Martes, Abril 16, 2013

Tuldok


Isa. Dalawa. Tatlo. Kailan ako hihinto? Apat. Lima. Anim. Pito. Alam kong hindi nauubos ang numero. Walo. Siyam. Sampu. Paano ba sabihin ang paalam na sa iyo?

Sa iyong mga mata ay hindi ko makita ang pagsinta -- walang lambing, walang saya, walang natatanging pagsinta. Kapag tinitingnan kita, sa tuwing tinitingnan mo ako, kapag nagtatama ang ating paningin ay batid ko na magkaiba ang ating natatanaw. Ikaw at ako, kailanman ay hindi naging isa. Mapanglaw man ay para bang tinaggap ko ng sa piling mo ay palagi akong mag-iisa.

Sa tinig mo ay hindi mabakas ang sigla -- walang matamis na hiwaga. Kapag binabanggit mo ang pangalan ko ay hindi ko naririnig ang tinig ng Adarna. Bawat himig mo ay para sa iba -- hindi para sa akin, kung hindi ay para sa kanya. Wala akong puwang sa bawat kataga, ikubli mo man sa iyong pananalita.

Hanggang ngayon ay kulang pa rin ba? Kailan ba magiging sapat? Ang lahat ba ay wala pa rin saysay?

Ang lahat ng tuwa, sa wari ko, ay akin lamang gawa-gawa. Ang mga pangungusap mo sa ilalim ng bilog na buwan ay para bang likha lamang ng mga nahahabag na tala. Alin ba sa mga sinabi mo ang sa iyo talaga nagmula? Sana ay malaman ko na, ng maitama ang bawat maling pag-asa at paniniwala.

Hindi ko na matukoy ang guniguni sa tunay na nangyayari. Hindi ko na alam kung alin ang dapat yakapin at ang dapat iwaksi.

Kahit kailan ay alam kong hindi ako naging husto. Palagi kang may hinahanap, palagi kang may ibang gusto. Hindi mo man sabihin o ipakita ay nadarama ko.

Paminsan-minsan ay naiisip ko na paano kaya kung may dumating sa buhay ko at maging palagay ako sa kanya. Kahit saglit ba ay sasagi ako sa isip mo? Hahanapin mo ba kahit papaano ang presensya ko? Mangungulila ka kaya? O, mapagtatanto mong higit na kailanman ay hindi ako nagkaroon ng halaga?

Papahulog na ako sa kawalan. Dumudulas na ang aking mga kamay sa kinakapitan. Mahirap manatili sa parteng ito, lalo na at wala ang kamay mo para ako ay hawakan.

Ang numero ay nauubos din kapag huminto ang nagbibilang. Isa. Dalawa. Tatlo. Aabot pa ba ng dalawampu? Hindi ko na alam kug hanggang saan magagawang tumungo. Tila sa labing siyam ay titigil na ako. Marahil, bago pa man matutunang sabihin ang paalam na sa iyo.

[April 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento