Miyerkules, Pebrero 13, 2013

Kakanta Siya Ulit


May mga alaalang nahihigop ng mga bagay -- mga gunitang ipapaalala ng mga ito sa iyo kahit matagal na silang tinalikuran ng puso at isipan mo.

"Everytime I cry, I see you smile.
And everytime I close my eyes,
I realize that everytime I hold your hand in mine,
the sweetest thing my heart could ever find.
And I have never felt this way since the day I gave your love away."

Muli niyang narinig ang awiting madalas niyang napapakinggan. Katulad ng dati, maganda pa rin ito sa pandinig. Pero, pero may iba. May iba sa kantang ito ngayon. May nais itong sabihin, ipaalala.

Mahigit tatlong taon pabalik, may kumakanta nito para sa kanya. Buwan ng Disyembre noon at bakasyon na kaya malaya sila -- walang iniisip na takdang aralin, o proyekto o kaya naman pagsusulit na dapat paghandaan. Kaarawan ngayon ng isa nilang kamag-aral at lalo pang nakadagdag ng saya sa kanya ang mga tilian at pang-aasar ng mga kaklase nila. Mahal niya ang taong kumakanta. Mahal niya ito kaya naman ganoon na lamang ang tuwang naramdaman niya.

At mahal din siya nito -- hindi lamang niya alam kung gaano. Umamin na ito, ilang araw bago ang tagpong iyon, pero hindi niya maramdaman ang pag-ibig na tinutukoy nito. Alam ba niya ang pag-ibig? Hindi kaya...

Natigilan siya. Wala rin siyang maisip na dahilan.

Hindi rin naman niya magawang isipin na mahal nga siya nito dahil kung umiibig nga ito sa kanya ay hindi niya mararamdaman na napakalayo nito kahit na ilang hakbang lamang ang layo nila sa isa't isa. Bakit hindi ito gumagawa ng paraan para ipadama ang pag-ibig na sinabi nito sa kanya? Hindi ba ito natatakot na mawala siya ngayong may iba na sa larawan? Ngayong may iba ng nagpaparamdam sa kanya ng kahalagahan niya?

Sa halip na tibagin niya ang pader na namamagitan sa kanila ngayon ay unti-unti pa itong tumataas. Ang pag-ibig ba para sa taong ito ay ang pagpaparamdam sa taong mahal mo ng isang malalim na uri ng kalungkutan? Kung ganito lamang ay ayaw na niya.

Patuloy itong kumanta. Ang awit na iyon ay tila patalim na unti-unting bumabaon sa kanyang dibdib. Bukod sa may kalungkutang kalakip ay pinaparamdam sa kaniya na parang hindi seryoso ang lahat.

Pero, alam niyang para sa kanya ang awiting iyon. May nagsabi sa kanya -- isang kaibigang sinabihan nito.

Sa kabila niyon ay ayaw pa rin niyang maniwala. Hindi niya naman madamang may katotohanan ito. Paano niya mararamdaman na para ito sa kanya kung hindi manlang siya nito tinitingnan nito kanyang mga mata? Gayong para siyang hangin na tila hindi nito nakikita sa tuwing mapapasulyap ito sa lugar kung nasaan siya? Kung wala siyang damdaming natatanaw sa mukha nito?

Natapos ang salu-salo ng hindi pa rin sila nagkakausap. Sa isipan niya ay paulit-ulit niyang sinasabi na siguro ay iba ang dapat niyang piliin -- marahil ay iba ang nararapat tumanggap ng pag-ibig na kaya niyang ibigay.

Halos dalawang buwan ang lumipas --- nagdaan ng walang nagaganap na pag-usad. Akala mo ay huminto ang oras, para bang lahat nakatigil dahil wala itong ginagawang hakbang. Marahil ay isa lamang biro o kaya ay isang panaginip ang pag-ibig na ipinagtapat nito sa kanya.

Habang ginugunaw ng mundo niya ng lungkot na hatid ng taong iyon ay mayroong isang lalaking nanatili sa tabi niya. Hindi siya nito iniwan kahit kailan. Hindi siya nito pinabayaan. Minahal siya nito sa kung sino at kung ano siya. Nanindigan ito para sa pag-ibig kahit na alam niyang may iba sa puso ng babaeng kanyang minamahal.

Patuloy na umikot ang mundo -- napakabilis, masyadong mabilis para malaman niya ang mga nagaganap. Noong gabing ibigay niya ang kanyang matamis na 'oo' sa iba ay saka pa lamang niya nawari ang pinasok niya. Paano siya lalabas?

Hindi na niya nagawang umalis sa kinalalagyan. Hindi niya kayang bawiin ang tatlong salitang binitawan niya. Hindi niya ito kayang saktan -- kahit pa siya ang masaktan.

Oo, nasaktan siya. Nasaktan siya dahil may iba siyang nasaktan -- isang taong labis niyang minamahal, labis niyang minahal noon.

Huli na nang iparamdam sa kanya ng taong iyon ang pag-ibig na pinapangarap niyang madama mula rito. May iba na siyang mahal. Naibigay na niya ang puso niya sa aksidenteng napagbigyan niya ng kanyang kalayaan.

"Hindi kita pinaraya, hindi lang kita minadali." Tumulo ang mga luha sa sulat ng dati niyang iniibig.

Gusto niyang sabihin na kung sadyang hindi lang siya nito minamadali ay bakit hindi niya naramdaman na nasa tabi niya ito. Bakit hindi niya nadamang naghihintay lang ito ng tamang panahon? Bakit siya iniiwasan nito? Bakit napakalayo nito sa kanya?

Subalit, hindi na niya sinagot ang liham. Hindi na dapat -- para sa ikabubuti ng lahat. Ang kalakip ng sulat sy isang pusong puno ng sugat -- masyado ng wasak para wasakin pa ng katotohanan. Bawat bahagi nito ay punong-puno ng pighati. Bawat kataga ay umiiyak. Sa puso niya ay may munting tinig na humihingi ng tawad dahil hindi nito nagawang unawain ang sumulat bago mahuli ang lahat.

Ngunit, paano nga ba unawain ang isang taong hindi rin alam kung paano magpaunawa? Hindi sa lahat ng panahon ay sumasagot ang katahimikan. Minsan, nagtatanong din ito.

Sapat na ang kanyang nabasa para maunawaan na kahit ang isang taong puno ng kumpiyansa sa sarili ay nawawalan ng tinig, paminsan, sa harap ng kanyang iniibig dahil napakahirap pumili ng wastong salita na aakma sa nilalaman ng kanyang puso at isipan. Nakapanghihinayang man na hindi niya ito nalaman kaagad ay wala siyang pinagsisisihan. Ang kasalukuyan ay tinuturing niyang kayamanan.

Nagdaan ang mga araw. Naging tahimik ang lahat hanggang sa saktan siya ng taong inaakala niyang hindi siya sasaktan kailanman -- hanggang sa iwanan siya ng naging kasama niya sa lahat ng pagkakataon sa nakaraan.

Naging baligtad ang lahat. Ang taong tinalikuran niya ang siyang naging kasama niya -- tagapahid ng luhang idinudulot ng tagapunas ng mga ito noon.

Sa kabila nito ay hindi na rin nabawi pa ang pagmamahal na naramdaman niya rito sa nakalipas na panahon. Siguro nga ay sayang, nasayang ang lahat.

Lumayo siya sa kanya. Ayaw niyang umasa pa ito dahil batid niyang wala na talaga. May mga taong nararapat sa pangalawang pagkakataon subalit may mga bagay na isang beses lang kung dumating, katulad ng pag-ibig. Gustuhin man niyang subukang ipagpatuloy ang kahapon ay masyado ng sira ang tulay na nag-uugnay sa kanila noon para kumpunihin. Mayroon man pamalit na materyales ay kulang na ito para umabot pa sa kabilang dulo. Mahuhulog lamang sila, masasaktan.

May kanya-kanyang lengwahe ang bawat tao. Darating ang panahon at mahahanap din ng lalaking ito ang babaeng kayang unawain ang mga salitang hindi nito sinasambit. Darating ang araw at kakanta ulit ito -- isang awit na puno ng pag-ibig, isang awit na mauunawaan ng kanyang inaawitan.

Hindi pa huli ang panahon subalit huli na ang lahat -- huli na dahil wala na ang pag-ibig na pumagitna sa kanila kahapon.

Natapos na ang tugtog. Nasa kasalukuyan na muli ang diwa niya. Hindi niya alam kung bakit sumagi sa isipan niya ang mga nangyari noon. Isa lamang ang alam niya. Alam niya na ang mga bagay, pati ang mga awit, tula, katha, at maging ang mga palabas sa telebisyon ay mga piping saksi na nagkakaroon lamang ng tinig sa mga panahong ang nakalimot na ay ang mga taong mismong nasa eksena -- para ipaalala ang mga aral hindi nila dapat kalimutan kailanman.

[February 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento