Sa isang madilim na parte, sa tabi ng Marikina River,
naroon ang isang karton na pinagdidikitan ng ilang larawan. Bagamat
nabubura na, makikita mo pa rin ang mga ngiti, madarama mo ang sandali.
Old school na marahil para sa nakararami ito – ang magpaprint ng mga
larawan, pagsama-samahin ang mga ito sa isang piraso ng karton, at lagyan ng
desenyo. Ngunit nakuha nito ang puso ko. Kaya credits to the owner. Pahiram
naman po ng alaala ninyo, gagamitin ko lang sa hashtag WaybackWednesday ko.
Sa halos kupas na, lumang-luma, at napakaruruming larawan
ay 'tila naramdaman ko ang emosyong
bumalot sa puso ng mga taong minsang puwesto sa harap ng kamera, upang
idokumento ang mga pagkakataong hindi na maulit po.
Noon, mahalaga ang bawat pose, ang bawat shot. Hindi pa kasi
high-tech, iilan lang ang laman ng film. O, sige, puwede kang gumastos at
bumili ng marami. Pero hindi ganiyan ang pananaw ng mga tao noon. Para sa
kanila, magpose ka, ngumiti, ayos na iyon. Hindi masyadong importante kung
magandang-maganda ka sa picture, ang mahalaga lang ay na-capture iyong moment.
'Di tulad ngayon na memory card mo lang ang limit.
Daan-daang shots? Sige, basta malaki ang storage mo. Paulit-ulit na pose
hanggang masatisfy ka? Walang problem, burahin mo lang lahat ng 'di mo gusto
kung mapuno ang space, at ulitin ang pagpose at pagngiti. Hindi man lang natin
maiisip na lumilipas ang moments na hindi man lang natin na-enjoy dahil nauubos
natin ang oras sa pagkuha ng mga larawan.
Punung-puno ng dumi, lupa, at kung anu-ano pa ang grupo ng
larawan – ngunit hindi mawawala ang
ganda nito. Pinaghirapang idikit ang mga litrato, pinagtiyagaang lagyan ng
disenyo ang piraso ng matigas na papel.
Dinala ito ng may-ari sa kung saan man siya mapadpad – hanggang sa hindi na niya ito
nakayanang dalhin pa, hanggang iwanan na niya ito kasama ang mga damit na
ibinalot sa manipis na plastic bag.
Tayo? Bakit tayo gumagawa ng collage? Bakit natin
pinagsasama-sama ang mga larawan at pinapaganda ang design ng collage ito (idagdag
pa ang mga filter na ginagamit natin)? Para mai-share sa social media?
Pagkatapos natin mai-post, ano? Kapag wala ng nagcocomment,
tinitingnan-tingnan pa ba natin? Dinadala kahit saan?
O binabalikan lang kapag napagtantong lumipas na ang mga panahon
natin kasama ang mga nasa larawan at ang emosyong nararamdaman natin habang
ginagawa ang mga ito?
Lahat ba ng mga collage natin, sa dami ng mga ito, ay
nabibigyan pa natin ng impotansya? Noon kasi, tama na ang isa o dalawa – iyong pinakamahahalaga lang.
Ang taong nagmamay-ari ng mga larawang ito, malamang ay
walang Instagram. Hindi makapag-Wayback Wednesday o Throwback Thursday. Pero
araw-araw, marahil ang Flashback Friday niya – habang kumakalam ang sikmura, habang nauubos ang lahat sa
kanya, habang alam niyang wala na siyang ibang kayamanan kung hindi isang supot
na damit at iilang larawan.
#WaybackWednesday para sa gumawa nito! Sana maalala siyang hanapin ng mga taong narito sa lumang litrato.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento