Sabado, Hunyo 15, 2013

Bigyan mo ng Pamagat


 (Sa babasa: Wala itong pamagat. Ikaw na ang bahala. Lagyan mo kung gusto mo. Kung wala kang maisip, hayaan mo nalang na wala. Minsan daw, mas mabuting wala e.)

Nagkalapit tayong dalawa. Nagkwento ako. Nagkwento ka -- mga malulungkot na istorya, pati masasaya. Tulad ng karaniwang magkaibigan, bumuo tayo ng mga gunita. Lumipad ang oras. Biglang may nag-iba. Hindi ko alam kung anong espesyal sa naging sistema. Ngayon ay minamahal kita. Minamahal kita.

Sa isang gabing hindi ko inakala, nagningning ka tulad ng mga tala. Nagsimula ang panibagong kabanata. Alam kong wala ng kailangang ipagdamdam pa. Hindi na rin dapat mangamba. May tamang panahon, may hinaharap para sa ating dalawa. Minamahal kita. Minamahal kita.

Minuto. Oras. Araw. Linggo. Bakit nagkaganito? Para bang lumalayo. Hindi ito ang inakala ko. Hanggang sa salita lamang ba? Nasasaktan ako. Minamahal kita. Minamahal kita.

Luha, ngiti, lungkot at tuwa ang bumuo sa ginugol na panahon. Hindi na bale, alam kong sa pag-ibig ay hindi naman puro saya. Isa pa, minamahal kita. Minamahal kita.

Init. Lamig. Init. Lamig. Ano ba talaga? Ang hirap ipinta ng eksena. Panaginip lang ba ang bawat inusal na kataga? Hindi na mawari ang katotohanan sa ilusyon. Ang bitiwan ka na marahil ang tanging solusyon. Ngunit, paano? Minamahal kita. Minamahal kita.

Nangungulila ako. Sa iyo. Sa naging simula. Sa atin. Sa hindi pa nagsisimula. Sa lahat. Sa maari sanang magsimula. Nangungulila ako. Minamahal kita. Minamahal kita.

Ayaw ko ng lumaban pa. Hindi naman kita kasama. Marami akong hindi kaya ng nag-iisa. Mabibigo lamang ako kung hindi ka kasama. Kailangan mo ng lumaya. Kahit minamahal kita. Kahit minamahal kita.

Sumuko na ako. Minamahal kita. Sa katahimikan ay pinakawalan ka. Minamahal kita. Minamahal kita.

Sa paghakbang palayo, bigla nalang huminto. Namataan kong muli ang sarili na bumabalik sa iyo. Minamahal kita, kaya ganoon. Minamahal kita.

Ikatlong taon. Pagkalipas ng apat na taon. Ikatlong taon. Ito na naman ang mga naganap kahapon. Ikatlong taon. Paano ko nagagawang manalig na hindi mauulit ang kahapon? Ikatlong taon. Parehong-pareho, ito ba ay nagkataon? O, ang kasaysayan ay muling magiging buhay sa kasalukuyang panahon. Ikatlong taon. Magkatulad ang mga nagaganap -- oo, hindi, mayroon, wala, puwede, ewan. Ikatlong taon. Magulo. Nakakalito. Minamahal kita. Minamahal kita.

Minamahal kita higit sa kanya. O, sa kung kanino sa nakaraan. Minamahal kita. Sana ay hindi ito matulad sa nagdaan. Minamahal kita kaya lumalaban. Minamahal kita. Minamahal kita.

Ngunit kung wala na ang lahat, sana ay magtapat. Kung pumanaw na ang bawat pangungusap, magsalita na sana. Kung nasa isip ko lamang ito, magsalita ka pa rin. Kung masaya ka pa, ipaalam mo sana. Magsalita ka na sana. Minamahal kita. Minamahal kita.

Hindi ko alam kung saan ito pupunta. Minamahal kita.

Kung mananatili ako, minamahal kita.

Kung hindi, minamahal kita. Kinailangan ko lang na isuko ka.

Kapag naging tayong dalawa, minamahal kita.

Kapag napunta ako sa iba, marahil nasasabi niya ang minamahal kita.

Lahat ay posibleng maganap. Lahat din ay posibleng maging imposible. Minamahal kita. Minamahal kita.

Minamahal kita. Nakakasawa na ba? Minamahal kita. Paulit-ulit na ako. Minamahal kita. Ilang beses na bang nasambit? Minamahal kita. Uulitin ko pa. Minamahal kita. Minamahal kita.

Alam na alam mo. Minamahal kita. Kaya madaling mambalewala. Minamahal kita. Nakakatamad na bang marinig? Minamahal kita. Pagod ka na bang makinig? Minamahal kita. Minamahal kita.

Ako? Kailan kaya ako magsasawa? Kailan kaya tatamarin? Kailan kaya mapapagod magsalita? Bakit nga ba minamahal pa rin kita? Bakit minamahal ka pa?

Minamahal kita. Kung uulitin ko pa ba ay maiirita ka na? Minamahal kita, pasensya na. Pasensya na, minamahal kita.

[June 2013]