Martes, Abril 16, 2013

Ang Lumiham




Ika'y dumalaw sa pagtulog n'ya,
May pilit na tinatanong sa kanya,
Ngunit sagot ay 'di nagpaubaya,
Bago pa ibigay ay nagising na s'ya.

Sa lumang baul ay naghanap,
Siya na 'di alam ang nagaganap,
Mga piraso ng kirot at hirap,
Kanyang nakuha sa isang iglap.

Tatlong pahina'y muling inisa-isa,
Sa isipa'y nakita ang minsang umasa,
Na ang kahapo'y mababawi pa ng dusa,
Batid mang tadhana ang nagpaparusa.

Sa bilangguan ng nagdaa'y 'pinuslit,
Mga pangungusap na puno ng pait,
Nilitis ang diwang binuo ng sakit,
Kahapo'y binalika't inulit.

Nabagabag yaring humuhusga,
Sa dragong luha ang ibinuga,
Yaring apoy na sana'y sinunog siya,
Para sa ngiti n'ya'y 'di na pinalaya pa.

Umiiyak ang bawat salita,
Nananaghoy ang mga talata,
Ngunit lahat noo'y 'di nakita,
'Kinubli ng tuwang iyong ipininta.

Maling hatol ay natuklasan,
'Di para sa'yo ang krus na pinasan,
Hapding tinanggap ay walang katarungan,
Sana'y 'binaba na ang daigdig na tangan.

Sa panalangin ay kanyang isasama,
Na ang lahat sa buhay mo'y maging tama,
Nawa'y lusaw na ang lungko't 'di na madama,
Kabiguang niyakap ng 'di umaalma.

[April 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento