Huwebes, Enero 3, 2013

Pahina 19

"Umibig ka kasi ng 'di mo pa nalalaman ang ibig sabihin ng pag-ibig." - Elena, Para Kay B

Sa ikalawang pagkakataon ay binabasa na naman niya ang nobela ni Ricky Lee. 11:16 PM, sabi ng orasan na tila ba pinapatulog na siya. Maaga pa, sa isip-isip niya. Ilang gabi na rin siyang hindi makatulog kaagad. Sa pagkakaalam niya ay tapos na siya sa yugtong ito. Maaga na siyang natutulog at halos hindi na iniisip ang nararamdaman niya. Pero, ilang araw bago magpalit ang taon ay nagsimula na naman siyang mapuyat. Hindi niya alam ang dahilan, sa totoo lang. Sa mga gabing iyon ay wala naman siyang iniisip. Siguro ay sasaglit lamang ang alaala ng taong iyon at pagkatapos ay iiwanan na siya nito habang nakatingala sa kisame -- nagtataka, nagtatanong. Antok na antok na siya pero hindi niya magawa kahit na umidlip man lang. Magulo. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam. Inuubos niya ang oras sa pagtulala lamang -- o paminsang pagsulyap sa bintana para tingnan ang mga tala o hanapin ang kinaroroonan ng buwan at makita kung ano ang hugis nito. Kung minsan, naiisip niya na baka may kung anong elemento lamang sa labas ng bintana kahit na batid niyang wala naman talaga. At kung mayroon man ay hindi naman ito matatanaw ng ordinaryo niyang mga mata.

Sanay na siyang matulog ng umaga, hindi ng maaga. Pero, sa mga oras na ito ay tila ba sobrang lalim na ng gabi -- para bang kailangan na talaga niyang matulog. Hindi niya maintindihan. Kung dati ay hindi siya makatulog sa kabila ng antok, ngayon ay alam niyang kayang-kaya na niyang makatulog kaagad subalit ayaw niya pa. Ayaw niya pa dahil masakit. Masakit dahil sa hindi niya mawaring dahilan. Masakit ba dahil palayo na ng palayo ang lahat o masakit ba dahil nararamdaman na niya ngayon ang lahat ng kirot na napagtagumpayan niyang hindi pansinin at damahin noon?

Subalit, mahalaga pa ba 'yon sa ngayon?

Kinuha niya ang aklat na pinamagatang 'Para Kay B'. Nagbasa siya hanggang sa matagpuan na lamang ang sarili niyang nagsasalita habang ang ulan ay walang tigil na bumubuhos sa labas -- mukhang nais siyang damayan.

Alam na niya ang ibig sabihin ng pag-ibig ngayon. Hindi ito ang unang beses na nagmahal siya. Hindi ito ang yugto kung saan puno siya ng pagtataka kung ganito ba o ganiyan ang pag-ibig. Alam na niya ang kalakaran. Nabatid niya sa kanyang sariling karanasan, nalaman niya na ito noon pa man mula sa pinagdaanan ng iba. Alam na niya, alam na alam. Pero, bakit masakit pa rin? Bakit nasasaktan pa rin siya?

Nakakatuwa na nakakatawang isipin ang mga taong lumalapit sa kanya para magkwento at manghingi ng payo. Nakakatuwa dahil sa ibinibigay nilang tiwala at nakakatawa dahil sa wari niya ay nagkakamali lamang ang mga ito sa paglapit sa kanya. Madalas niyang itanong sa sarili niya na bakit maraming nagtatanong sa kanya tungkol sa pag-ibig. Bakit siya pa na wala namang mangingibig? Bakit siya pa na hindi mapayuhan ang sarili? May karapatan nga ba siyang gumabay kung mismong siya ay wala pang naipanalong laban sa pag -ibig?

Kung sa bagay, isang beses ka lang naman talagang mananalo sa pag-ibig sa buong buhay mo. May mga pagkakataon na matatalo ka kaagad. May mga panahong matagal ka munang lalaban bago magapi. May mga panahong mananalo ka subalit malalaman mo sa kalaunan na hindi ka pala tunay na nagwagi. May mga panahong naipanalo mo SANA pero hindi mo nahalata agad kaya iba ang nakinabang.  May mga panahong naipanalo mo PALA pero hindi mo nabatid kailanman.  Minsan ka lang talaga mananalo, isang beses lang.

Magulo nga talaga siguro ang pag-ibig. Magulo minsan. Minsan naman pinagugulo mo lang, magulo pa rin -- pinagulo mo nga e. Magulo yata. Magulo nga. Magulo talaga -- parang ang paglalarawang ito ng pagiging magulo. Magulo ang isip niya.  Magulo kaya marahil gumugulo ang imahe ng pag-ibig sa kanya.

Wala siyang ideya, sa ngayon. Wala pa siyang balak o kahit pansamantalang plano. Mahirap mag-isip kung marami ka masyadong iniisip. Katulad ng inaantok na siya pero sobra siyang inaantok kaya labis siyang napipilitang matulog -- iyong tipong pagpikit ay gusto na niyang makatulog kaagad. Bilang resulta, tinatakasan na siya unti-unti ng antok hanggang sa huli na para matulog pa ng tama dahil sa kailangan na niyang gumising.

Sa kabila ng kaguluhang nararamdaman niya ay may liwanag pa rin siyang namamataan. Naaaninag niya ang tinatawag ng marami na 'dahilan'. Katulad ng sinasabi niya sa mga pinapayuhan niyang hirap na hirap kumawala sa lungkot at panghihinayang, alam ng langit ang mga nagaganap. At dahil hinahayaan lamang siya ng mga anghel sa sitwasyong ito, siguradong may napakahalagang bagay na dala ito sa kanya. Minsan, kailangan mong masira para malaman mo kung gaano ka kakumpleto noong buo ka pa --   para mabuo mo ang sarili mo at matutunang pahalaagahan ang kung anong taglay mo.

May mga pagkakataon naman na ngkakapira-piraso ka para matutunan mong bumuo ng mga nawasak. Dahil, minsan sa buhay mo ay darating ka sa puntong kakailanganin ka ng iba para mabuo ang nasira nilang pagkatao. Bukod sa sarili mo ay malalaman mong may iba ka pa palang resposibilidad. Ito marahil ang dahilan kung bakit nagagawa niyang ayusin ang iba sa kabila ng katotohanang hindi pa niya ganap na nakukumpuni ang parte sa kanya na may problema sa kasalukuyan. Ang mga pinagdaanan nga niya siguro noon ang dahilan.

Umiibig siya ngayon. Umiibig pa rin. Umiibig at nasasaktan. Umiibig pa rin at nasasaktan pa rin. Kahit alam na niya ang pag-ibig. Kahit hindi na siya baguhan sa larong ito. Dahil lahat ay nasasaktan. Lahat ay nagagapi. Ang kaibahan nga lang, mas masakit sa mga taong wala pang alam sa bagay na ito. Umiibig ka kasi ng 'di mo pa nalalaman ang ibig sabihin ng pag-ibig, napagtanto na niya ang ibig sabihin ng pangungusap na ito. Napagtanto niya bigla habang naguguluhan siya.

Naunawaan niya na pero nasasaktan pa rin siya.

Siguro nga, lahat ng nagmamahal ay nasasaktan. Paano mo nga ba malalaman kung ano ang pag-ibig kung hindi mo ito mapapatunayan? Wala sa gitna ng tuwa ang katibayan, nasa gitna ng pait.

Kailangan talagang masaktan. Sabi nga sa misa noong simbang gabi, hindi mo malalaman kung ano ang kaligayahan hanggang hindi mo pa nararanasan ang tunay na kalungkutan.

Isinara na niya ang aklat pagkatapos mabasa ang unang kabanata.  Masakit pa rin pero hahayaan niya nalang. May mga bagay na kapag hinahayaan ay nakakalipad.

[January 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento