Sayang.
Sa kalagitnaan ng paghahanap ng tamang aklat, may nakita akong isa na ‘tila magugustuhan ko talaga. Mukhang maganda 'yong kuwento, kung ibabase sa buod nito likuran ng libro at sa mga parteng nabasa ko sa ilang buklat. Idadagdag mo pa ‘yong magandang pabalat. Talaga namang ang sarap itabi!
Kaya lang, medyo malaki at mabigat. Nagsisimula pa lang akong mag-ikot sa tindahang iyon. Kung dadalhin ko na iyon, paano kung maging sagabal ito? Paano kung mahirapan na akong makakita ng mas maganda?
Naisip kong ilapag na lang muna. Sabi ko, babalikan ko na lang bago umuwi o ano. Basta, bibilhin ko talaga iyon. Mag-iikot lamang muna ako.
Sa dami ng libro roon, 'di naman siguro 'yon makukuha. Mahirap pumili kung marami kang pagpipilian. Isa pa, ginawan ko naman ng paraan. Inihalo ko ito sa mga babasahing pambata. Wala naman sigurong bata na pipili ng ganoon kabigat na babasahin, lalo pa’t makapal ito at wala namang mga larawan sa loob.
Pero nagkamali ako.
Sayang. Sana, dinala ko na lang pala.
Naisip ko tuloy, minsan talaga ay saka ka lang nagkakaroon ng sapat na lakas dalhin ang isang bagay kapag bitbit na ito ng iba.
Kung saan ako nagkamali ng akala – sa pag-iisip man na sa dami ng libro ay hindi ito mapipili, o sa paniniwalang walang dadampot nito na paslit – ay hindi ko alam.
Basta, sayang.
Ang masaklap pa ngayon, hindi ko man lang alam kung sa tamang tao ito napunta o doon din sa kagaya ko na may pagkatamad at iresponsable.
At iniwan lang din ito kung saan.
Paano kung umalis pala ako nang hindi alam na nasa tabi-tabi lang ito? Paano kung naitapon pala, sa ikalawang pagkakataon, ang tiyansang makuha ko ang librong iyon?
Sayang.
Pero, bakit ko pa iisipin kung wala na? Kung huli na para mag-isip?
Bakit ko pa pagtutuunan ng pansin kung may iba naman akong nabili – na mas maganda pa?
Minsan talaga, gustung-gusto nating hinahanap ang malabo na nating makita. Mas gusto natin kung saan tayo nahihirapan.
May challenge, ‘ika nga.
Torture kamo.
Pagpapahirap lang sa sarili.
Sa halip na tingnan natin kung ano iyong nawala, bigyan na lang natin ng pansin kung paano ito nawala – para maiwasang magkamali muli.
Hawak ko ngayon ang isang aklat na alam kong magugustuhan ko – base sa pamantayan ko sa “unang tingin.”
Kapag nawalan ako ng ganang basahin ito dahil lang sa isa, mas malaki ang mawawala – iyon ang totoong sayang. Sayang, dahil sa ikalawang pagkakataon ay mayroon akong sinayang.
Binuklat ko ang hawak kong libro.
Magbabasa na ako.
[August 2014]
![]() |
Photo from www.onislam.net |