Habang nakatanaw
sa labas ng bintana ay nakita ko na naman siya--mag-isa, malungkot at tila
walang nais gawin sa buhay. Malalim na naman ang iniisip niya. Marahil, maging
ang mga tala ay nais siyang tanungin kung ano ba talaga ang problema. Ano nga
ba talaga?
Walang anu-ano ay
biglang may lumapit sa kanya. Isang binata na tila kilalang-kilala siya. Sa
kanyang mga mata ay pansin ko ang pagpapahalaga. Hindi man sabihin ay isinisigaw
ng mga ito ang lahat ng damdaming ikinukubli niya.
"Gamitin mo
ito," sabi niya habang iniaabot sa dalaga ang piraso ng puting papel na
hindi pa nababahiran ng anumang uri ng tinta o mantsa. "Isulat mo rito ang
lahat kapag hindi mo na kayang sarilihin pa."
Umalis ito.
Tiningnan lamang niya ang papel -- isang sulyap na mabilis pa sa kisapmata. Itinupi
niya ito at inilagay sa kanyang bulsa.
Sa kabilang bulsa
ay kinuha niya ang pitaka. Sa pinakatagong sulok nito ay mayroong isang
nakatuping papel. Tinitigan niya ito -- matagal, matagal na matagal.
Kinuha niya ang
papel na kabibigay lang sa kanya, pinagtabi niya ang mga iyon na para bang
pinagkukumpara. May lungkot pa rin sa kanyang mga mata.
Lumabas ako ng
silid at iniwan ang bintanang naghihiwalay sa aming dalawa. Pinuntahan ko siya,
kinausap.
Nalaman ko na ang papel
na kinuha niya kanina sa kanyang pitaka ay mula sa lalaking dahilan ng kanyang
kalungkutan. Tinanong ko siya kung bakit hindi niya sundin ang sabi sa kanya ng
kausap kanina. Umiling lamang siya, hindi raw iyon ang papel na nais niya.
Inilapag niya ang
malinis na papel sa bakanteng parte ng inuupuan niya. Nagpaalam na siya. Pumasok
na rin ako.
Lumipas ang mga
gabi. Dumating ang umaga. Nakita ko siyang palapit sa lugar kung saan siya
madalas noon. Matagal din siyang hindi nagawi rito. Agad akong lumabas.
Paglapit ko sa
kanya, nakita kong binubuklat niya ang papel na iniwan niya roon. Hindi na ito
kulay puti, marumi na ito. Sira-sira na rin. Kung sa bagay, matagal itong napabayaan.
Iiling-iling siya. Habang binubklat ay lalo lamang itong napupunit at nasisira.
Huli na para gamitin niya, hindi na niya ito masusulatan pa.
Kinuha niya ang papel
na matagal nanahan sa kanyang pitaka at iniabot sa akin. Ipinalit niya ang papel
na minsan niyang pinabayaan sa dating kinalalagyan ng ibinigay niya sa akin.
Batid kong hangad niyang itabi ang kahuli-hulihang piraso ng alaala sa kanya ng
noon ay napakalinis na papel.
"Matagal ng
may sulat iyan," ayon sa kanya. "Akala ko kasi mabubura ko. Pero, mabura
ko man ay hindi rin iyan ang kailangan ko."
Umalis na siya. Binuklat
ko ang papel. May nakasulat nga, isang pangalan ngunit hindi sa kanya. Ang
papel na iyon ay matagal na palang nakapangalan sa iba -- nagbubulag-bulagan
lamang siya.
Minsan, pinipilit natin itago ang bagay na gusto natin
kahit na alam pa natin na hindi naman talaga ito sa atin. Hindi natin
namamalayan na napapabayaan na pala natin ang mga bagay na ibinibigay sa atin
at ang mga talagang pag-aari natin.
[March 2013]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento