Naghalungkat ako ng mga lumang gamit kanina -- mga bagay na hindi ko alam kung bakit nakatabi pa. May ugali kasi ako na hirap magtapon ng mga pag-aari ko. Sentimental, sabi nga nila. Noong una, akala ko ay nakakalatan lang ang aking ina sa mga bagay na ingat na ingat kong itinatago kaya madalas niya akong punain na sumobra ang pagiging sentimental ko. Pero, ngayon, hindi lang siya ang nagsasabi kung hindi lahat ng tunay na nakakakilala sa akin, pati sarili ko.
Nakakaaliw tingnan ang mga naitabi ko -- may mga petsa pa. Natatawa nga ako habang tinitingnan ko isa-isa. Ang bababaw pala ng aking mga ngiti at luha.
Walang anu-ano ay may nahulog galing sa notebook ko sa AP. Iyon ay picture ko kasama ang isang maliit at kulay dilaw na teddy bear, si Chami. January 2009 ang nakalagay, hindi ko na mabasa ang numero ng araw. Hindi ko na rin maalala kung kailan nga ba ibinigay sa akin iyon.
Pero, hindi ibig sabihin ay hindi ito naging importante sa akin. Lucky charm ko ito dati. Sa tuwing may contest ako ay nasa tabi ko ito -- niyayakap bago sumulat at kinakausap kapag inaatake ng mental block. Maiwan ko na ang ballpen at ID ko, pati baon. Pero siya, hindi maaari.
Palagi ko siyang dala-dala pero ako lang ang may alam. Pinili ko kasi itago sa iba. Nag-iingat lang, ayaw ko kasi ng issue. Kaya iyon, kailanman ay hindi nalaman ng nagbigay kung gaano ko ito pinahalagahan noon.
Noon. Iniwan ko na kasi ito simula nang magkaroon ng bagong lucky charm, na hindi man nagdala ng swerte ay mas ninais kong dalhin. Ngayong naitapon ko na ang ipinalit ko sa kanya at hindi na rin ako naniniwala sa lucky charms, napaisip ako, nasaan na ba ito?
Hindi ko na alam. Akala ko ba sentimental ako?
Simple lang, hindi lahat ng pinahahalagahan ay mahalaga. Kung may mali man sa pagtatago ng mga bagay, ito ay ang pagtatago ng mga maling bagay.
Marami pala akong tinatabi na hindi naman dapat. Tama si Mama, nasobrahan ako sa pagkasentimental.
Nasobrahan nga siguro kaya nagkulang.
[February 2013]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento