Sabado, Disyembre 1, 2012

Mas Kailangan Mo Na Ang Panyo, Steven

"I am all alone without you. The days are dark without the glimpse of you."

Nawala ako sa konsentrasyon nang marinig ko sa radyo ang awiting Your Love. Walang anu-ano'y nakalimutan ko ang aking dapat isulat. May biglang pumasok sa isipan ko si Steven, isang dating kaibigan na nakasakay ko sa tren kahapon.

"Hinanap ko siya ngunit ibang tao ang aking nakita. Binalikan ko siya. Binalikan ko siya ngunit wala na siya. Wala na akong dinatnan pa." Habang nagsasalita siya ay napuna ko ang malungkot na pagkislap ng kanyang mga mata -- puno iyon ng pait at panghihinayang. Napansin ko rin na malaki ang ipinagbago niya. Wala na ang dating sigla niya. Wala na ang mga ngiting noon ay naipapamalas pa rin niya sa gitna ng kalungkutan.

Matagal na buhat noong iwanan niya si Jane. Ang sabi pa niya ay masyado pa silang bata para seryosohin ang mga bagay-bagay katulad ng pag-ibig. Hindi raw niya nais na magkaroon ng sagabal sa buhay niya pagdating niya sa kolehiyo. Sagabal -- ang salitang ito ay punyal na humiwa sa puso ni Jane at ang dugo na nagmumula sa sugat na iyon ay lumabas sa kanyang katawan sa pamamagitan ng walang hanggang luha sa kanyang mga mata. Dumaan ang mga araw, lumipas ang mga linggo, ang mga dumarating na buwan ay tumakbo ng mabilis patungo sa taon habang ang daigdig ng kaibigan kong si Jane ay nanatiling nakahinto. Sa mga panahon ng pagdurusa ay hindi ako tumigil na makinig, magpatahan at magpangiti sa kanya kahit na alam kong hindi niya kayang maging ganap na masaya. Ang unang sugat daw na likha ng pag-ibig ay matagal kung mawala. Marahil ay totoo iyon sapagkat ilang taon na ang lumipas ngunit si Jane ay nakatunghay pa rin sa pintuan ng kanilang bahay na sa araw ay nakabukas at sa gabi naman ay nakasara -- umaasang darating ang araw na bigla na lamang lilitaw si Steven sa kanyang harapan o sasapit ang isang gabi sa buhay niya kung kailan bigla nalang itong kakatok at sasabihing may pag-ibig pa ito sa kanya. Naghintay siya ng naghintay hanggang sa isang araw ay sinubukan niyang tumayo sa silyang sa wakas ay makapagpapahinga na.

Lumabas siya sa tahanang noon ay hindi niya magawang iwanan  ng walang ideya na babalik siya sa tahanang iyon dala ang lahat ng sigla ng mundo na tinangay palayo ng una niyang kasintahan. Muli niyang nakita ang silahis ng araw. Ang mga luha ay unti-unti ng pumanaw. Naubos na ang bawat piraso ng mapait na nakaraan. Maging ang walang hanggan pala ay mayroon din katapusan. Nakakatuwang isipin na kung kailan nakalimutan na niyang kaya niya palang magmahal ay may dumating para ipaalala sa kanya kung paano iyon.

Maayos na ang lahat sa buhay ni Jane. Sa totoo lang ay hindi na niya kailangan ang panyo ko ngayon. Hindi naman dahil sa may sarili na siyang panyo -- sadyang wala lang talaga siyang paggagamitan, maliban nalang kung hindi makayanan ng kanyang mga kamay na pahirin ang luha ng kaligayahan sa kanyang mga mata.

Napailing na lamang ako. Sa aking isipan ay natatanaw ko ang alaalang binuo ng aking mga kaibigan ng magkasama, walong taon pabalik -- mga gunitang winasak ng isang maikli ngunit winasak ng isang maikli ngunit makapangyarihang salita, "paalam".

Sa ngayon ay pilit kong iniisip kung bakit si Steven ang nagdurusa. Siya ang nang-iwan at ang paghihiwalay nila ay kagustuhan niyang lahat. Hindi niya tinanong si Jane kung nais ba nito ng separasyon at nagdesisyon siya ng mag-isa. Lahat ng ito ay hinangad niya -- ang kalayaan, ang distansya at ang buhay na malayo sa dati niyang prinsesa. Ngunit, bakit sa huli ay siya pa ang nasasaktan at nangungulila? Masakit ba talaga na makita ang taong minsang nagmahal sa iyo na may iniibig ng iba? Mahirap ba talagang tanggapin na may iba ng mundo ang noon ay kalawakan ang turing sa iyo? Hindi nga ba madaling harapin ang katotohanan na ang minsan mong itinapon mo sa pag-aakalang sira na ito ay napulot ng iba at nakita na hindi naman talaga ito ang may problema kung hindi ang mismong nagtapon dito? Pag-ibig nga ba ang nararamdaman niya o purong panghihinayang lang? Wala lamang ba siyang nahanap na iba kaya ngayon ay bumabalik siya o sadyang kinailangan munang mawalan siya bago siya makuntento, bago niya mapagtanto na ang lahat pala ng nais niya ay nasa kanya na bago pa man siya naghangad ng inaakala niyang kailangan niya?

Natapos na pala ang awiting tumutugtog kanina na noon ay alay ni Jane sa kanyang unang pag-ibig. Iba na ang tumutugtog ngayon -- isang mas maganda at mas may kabuluhang kanta.

Muli kong tiningnan ang papel na dapat sana ay mapupuno na ng sulat ngayon kung hindi ipinalimot ng sandali sa akin ang lahat. Napabuntong-hininga na lamang ako at ibinulong sa sarili ko ang aking napagtanto. Kung gaano ka nahirapan noon na kalimutan ang pagmamahal mo sa kanya ay ganoon din kahirap alalahanin ang pag-ibig na iyon. Mali, mas masahol pa pala. Sa nakikita ko, imposible ng maalala pa siya ng puso nitong siya lamang ang kilala kahapon.

Hindi ko na inisip pa kung ano ang dapat na isusulat ko. May mas maganda na akong dapat ilarawan gamit ang salitta. Gagawa ako ngayon ng isang katha tungkol kay Steven.

May tatlong uri lamang ng bagay sa daigdig na ito -- ang mga bagay sa para sa iyo, ang mga bagay na hindi para sa iyo at ang mga bagay na para. sana sa iyo. Ang pagtangis ko ay alay ko sa iyo, Steven. Ako na lamang ang gagamit ng panyong ito sapagkat kailanman ay hindi na muling papatak ang luha ni Jane para sa iyo.

[November 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento