Iba na naman ang kulay ng mga harang sa tulay. Bakit
ba sa tuwing magpapalit nalang ng alkalde ay nag-iiba rin ang kulay ng mga ito?
Hindi niya alam. Saglit siyang natigilan -- lumingon sa kanyang dinaanan.
"Bagong
pintura na naman 'to," sabi niya sa kanyang iniibig, pinipilit niyang
baguhin ang pinag-uusapan nila.
Hindi ito umimik.
"Ang ganda ng
kulay, hindi ba? Sana palagi nalang itong ganito."
"Hindi
maaari," sagot nito.
"Hindi mo ba
gusto ang kulay?"
"Maluluma rin
iyan."
Hindi siya
nakasagot.
"Lilipas din
'yan," nagpatuloy ito. "Kukupas. Kapag kumupas na iyan, mawawala rin
ang pagkagusto mo."
"Parang
ako?" naglakas-loob na siya.
"Hindi ikaw
ang kumupas."
"Pero bakit
ayaw mo na?" tanong niya.
"Pag-ibig ang
kumupas."
"Pag-ibig mo
lang."
"Palayain mo
na ako."
"Kapag
nagbago ang isang bagay, hindi lahat ay gugustuhin pa rin ito pero hindi rin
lahat ay aayawan na ito. Kahit nagbago ka na, hindi pa rin kita aayawan."
"Intindihin
mo ang nangyayari." Tumalikod na ito sa kanya, alam nito na hindi rin siya
makikinig.
Tumalikod na ito,
alam nito na hindi rin siya makikinig. Hindi na siya umimik, napaluhod lamang
siya. Ang buong paligid ay tila nagtatawa. Ang papalubog na araw naman ay
waring walang pakialam -- unti-unting nawawala at inaagaw ang natitirang
liwanag sa buhay niya.
Tinanaw niya ang
kanyang iniibig, papawala na ito sa paningin niya. Pumatak, sa sandali rin na
iyon ang pinakamapait na luha mula sa kanyang mga mata. Yumuko siya.
Iba't-ibang itsura ng kasuotan sa paa ang nakita niya. Nagpatuloy sa
paglalakbay ang mga tao. Hindi ba maaaring tumigil muna ang mundo? Hindi ba
siya kayang damayan muna nito?
Lumipas ang
panahon. Kumupas na ang pintura, gaya ng sabi nito, ngunit ang paghihintay niya
ay hindi pa rin nagwawakas. Hanggang ngayon umaasa pa rin siya.
Sa tulay na iyon
ay nakita niya muli ito. Sa kabilang bangketa, habang tinitingnan niya ang
kumupas na pintura ng tulay, ay naroon ito kasama ang bago nitong iniibig. Ang
parteng iyon pa lamang ang natapos pinturahan, ngunit bukas ay pipinturahan na
rin ito kasabay ng pagkawala ng kupas na pinturang hindi niya kailanman
hinangad na mapalitan.
Hindi huminto ang
mga tao sa paglalakbay, hindi lamang ang mga may suot sa paa ngunit pati ang
mga nakayapak. Hindi tumigil ang mundo kahit minsan para sa kanya o para sa
kahit na sino. Kahit saglit ay hindi siya nito dinamayan at pagod na rin siyang
damayan ang sarili.
Kailanman ay hindi
niya hinangad na mapalitan ang pinturang iyong pero ngayon ay napilitan na
siyang hangarin ito. Ang tanging hiling niya ngayon ay sumikat na ang araw
upang mapinturahan na rin ito.
Iba na naman ang kulay ng harang sa tulay. Bakit ba sa
tuwing magpapalit nalang ng alkalde ay nag-iiba rin ang kulay ng mga ito? Hindi
niya pa rin alam. Binawi niya ang paningin sa kanyang dinaanan at tiningnan ang
kanyang dinadaanan. Ilang ulit ng napalitan ang pintura. Natapos na rin ang
paghihintay niya sa muling magtingkad ng kumupas na alaala. Naisip niya,
kailangang hayaan nating pintahan tayo ng bagong simula sa tuwing pakukupasin
tayo ng panahon at ng mga dumaraan sa buhay natin -- pintahan ng iba, hindi
katulad ng dating kulay.
[March 2013]