Huwebes, Enero 3, 2013

Kay Ate

Hindi ko kita kilala at, marahil, hindi kita makikilala kailanman. Pero, totoo ka -- tunay pati ang taglay mong kahibangan.

Elementarya pa lamang nang makilala mo ang lalaking iniikutan ng mundo mo hanggang ngayon. Nakakatawang isipin na sa murang edad ay nagsimula ka ng umasa. Umasa. Umasa. At, umasa. 'Soulmates' kayo, 'destined', 'fated',  'meant to be' -- bagay na pinaniniwalaan mo pa rin hanggang ngayong tatlumpu't limang taong gulang ka na. Kung totoo nga na nakalaan kayo sa isa't isa, bakit parang ang bagal naman ng tadhana? Bakit iba ang ipinapakita ng katotoohanang mas malinaw na tunay kaysa sa mga 'signs' na pinanghahawakan mo kaya kumakapit ka pa rin sa kanya?

Sa kasalukuyan, tatlumpu't limang taong gulang ka na. Tagumpay, maganda na ang buhay -- maayos na ang lahat. Pero kung pag ibig ang pag-uusapan, naku, change topic nalang! 'Di ba?

Kung bakit sa dinami-rami naman ng lalaki sa mundo ay si Kuya pa ang napili mo? Oo, mahal mo siya pero mahal ka rin ba niya? Hindi na uso ang martir ngayon. Ang buhay ay isang malaking digmaan -- daig pa nito ang mga World Wars. Lahat ng mga tao ay mga sundalo na nakikipaglaban para sa kaligayahan. Well, okay lang naman na maging martir kung para sa kabutihan. Okay lang din na magmahal ng walang hinihintay na kapalit kung masaya ka naman. Pero, kung para lamang sa isang sakim na katulad ni Kuya at kung miserable naman ang buhay mo e para saan pa? Gano'n ba talaga kahirap sa kanya na humanap ng iba? One of a kind ba talaga ang lalaking iniibig mo ng sobra pa sa sobra?

Kung sa bagay, iba nga talaga si Kuya. Biruin mo, na-in love ka ng ganiyan. Kung saan-saan ka na nakarating, kung anu-ano na ang nagyari ay nananatili ka pa rin sa piling niya.

Naging MU na kayong dalawa. Ang sarap pakinggan, MUTUAL UNDERSTANDING. Kaso, hindi naman ganiyan. MU kayo -- Magulo ang Ugnayan, Mahirap Unawain, Malabo ang Usapan. Naku naman!

Naging 'rebound' ka na rin, 'reserba', 'kabit', pati manliligaw. Pero, hanggang ngayon ay hindi ka pa naliligaw. Paano nga naman e hindi ka naman umaalis sa tabi niya?

Sabi ng DJ na kausap mo ngayon sa ere, tanga ka raw. Sa totoo lang, tanga ka naman talaga. Nakakairita rin na aware ka sa mga ginagawa niya pero nagtitiis ka pa rin sa kinalalagyan mo. Hindi nakakatuwa na ginagamit ka lang niya, pinaghihintay para kapag wala siyang nahanap na makakasama hanggang sa pagtanda ay hindi siya mag-iisa. Kampana talaga ang drama mo. You know, TANGALANG-TANGALANG-TANGALANG! Ngunit, kung hihimayin ang mga elemento ng sitwasyong ito, mas tanga pa rin si Kuya kaysa sa'yo. Oo, mas tanga siya. Kaya, Ate, bumagon ka na bago pa mahuli ang lahat.

Tumayo ka na -- tumayo at tumakbo palayo sa anino niya. Iyong walang lingunan ha? Baka naman kasi kapag sinulyapan mo pa siya ay bumalik ka pa. 'Wag kang matakot na baka dumating 'yong time na magsisi ka -- magtanong sa sarili mo na paano kung naghintay ka. Napakatagal mo ng naghintay. Kaya sige na, layuan mo na siya. Giving up is a way of fighting sometimes. The battle does not end the moment you cede -- simula lamang iyon ng ikalawang yugto ng laban, isang laban na hindi mo na dapat sukuan pa.

May iba pang laban na mas karapat-dapat sa abilidad na taglay mo. Ate, 'wag kang mangamba na baka wala ka ng mahanap na iba. Kung one in a million si Kuya, ano ka pa? Ilan pa ba sa daigdig ang kayang maghintay ng halos buong buhay? Mula elemetary hanggang ngayong maiiwan ka na ng biyahe ay naghihintay ka pa rin.

Stop thinking about fighting na. Even fighters have the right to surrender too -- lalo na kung 'yong laban ay aksaya lamang sa oras mo.

You deserve to be happy. Sana ay kakilala nalang kita para kaya kong yakapin ka at bulungan na hindi para sa'yo ang espasyo na tinatayuan mo ngayon. Hindi pa huli ang lahat. Alam kong alam mo ang nararapat na gawin pero ayaw mo lang. Hindi mo naman talaga kailangang tumawag sa isang istasyon ng radyo para lamang makakuha ng payo. Alam ko na kaya mo itong harapin ng mag-isa. Pinahina ka lang talaga niya pero kaya mo pang bawiin ang lakas mo. Pero kung hindi mo pa talaga kayang magdesisyon, sundin mo nalang ang sinabi sa'yo ng DJ na tinawagan mo.

Bumitaw ka na, Ate. Bumitaw ka na.

[December 2012]


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento