You took my life for granted, why oh why? The show is over say goodbye...
Sa gitna ng maulang biyahe, biglang tinugtog sa radyo ang isang pamilyar na kanta, Take A Bow ni Madonna. Bigla akong may naalala – isang nakaraang hindi ko kinalimutan ngunit kusang nawala sa aking alaala.
Eksaktong pitong taon pabalik, nasa biyahe rin ako – malungkot at gulung-gulo. Iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat. Teka, kaklaruhin ko, iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat gayong ni maliit na parte ay hindi pa man lang nasisimulan.
Ang saklap! Para akong naunahan sa huling upuan sa FX, at walang nakapila sa likod ko kaya mukhang matatagalan pa ako sa terminal. Para akong lumampas ng isang segundo sa grace period sa klase ng masungit na guro. Para akong natakam sa tsokolate tapos walang ibang mayroon sa tindahan kung hindi toyo at suka. Para akong naunahan sa pagdampot ng kahuli-hulihang kopya ng librong pinag-ipunan ko. Para akong naghabol sa last trip ng tren at hindi nakaabot dahil sumara na ang pintuan sa harapan ko.
Parang narinig ko ang anunsyo ng suspensyon ng klase habang nakalusong ako sa gitna ng baha – habang ikaw naman ang bagyo na walang patawad na bumuhos kahit alam mong nasira payong ko, at ako naman ang hangal na puting sapatos pa ang isinuot kahit alam na maputik ang daan.
![]() |
(Take A Bow, Madonna, 1994) |
Eksaktong pitong taon pabalik, bumubuhos din ang ulan – sa puso ko. Mainit ang panahon ngunit ginaw na ginaw ako. Tuyo ang lupa sa realidad pero bumabaha sa aking mundo. At sa mga sumunod na araw ay daig ko pa ang mga nasa lugar na isinailalim sa State of Calamity – hindi kumakain kahit puno ang pinggan, hindi makatulog kahit nasa kutson naman.
Ngunit natapos din ang unos. Dalawampu't isang araw matapos ang mong tuldukan ang isang parirala, isang kaibigan ang aking nakilala. Lumipas ang ilang buwan, napagtanto kong simula pala siya ng isang napakagandang kabanata – na ngayon ay naging nobela na at patulong pang humahaba.
May dahilan pala kung bakit kailangan mong umalis. May dahilan pala kung bakit kailangan kong mawalan. May dahilan pala kung bakit dapat kang mawala sa daan. May dahilan kung bakit kailangan kong maulanan, lumusong sa baha, at mawalan ng gana habang nasa kawalan.
Eksaktong pitong taon ngayon, nagkataon pala na ito ang petsa kung kailan pinalaya ako ng maling tao. Kung bakit nagbukas bigla ng radyo ang drayber – at ang kantang nagpapaalala pa sa akin sa iyo ang tinugtog – ay hindi ko alam at hindi ko na kailangang malaman. Mas mahalaga ang taong nagpaunawa sa akin na walang mga "muntik" at "sana" kung hangad ninyo parehong gumawa ng tadhana. Mas mahalaga ang nararamdaman kong saya na hindi ikaw ang naghihintay sa akin sa dambana kung hindi ang taong hindi sinukuan ang lahat para lang ako ay makasama.
Oo, sa gitna ng malakas na ulan, tuloy ang kasalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento