Lunes, Mayo 14, 2012

Ang Microsoft Word at Pag-ibig

Ang mahalin ka ay hindi ko pagsisisihan kailanman – kahit sa huli’y ako rin ang naiwang luhaan.
                
Lumalalim na ang gabi ng matagpuan ko ang aking sarili sa harapan ng computer kung saan nakabukas ang Microsoft Word  -- malinis, walang nakalagay kahit na isang letra.
            
Batid ko sa aking puso’t isipan na hangad kong lumikha ng isang katha subalit sadyang ayaw kumilos ng aking mga daliri kahit na mayroon naman talaga itong nais ipahayag. Hindi ito dahil sa katamaran. Hindi lang talaga biro ang sumulat ng isang akdang ingles. Kahit madalas naman akong sumulat sa wikang ito ay hindi tila hindi na mawawala ang kaba sa sa aking dibdib habang iniisip ang maaring maging puna ng mga makakabasa pati na rin ang mga pagkakamaling maari kong malikha at posible nilang mapuna.
            
Gayunman, naisip ko na wala namang perpektong manunulat. Kung hindi ako magkakamali, hindi rin ako uunlad bilang alagad ng papel at pluma. Mananatili akong ganito – hindi umuusad pagkat  hindi kumikilos.
            
Nagsimula akong mag-type. Ibinuhos ko ng buo ang aking kakayahan at piniga ko ng husto ang aking isipan. Natapos ko ang akda ng gabi rin na iyon. Naging maligaya naman ako sa aking nalikha.
            
Napakaraming reaksyon ang nakuha ko mula sa mga bumasa. Ang mga punang iyon ay lubha kong binigyang-halaga at kinilatis mabuti.
           
Ngayon ay binalikan ko ang gabing iyon. Binuksan ko muli ang Microsoft Word. Malinis ito – walang salitang may pula, asul o berdeng marka. Sa kabilang dako, wala rin itong saysay – walang mai-save dahil wala naman itong laman.
            
Bigla sumagi sa aking isipan ang pag-ibig. Nakakatakot magmahal. Napakaraming puso na ang nasugatan at napakaraming  mata na rin ang naiwang luhaan. Subalit, paano tayo matututo kung hindi tayo mabibigo? Paano tayo magiging pino kung hindi tayo madudurog?
            
'Wag tayong matakot magmahal. Wag tayong matakot magdusa at masaktan. Isa ang magmahal sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundong ibabaw. Isa ang pag ibig sa mga dahilan ng ating eksistensya. Wag tayong mangamba. Katulad sa Microsoft Word ay mayroong magpapakita ng mga pagkakamaling ating nagagawa at tutulong upang ito ay ating maitama – ang Dakilang Lumikha.
            
'Wag tayong magpaapekto kung tayo ay  magkamali at madapa. Wag din natin intindihin ang sasabihin ng iba. At kung tayo ay tawagin man na talunan o kaya’y mangmang, ngumiti na lang tayo at saka lumakad palayo habang itinatanim sa ating isipan na: “Hindi  ako talunan. Lahat tayo ay nabibigo kung minsan. Hindi pa ako mangmang. Magiging mangmang lamang ako kung ang tagpong iyon ay mauulit na naman sapagkat ito’y patunay lamang na wala akong nakuhang kaalaman mula sa aking kamalian sa nakaraan.”
            
Ano naman kung nagtapos agad ang lahat at hindi nagtagal? Nakapag imbak naman tayo ng mga alaala --  mga gunitang kailanma’y hindi mabubura sa kasaysayan ng ating buhay. Sabi nga sa tula ni Alfred Lord Tennyson:  'Tis better to have loved and lost than never to have loved at all.

[May 2011]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento