Huwebes, Enero 17, 2013

Entablado


Handa ka ba magbago para sa pag-ibig?

Habang nakadungaw sa labas ng bintana ng jeep na sinasakyan ko ay natawag ang pansin ko ng isang bata, na sa tingin ko ay nasa anim o pitong taon gulang pa lamang, na tumatakbo. Hindi ako makapaniwala na nakakatakbo siya sa taas ng takong ng suot niyang sapatos.

Tiningnan ko lang siya. Pabalik-balik siya, paroon at parito ang takbo, habang ang jeep na sinasakyan ko ay hindi pa rin umuusad dahil sa pulang ilaw.

Ilang saglit pa ay nag-iba ang dating sa akin ng pagtakbo niya. Parang na-imagine ko siyang unti-unting lumalaki habang tumatakbo -- iyong katulad sa mga palabas sa telebisyon at sinehan na habang naglalakad, kumakain o ano pa man ay bigla nalang tatanda.

Habang tumatakbo siya ay nabangga siya ng isang binata. Para bang tumigil ang oras at bumagsak ang mga rosas. Sa isang iglap, napagtanto na lamang niya na umiibig na siya.

Nakilala nila pareho, sa kauna-unahang pagkakataon ang pag-ibig. Nakilala nila ito habang nakatanaw sa mga mata ng bawat isa.

Hindi nagtagal ay magkasabay na nilang binabaybay ang daan. Hindi tumatakbo, naglalakad. Naglalakad ng marahang-marahan. Ayaw kasi nito na tumatakbo siya. Kailangan daw ay maging pino ang kilos niya dahil hindi na siya isang bata. Ginawa niya iyon. Ayos lang daw sa kanya dahil masaya naman siya sa piling nito.

Ngunit, isang araw ay bigla siyang nadapa. Umagos ang dugo sa tuhod niyang sugatan. Pero, wala roon ang totoong kirot. Ang sakit ay natagpuan niya sa bakanteng lugar sa tabi niya. Nilipasan siya ng panahon habang naghihintay na iabot nito kanyang kamay subalit napagtanto na lamang niya na wala na pala ito. Iniwan na pala siya ng inaakala niyang magtatayo sa kanya at aakay sa kanya habang hindi pa gumagaling ang mga sugat niya.

Nagdaan ang mga taon. Gumaling na ang lahat ng sugat pati na ang sugat na hindi nakikita. Tumatakbo na muli siya, masaya kahit na nag-iisa. Ito ang totoong siya, ito ang kaganapan ng katauhan niya.

Isang araw, namalayan na lamang niya na may kasabay na siya sa pagtakbo. Ilang araw, ilang buwan, silang nagkasabay sa daan hanggang sa mamalayan nalang nila na tumatakbo na pala sila hawak ang kamay ng isa't isa.

Ngayon ay alam na niya na para maging tunay na masaya sa pag-ibig ay maging totoo ka lamang. Kagaya ng una niyang pag-ibig, liligaya ka sa piling ng taong dahilan kung bakit ka nagpapanggap pero darating ang panahon na mapapagod ka at madadapa. At sa panahong iyon, asahan mo na wala ang taong dahilan kung bakit pilit mong kinakalimutan ang pagkatao mo.

Kailangan mong lumabas sa anino ng taong hindi ka kayang tanggapin ng buong-buo. Dahil, sa kabila ng pader na ihinarang mo sa sarili mo para makita ang mundo ay naroon ang isang taong kaya kang sabayan, pahalagahan at mahalin ng walang batas na ipapasunod sa'yo. Isang mangingibig na kukuha ng kalayaan mo pero gagawin kang mas malaya.

Hindi mo dapat ipilit na magtugma ang hindi. Kapag binago mo ang iyong sarili sa paraang mawawala ang pagkakakilanlan mo ay para mo na rin itinapon ang kalahati ng oras na ilalagi mo sa daigdig na ito. Kung hindi talaga, tanggapin mo nalang. Hindi naman mauubos ang numero. Nagkakaroon lamang ito ng hangganan kapag napagod magbilang ang tao. Hindi titigil ang bilang sa una o sa ikalawa o sa ikatlo -- 'wag ka lamang hihinto.

Tumigil ako sa pag-iimagine. May happy ending naman talaga, may totoong fairytale. Wala lang iyong sa'yo dahil mali ang pinili mong mahalin.

[January 2013]