Linggo, Hulyo 19, 2015

'Mas maling tao' concept

Naniniwala ka ba sa konsepto ng "mas maling tao?" Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa roon sa maling tao.

Minsan, sumulat ako ng isang liham. Dahil wala pa akong pagbibigyan, nanatiling blangko ang pangalan ng patutunguhan. Darating ang araw, makikita ko rin ang taong padadalhan ko nito. Darating ang araw, makikilala ko rin ang taong magmamahal sa akin ng totoo.

Oo, naniniwala ako sa tadhana.

Ilang araw pagkatapos kong isulat ang liham, nakilala kita. Matagal na kitang nakakasama ngunit noon lang kita hinayaang pumasok sa mundo ko, sa buhay ko. Hindi ko rin alam kung bakit.

Sa panalanging inusal ko kinagabihan, isang tanong ang namutawi sa labi ko: Siya na po ba?

Wala akong narinig na kataga mula sa langit pero sa saya na nadarama ko noon, alam kong sumagot na Siya. Malakas ang pakiramdam ko, nasa tamang daan ako.

Nasa tamang daan nga ako.

Pagdaan ng ilang buwan, nagsimula kang mag-iba. Kung gagawa ako ng listahan ng mga dahilan para iwanan ka, marahil ay kukulangin ang limang papel. At sa tuwing magbabasa ako ng mga lathalain tungkol sa "kung bakit hindi siya para sa iyo" ay ikaw ang naiisip ko. Tamang-tamang sa iyo ang mga paglalarawan sa maling tao.

Pero bukod sa mga palatandaang hindi na dapat magpatuloy ito, nararamdaman ko rin na sinisira mo lang ang sistema ko. Napakaganda ng mundo – ngunit nanlulumo ako dahil hindi mo masuklian ang pag-ibig ko.

Sa kabila ng lahat, pinili kong manatili sa tabi mo – nanatili ako hanggang ang buhay na mismo ang nag-alis sa akin sa ilalim ng anino mo.

Napagtanto ko na sa sitwasyong ito: Ikaw ay ikaw at ako ay ako, at ang ikaw at ako ay hindi puwedeng maging tayo.

Ngayon, tapos na ang mga araw na iniisip kong ikaw ang itinakda ng langit na ibigin ko. Tapos na ang panahong iniisip kong ikaw ang patutunguhan ng liham na isinulat ko para sa taong magmamahal sa akin ng totoo.

Nahanap ko na rin ang dapat bumasa nito.

At oo, tamang daan nga ang tinahak ko noon.

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa sa maling tao. Kahit minsan ba ay naisip mo – sa gitna ng pait, kirot, at pagtitiis – na minabuti marahil ng tadhana na mapunta ka sa maling tao dahil iniiwas ka nito sa mas maling pag-ibig? Na kinailangan mong masaktan para hindi masugatan nang mas malalim? Na sinugatan ka niya para hindi ka mahiwa ng mas matalas na patalim? Na kinailangan mo siya makatagpo, na kailangan kang mahulog sa kanya, upang hindi mo makilala at mahalin ang taong mas masahol pa sa kanya?

Kung hindi, balikan mo ang mga sandaling nasabi mo na: "Mas grabe iyong nangyari sa kanya," "mas malaki pala problema niya," "kung sa akin nangyari iyan, hindi ko siguro kakayanin."

Ikaw, nasaktan ka na rin bago ako dumating sa buhay mo. Ikaw, naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Kung oo, naisip mo mo ba na isa ako ang maling taong nagligtas sa iyo para hindi ka mapunta sa kanya, sa mas maling taong iniiwas ng tadhana sa iyo?

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Ako kasi, oo. Buti na lang naroon ka sa panahong wala pa siya.

Naniniwala ako, niligtas natin ang isa't isa. 

("Mas maling tao" concept, isang pausong concept.)

(c) Charina Echaluce