Larawan, larawan. Minsan sa buhay ko, inakala kong totoo ka, inakala kong totoo ito.
'Tila buhay ang iyong mga ngiti. Waring tunay ang pagsabay sa hangin ng buhok kong itim. Parang totoo ang sikat ng araw na tumatama sa atin.
Ang saya pala natin sa simula -- malaya, lumilipad. Ang ganda pala ng Maynila, sa wakas ay nakita ko ang lantad nitong kasaysayan. Ang sarap maligo sa ulan, bata pa ako nang huli ko itong maranasan.
Dahan-dahan ang pagsabay ng mga dahong palutang-lutang sa ilog. Inilantad ang mga ito ng buwang ngayon ay bilog na bilog. Pakiramdam ko ay natagpuan ko ang paraiso -- dito sa magulong mundo.
At nyakap mo ako. Sa wari ko ay nag-iba ako. Hindi kita tinulak palayo. Sana ay hindi na matapos ito. Sa bisig mo, naramdaman kong protektado ako.
Nakabibingi ang katahimikan, pero musika ang narinig. Walang nagsasalita kahit sino sa ating dalawa. Pinakinggan ko ang pintig ng pusi mo. Masaya, masaya, habang yakap mo ako.
Pakalat-kalat ang mga larawan, masakit sa mata.
Unang ngiti, akalain mong masusundan ito ng ilang daan pa? Sariwa pa sa alaala ko ang lahat. Ang mga mata mong 'tila may kalakip na pag-aalala. Ang mga unang impormasyong nakalap natin sa isa't isa. Ang mga bagay na maiuugnay sa tadhana.
Subalit naglaho na ang lahat. Mas maliwanag pa sa bilog na buwan ang katotohanan. Lahat ng inakala kong hiwaga ay ordinaryo lamang. Lahat ng sinabi mo noon, hindi ko na magawang paniwalaan.
Ang mga larawan. Napakaraming alaala, nakakapika!
Ngunit mas nakakainis mapagtantong wala ka pala akong hawak na larawan. Ang mga litratong hindi nakunan ng mga lente pala ang aking namataan.
![]() |
Photo from searchquotes.com |
Nagkalat ang mga gunita. Gusto kong maluha.
[August 9, 2014]