Sabado, Enero 18, 2014

Ang Pag-ibig ni Tiya Olga

Habang nakaupo sa tabi ng bintana, gaya ng dati ay hinihintay ang pag-uwi ng kanyang kabiyak, ay natanaw ko si Tiya Olga na nakangiting mag-isa. Naisip kong dumaan muna sa kanila.

"Mukhang masaya ka yata,Tiya," bungad ko.

"Masaya?" gulat natanong niya.

"Napansin ko kasing nakangiti kayo habang nakadungaw sa bintana. Ano po ba ang iniisip ninyo?"

"Iyon ba? Wala naman.Ngayon kasi ang anibersaryo ng kasal namin ng Tiyo mo."

"Naku, oo nga po pala.Nawala sa isip ko. Happy anniversary po sa inyo!"

"Salamat,"nakangiting tugon niya.

"E, Tiya..."

"Ano 'yon?"

"Paano po ba kayo nagsimula ni Tiyo?"

Tumawa siya. "Gusto mo talaga malaman?"

***

Palagi na lang may kontrabida,naisip ko. Palagi na lang may nang-aagaw. Lagi na lang may nananakit. Lagi nalang tuloy may nalulungkot, may nawawasak.

"Olga!" narinig koang sigaw ni Inay.

Napatayo ako sa aking higaan.Mukhang galit siya.

"Bakit po?" tugon ko habang nagmamadaling lumabas ng aking silid.

"May bisita ka,"sabi niya, pagkakita sa akin, sabay alis.

Nakita ko si Xander na nakaupo sa isa sa aming mga upuan, iyong nakalagay malapit sa pintuan. Kaya pala galit na naman si Inay. Ayaw talaga niya sa aking dating kasintahan, mula pa sa simula, kahit noong masaya pa kaming nagsasama. Aniya, natitiyak daw niya na walang maidudulot sa aking mabuti ang pakikipagrelasyon sa lalaking ito.Madalas kaming magtalo dati dahil sa paniniwala niyang iyon. Paano ay mabuting tao naman ito, may kaya sa buhay at nakapagtapos din ng pag-aaral. Isa pa ay nasa wastong gulang na naman ako para magkaroon ng nobyo. Hindi ko talaga siya maintindihan. Naiisip ko tuloy minsan na parang ayaw niya akong pag-asawahin. Sa aming limang magkakapatid, halata naman na ako ang pinakapaborito niya.

"Olga." Tumayo si Xander. "Para sa'yo."

Iniabot niya sa akin ang isang pumpon ng puting rosas na talaga namang paborito ko. Noon, kapag nagkakasamaan kami ng loob ay agad niya akong binibigyan nito, kahit pa ako ang maykasalanan.

Tiningnan ko ang hawak kong rosas. "Ayoko nito."

Ibinalik ko ito sa kanya.

"Olga."

"Bumalik ka na kay Issa."

Si Issa ang matalik kong kaibigan, ang kaibigang nawala bigla sa piling ko noong kailangang-kailangan ko ng makakausap. Sa hindi malamang dahilan ay nawala siya bigla sa eksena matapos namin mag-away ni Xander dahil sa pagtutol ko na mangibang-bansa siya.Pagkalipas ng ilang linggo, pinatawad ko rin ang kasintahan ko. Ngunit, parang may iba sa kanya. Palagi na lamang siyang tahimik at tila may malalim na iniisip. Sa tuwing tinatanong ko siya kung may problema ba ay nagbubuntong-hininga lamang siya.

Ilang gabi kong inisip kung bakit siya nagkakaganoon gayong pinayagan ko na naman siyang umalis. Hanggang sa isang gabi ay nagpakita muli sa aking si Issa para sabihin na nagdadalang-tao siya at si Xander ang ama.

"Ikaw ang mahal ko," sagot ni Xander.

"Ikakasal na kayo bukas!" sigaw ko.

"Uurong ako!"

"Ganyan ka na ba talaga? Iresponsable? Magkakaroon na kayo ng anak. Panagutan mo siya."

Hinawakan niya ako sa aking mga braso habang nakaharap sa akin.

"P'wede ko naman bigyan ng sustento ang bata. Ayoko kay Issa. Nagkamali lang ako noon. Nangulila lang ako sa'yo noon kaya--"

Tumama sa mukha niya ang kanang palad ko.

"Umalis ka na,"matigas na wika ko.

"Olga!"

"Alis!"

***

Papasok na ako ng aking silid nang marinig kong may kumakatok.

"Olga?"

Binuksan ko ang pinto.

"Nilo? Ano na naman baang ginagawa mo rito? Umalis ka na nga!"

Isinara ko na ang pintuan bago pa siya nakasagot. Alam ko na mali ang ginawa ko pero siguro ay naghalu-halo na ang emosyon ko -- ang galit ko kay Xander, ang pagsisisi na hindi ako nakinig kay Inay noon at ang pagkainis ko sa araw-araw na pagpunta rito ni Nilo para manligaw.

Si Nilo ay may gusto na sa akin mula pa noong nasa mataas na paaralan pa kami. Sa totoo lang, siya ang unang lalaking nagustuhan ko. Kaya lamang, nahuli siya ng pagtatapat sa akin. Kasintahan ko na si Xander, na kaeskwela ko sa kolehiyo, noong umamin siya --at hindi ko lamang siya gusto, mahal ko siya. Ang una kong kasintahan ang siyang una ko rin pag-ibig.

"Kunin mo nalang ito sa labas. Aalis na ako."

Sumilip ako sa bintana, nakaalis na nga siya.

Lumabas ako. Nakita ko ang isang maliit na basket na may lamang gumamela, may pulang laso sa bitbitan nito.

"Gumamela. Basket.Pulang laso," sambit ko.

Sa ilalim nito ay may maliit na kard na nagsasabing:

Palagi ka niyang binibigyan ng rosas na kulay puti. Paborito mo kasi 'yon, 'di ba? Pero, puti man ang mga iyon ay may tinik pa rin -- katulad ng pag-ibig niya, mukhang puro ngunit nang mahawakan mo ay nasaktan ka rin. Itong gumamela, wala itong tinik. Hindi nga lang puti.

Subalit, tandaan mo...

PULA ANG KULAY NG PAG-IBIG.

***

Lumalalim na ang gabi pero iniisip ko pa rin kung ano ba ang ibig sabihin ng isang basket ng gumamela mula kay Nilo. Bakit niya ako binigyan nito?

Pinipilit kong alalahanin kung may pinagsabihan ba ako noong nasa mataas na paaralan ako na humingi akong palatandaan sa simbahan habang ikinakasal si Kuya. Mula noon, itinanim ko nasa aking isipan na hindi ako magkakaroon ng kasintahan hanggang walang nagbibigay sa akin ng isang basket ng gumamela na may lasong pula sa bitbitan.Nasabi ko iyon dahil iyon ang dala ng mga batang may dalang bulaklak noon, isang basket na puno ng talulot ng gumamela na may pulang laso sa hawakan.

Hindi ko lang talaga alam kung bakit nakalimutan ko iyon nang magsimulang manuyo si Xander, hanggang kaninang narito siya kahit wala na ang lahat sa amin at ikakasal na siya kinabukasan.

***

"Sa hindi kalayuan ay nakatanaw ako sa simbahan habang papasok doon si Issa. Pinanood ko ang unti-unting paglisan ng pangarap ko na makasama si Xander hanggang sa pagtanda. Naisip ko na, may ibang plano ang Lumikha. May darating pa. May magmamahal pa sa akin.May tiwala ako sa Kanya."

"Nakakalungkot naman po," puna ko. "Pero, paano po kayo nagkatuluyan ni Tiyo?"

Saglit siyang natigilan.

"Biglang may humawak sabalikat ko, lumingon ako para malaman kung sino ito at doon ko siya nakita. Doon ko nakita ang Tiyo Nilo mo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ko siya. Hindi naman sa sinasabi kong totoo ang mga senyales, walang sinuman ang makakapagpatunay sa katotohanang nasa likod ng hiwaga ng mga ito. Ngunit, sa mga sandaling iyon ay bumukas ang aking mga mata mga bagay na hindi ko nakita noon. Kung minsan pala, ikaw mismo ang kontrabida sa sarili mong istorya."

[June 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento