iyong sisidlan dahil sa mga walang kwentang bagay na dinampot mo sa iyong dinaanan sapagkat dalawa lamang ang maaaring maganap -- bumagal ang paglalakad mo dahil sa bigat o mawalan ng espasyo ang iyong lalagyan para sa mga mas karapat-dapat na bagay.

Sa ngayon ay baon pa rin niya ang magagandang alaala -- mga bagay na nagparamdam sa kanya ng kanyang halaga. Ang pait at dusa ay itinapon na niya, kasama ng pag-ibig na iniwan na niya kasama ng mapapait na gunita.

Ang kasalukuyan na lamang ang iniibig niya.


[February 12, 2013, second anniversary sana haha]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento