(Sa babasa: Wala itong pamagat. Ikaw na ang bahala.
Lagyan mo kung gusto mo. Kung wala kang maisip, hayaan mo nalang na wala.
Minsan daw, mas mabuting wala e.)
Nagkalapit tayong dalawa.
Nagkwento ako. Nagkwento ka -- mga malulungkot na istorya, pati masasaya. Tulad
ng karaniwang magkaibigan, bumuo tayo ng mga gunita. Lumipad ang oras. Biglang
may nag-iba. Hindi ko alam kung anong espesyal sa naging sistema. Ngayon ay
minamahal kita. Minamahal kita.
Sa isang gabing hindi ko
inakala, nagningning ka tulad ng mga tala. Nagsimula ang panibagong kabanata.
Alam kong wala ng kailangang ipagdamdam pa. Hindi na rin dapat mangamba. May
tamang panahon, may hinaharap para sa ating dalawa. Minamahal kita. Minamahal
kita.
Minuto. Oras. Araw. Linggo.
Bakit nagkaganito? Para bang lumalayo. Hindi ito ang inakala ko. Hanggang sa
salita lamang ba? Nasasaktan ako. Minamahal kita. Minamahal kita.
Luha, ngiti, lungkot at tuwa
ang bumuo sa ginugol na panahon. Hindi na bale, alam kong sa pag-ibig ay hindi
naman puro saya. Isa pa, minamahal kita. Minamahal kita.
Init. Lamig. Init. Lamig. Ano
ba talaga? Ang hirap ipinta ng eksena. Panaginip lang ba ang bawat inusal na
kataga? Hindi na mawari ang katotohanan sa ilusyon. Ang bitiwan ka na marahil
ang tanging solusyon. Ngunit, paano? Minamahal kita. Minamahal kita.
Nangungulila ako. Sa iyo. Sa
naging simula. Sa atin. Sa hindi pa nagsisimula. Sa lahat. Sa maari sanang
magsimula. Nangungulila ako. Minamahal kita. Minamahal kita.
Ayaw ko ng lumaban pa. Hindi
naman kita kasama. Marami akong hindi kaya ng nag-iisa. Mabibigo lamang ako
kung hindi ka kasama. Kailangan mo ng lumaya. Kahit minamahal kita. Kahit
minamahal kita.
Sumuko na ako. Minamahal
kita. Sa katahimikan ay pinakawalan ka. Minamahal kita. Minamahal kita.
Sa paghakbang palayo, bigla
nalang huminto. Namataan kong muli ang sarili na bumabalik sa iyo. Minamahal
kita, kaya ganoon. Minamahal kita.
Ikatlong taon. Pagkalipas ng apat
na taon. Ikatlong taon. Ito na naman ang mga naganap kahapon. Ikatlong taon.
Paano ko nagagawang manalig na hindi mauulit ang kahapon? Ikatlong taon.
Parehong-pareho, ito ba ay nagkataon? O, ang kasaysayan ay muling magiging buhay
sa kasalukuyang panahon. Ikatlong taon. Magkatulad ang mga nagaganap -- oo,
hindi, mayroon, wala, puwede, ewan. Ikatlong taon. Magulo. Nakakalito. Minamahal
kita. Minamahal kita.
Minamahal kita higit sa
kanya. O, sa kung kanino sa nakaraan. Minamahal kita. Sana ay hindi ito matulad
sa nagdaan. Minamahal kita kaya lumalaban. Minamahal kita. Minamahal kita.
Ngunit kung wala na ang
lahat, sana ay magtapat. Kung pumanaw na ang bawat pangungusap, magsalita na
sana. Kung nasa isip ko lamang ito, magsalita ka pa rin. Kung masaya ka pa,
ipaalam mo sana. Magsalita ka na sana. Minamahal kita. Minamahal kita.
Hindi ko alam kung saan ito
pupunta. Minamahal kita.
Kung mananatili ako,
minamahal kita.
Kung hindi, minamahal kita.
Kinailangan ko lang na isuko ka.
Kapag naging tayong dalawa,
minamahal kita.
Kapag napunta ako sa iba, marahil
nasasabi niya ang minamahal kita.
Lahat ay posibleng maganap.
Lahat din ay posibleng maging imposible. Minamahal kita. Minamahal kita.
Minamahal kita. Nakakasawa na
ba? Minamahal kita. Paulit-ulit na ako. Minamahal kita. Ilang beses na bang
nasambit? Minamahal kita. Uulitin ko pa. Minamahal kita. Minamahal kita.
Alam na alam mo. Minamahal
kita. Kaya madaling mambalewala. Minamahal kita. Nakakatamad na bang marinig?
Minamahal kita. Pagod ka na bang makinig? Minamahal kita. Minamahal kita.
Ako? Kailan kaya ako
magsasawa? Kailan kaya tatamarin? Kailan kaya mapapagod magsalita? Bakit nga ba
minamahal pa rin kita? Bakit minamahal ka pa?
Minamahal kita. Kung uulitin
ko pa ba ay maiirita ka na? Minamahal kita, pasensya na. Pasensya na, minamahal
kita.
[June 2013]