Biyernes, Agosto 7, 2015

1983

Malayo na ako sa taong 1983 pero hanggang ngayon ay naroon pa rin ako.

Hunyo 20, 1983, Ika-3 ng madaling araw

Gusto kong humiga sa ilalim ng mga tala kasama ka, balikan ang mga panahong simple lamang ang lahat. Gusto kong panoorin muli natin ang paglubog ng araw, sa Kanluran, nang hindi iniisip na baka iyon na ang huli nating pagsasama. Gusto kong sumayaw tayo sa ilalim ng ulan, magpaumaga sa daan, kalimutan ang nakapanlulumong kinabukasan.

Mahigit anim na buwan na rin pala ang lumipas mula noong lumabas ang resulta ng kung anu-anong eksaminasyong ginawa nila sa iyo. Ayaw kong maniwala sa mga resultang iyon! May sakit ka raw, kalahating taon na lamang ang itatagal mo sa mundo at… ano nga ba iyon? Wala na akong ibang naunawaan, palagay ko ay tanging ang manggagamot lamang na iyon ang nakakaintindi – o sadyang hindi lamang kayang abutin ng mapurol kong utak ang mga paliwanag niya. Alam mo naman, kaya ko lang bumasa at sumulat, pero kapag agham at matematika na ang pinag-uusapan ay hindi ko na talaga kaya. Pasenya ka na, kung nakatapos ako ng pag-aaral ay nadala sana kaagad kita sa pagamutan. Hindi ka sana lumala.

Pero sino ba ang taong iyon para unahan ang tadhana? Sino ba siya para bigyan ng taning ang buhay mo gayong ang Lumikha lamang ang nakakaalam ng bawat simula at pagtatapos? Lalaban ka. Lalaban ta

Hunyo 20, 1983, Ika-9 ng umaga

Lalaban tayo.

Hindi ko na natapos ang isinusulat ko kanina. Bigla ka kasing sumigaw. Sobrang sakit ‘ka mo ng ulo mo. Wala ka na nga palang gamot sa cabinet. Pasensya ka na, ha? Kung nakatapos sana ako ng pag-aaral, naibili na marahil kita ng gamot noong isang lingo pa.

Kanina, wala akong ibang nagawa kung hindi ang yakapin ka, haplusin sa ulo at sabihang: Tahan na, tahan na.

Sabi ng mga tinatawag nilang “eksperto,” malapit na ang araw ng iyong kamatayan. Hindi ka na raw aabot ng isang linggo. Kagabi, nagtalo pa kami ng nanay mo. Kung hindi raw kita kinuha, kung hindi raw tayo nagtanan, hindi ka magkakaroon ng karamdaman. Oo, sa harapan mo lang sila mabait sa akin. Pero kahit ganooon, hindi ko pinagsisishang lumapit ako sa kanila noong bigla ka na lamang natumba habang nagsasampay ng mga nilabahan – dahil kung hindi, sabi muli ng mga eksperto, ay mas maaga ka marahil bumitaw. Hanggang ngayon, hindi ka pa rin bumibitaw.

Hunyo 20, 1983, Ika-2 ng hapon

Nakatulog ka na.

Parang ayaw ko na umalis sa tabi mo. Kung puwede lang hindi ka mawala sa buhay ko. Kinuha kong muli itong kuwaderno, ngunit hindi na ako sa silong magsusulat ngayon. Mas gusto kong magsulat sa tabi mo.

Mas gusto kong tingnan ang maamo mong mukha habang natutulog. Baka sakaling lumakas pa ang loob ko. Siguro nga ay nawala na ang lahat ng hinangaan ko sa pisikal mong anyo – ang itim at mahaba mong buhok, ang mapupula mong labi, ang maputi mong balat, at ang buhay mong mga mata na ngayon ay naging salamin na ng hirap ng pinagdadaanan mo. Ngunit, sa aking mga mata, ikaw pa rin ang pinakamaganda.

Naisip ko tuloy bigla, paano kaya kung hindi kita kinuha sa mga magulang mo? Paano kung nagdalawang-isip muna ako bago ko sinabing kaya natin lahat basta nagmamahalan tayo? Paano kung ipinagpatuloy ko muna ang pag-aaral ko bago ako nagmayabang sa pamilya mo?

Naisanla na nga pala natin ang mga alahas mo, kasama ang kuwintas na galing pa sa lola ng iyong ina. Hindi mo na rin nabibili ang paborito mong pabango.

Sana hindi na lang kita pinilit sumama sa akin noong sabihan ako ng ama mo na layuan ka. Sana, hindi mo na lang tinakbuhan ang iyong ina nang mahuli ka niyang may dalang maleta, noong gabing katatagpuin mo ako sa abandonadong gusali sa tapat ng paaralan.

Sana nag-isip muna ako.

Patawarin mo ako, mahal. Babawi ako sa iyo. Hihintayin kita. Hihintayin kita.


Noong Hunyo 20, 1983, nagising na lamang ako at natagpuan si Fidel na duguan sa tabi ng kama, may kutsilyong nakabaon sa dibdib niya. Dahil nanghihina, wala akong nagawa kung hindi umiyak. Mayamaya pa ay nagdatingan ang mga kapatid niya na nakatanggap daw ng liham mula sa kanya, susubukan sanang pigilan ang pagpapakamatay niya.

Hunyo 20, 1983 – isang taon simula noong magpakalayu-layo kami – pumanaw si Fidel sa edad na labing-anim.

Hindi ko na siya muling nakita pagkatapos noon. Halos dalawang linggo ako sa ospital, hindi makatayo at makapagsalita, parang lantang gulay. Ngunit ilang araw pagkatapos mailibing si Fidel, bigla raw akong kinakitaan ng malaking pagbabago – hanggang sa tuluyan na akong gumaling. Hindi makapaniwala ang mga eksperto, milagro raw iyong maituturing.

Paglabas sa ospital, pinuntahan ko ang mga kapatid ng lalaking mahal ko. Tinanong ko sila kung bakit ako iniwan ni Fidel. Sabi raw nito, hindi niya raw ako hahayaang mag-isa. Bago sumulat sa kanila ay nanggaling daw ito sa ospital at napag-alamang hindi na magtatagal ang buhay ko. Mauuna na raw siya sa langit upang hindi ako mag-isa roon pagdating ko.

Ngunit 2015 na ngayon, wala pa rin sa langit ang hinihintay niya. Katulad ng sinabi niya sa sulat, Diyos lamang ang may alam ng lahat. Naluluha ako sa tuwing maiisip ito: Paano niya nagawang sabihin iyon, gayong uunahan niya rin pala ang plano ng Panginoon?

Ipinagpatuloy ko ang buhay ko pagkatapos noon, kahit alam kong hinihintay niya ako. Ayaw kong maging isa pang Fidel. Alam ko ang pakiramdam ng iniwan. Alam ko ang pakiramdam ng nawalan.

Bumalik ako sa pag-aaral. Nagtapos ako at nagtagumpay.

Ngunit hindi na ako umibig pa.

Malayo na ako sa taong 1983 pero hanggang ngayon ay naroon pa rin ako – sa piling ni Fidel, kung saan kasalukuyan pa ang nakaraang binabalik-balikan ko.

(c) Charina Echaluce

Linggo, Hulyo 19, 2015

'Mas maling tao' concept

Naniniwala ka ba sa konsepto ng "mas maling tao?" Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa roon sa maling tao.

Minsan, sumulat ako ng isang liham. Dahil wala pa akong pagbibigyan, nanatiling blangko ang pangalan ng patutunguhan. Darating ang araw, makikita ko rin ang taong padadalhan ko nito. Darating ang araw, makikilala ko rin ang taong magmamahal sa akin ng totoo.

Oo, naniniwala ako sa tadhana.

Ilang araw pagkatapos kong isulat ang liham, nakilala kita. Matagal na kitang nakakasama ngunit noon lang kita hinayaang pumasok sa mundo ko, sa buhay ko. Hindi ko rin alam kung bakit.

Sa panalanging inusal ko kinagabihan, isang tanong ang namutawi sa labi ko: Siya na po ba?

Wala akong narinig na kataga mula sa langit pero sa saya na nadarama ko noon, alam kong sumagot na Siya. Malakas ang pakiramdam ko, nasa tamang daan ako.

Nasa tamang daan nga ako.

Pagdaan ng ilang buwan, nagsimula kang mag-iba. Kung gagawa ako ng listahan ng mga dahilan para iwanan ka, marahil ay kukulangin ang limang papel. At sa tuwing magbabasa ako ng mga lathalain tungkol sa "kung bakit hindi siya para sa iyo" ay ikaw ang naiisip ko. Tamang-tamang sa iyo ang mga paglalarawan sa maling tao.

Pero bukod sa mga palatandaang hindi na dapat magpatuloy ito, nararamdaman ko rin na sinisira mo lang ang sistema ko. Napakaganda ng mundo – ngunit nanlulumo ako dahil hindi mo masuklian ang pag-ibig ko.

Sa kabila ng lahat, pinili kong manatili sa tabi mo – nanatili ako hanggang ang buhay na mismo ang nag-alis sa akin sa ilalim ng anino mo.

Napagtanto ko na sa sitwasyong ito: Ikaw ay ikaw at ako ay ako, at ang ikaw at ako ay hindi puwedeng maging tayo.

Ngayon, tapos na ang mga araw na iniisip kong ikaw ang itinakda ng langit na ibigin ko. Tapos na ang panahong iniisip kong ikaw ang patutunguhan ng liham na isinulat ko para sa taong magmamahal sa akin ng totoo.

Nahanap ko na rin ang dapat bumasa nito.

At oo, tamang daan nga ang tinahak ko noon.

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa sa maling tao. Kahit minsan ba ay naisip mo – sa gitna ng pait, kirot, at pagtitiis – na minabuti marahil ng tadhana na mapunta ka sa maling tao dahil iniiwas ka nito sa mas maling pag-ibig? Na kinailangan mong masaktan para hindi masugatan nang mas malalim? Na sinugatan ka niya para hindi ka mahiwa ng mas matalas na patalim? Na kinailangan mo siya makatagpo, na kailangan kang mahulog sa kanya, upang hindi mo makilala at mahalin ang taong mas masahol pa sa kanya?

Kung hindi, balikan mo ang mga sandaling nasabi mo na: "Mas grabe iyong nangyari sa kanya," "mas malaki pala problema niya," "kung sa akin nangyari iyan, hindi ko siguro kakayanin."

Ikaw, nasaktan ka na rin bago ako dumating sa buhay mo. Ikaw, naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Kung oo, naisip mo mo ba na isa ako ang maling taong nagligtas sa iyo para hindi ka mapunta sa kanya, sa mas maling taong iniiwas ng tadhana sa iyo?

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Ako kasi, oo. Buti na lang naroon ka sa panahong wala pa siya.

Naniniwala ako, niligtas natin ang isa't isa. 

("Mas maling tao" concept, isang pausong concept.)

(c) Charina Echaluce

Huwebes, Hulyo 9, 2015

Take A Bow

You took my life for granted, why oh why? The show is over say goodbye...

Sa gitna ng maulang biyahe, biglang tinugtog sa radyo ang isang pamilyar na kanta, Take A Bow ni Madonna. Bigla akong may naalala – isang nakaraang hindi ko kinalimutan ngunit kusang nawala sa aking alaala.

Eksaktong pitong taon pabalik, nasa biyahe rin ako – malungkot at gulung-gulo. Iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat. Teka, kaklaruhin ko, iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat gayong ni maliit na parte ay hindi pa man lang nasisimulan.

Ang saklap! Para akong naunahan sa huling upuan sa FX, at walang nakapila sa likod ko kaya mukhang matatagalan pa ako sa terminal. Para akong lumampas ng isang segundo sa grace period sa klase ng masungit na guro. Para akong natakam sa tsokolate tapos walang ibang mayroon sa tindahan kung hindi toyo at suka. Para akong naunahan sa pagdampot ng kahuli-hulihang kopya ng librong pinag-ipunan ko. Para akong naghabol sa last trip ng tren at hindi nakaabot dahil sumara na ang pintuan sa harapan ko.

Parang narinig ko ang anunsyo ng suspensyon ng klase habang nakalusong ako sa gitna ng baha – habang ikaw naman ang bagyo na walang patawad na bumuhos kahit alam mong nasira payong ko, at ako naman ang hangal na puting sapatos pa ang isinuot kahit alam na maputik ang daan.
(Take A Bow, Madonna, 1994)

Eksaktong pitong taon pabalik, bumubuhos din ang ulan – sa puso ko. Mainit ang panahon ngunit ginaw na ginaw ako. Tuyo ang lupa sa realidad pero bumabaha sa aking mundo. At sa mga sumunod na araw ay daig ko pa ang mga nasa lugar na isinailalim sa State of Calamity – hindi kumakain kahit puno ang pinggan, hindi makatulog kahit nasa kutson naman.

Ngunit natapos din ang unos. Dalawampu't isang araw matapos ang mong tuldukan ang isang parirala, isang kaibigan ang aking nakilala. Lumipas ang ilang buwan, napagtanto kong simula pala siya ng isang napakagandang kabanata – na ngayon ay naging nobela na at patulong pang humahaba.

May dahilan pala kung bakit kailangan mong umalis. May dahilan pala kung bakit kailangan kong mawalan. May dahilan pala kung bakit dapat kang mawala sa daan. May dahilan kung bakit kailangan kong maulanan, lumusong sa baha, at mawalan ng gana habang nasa kawalan.

Eksaktong pitong taon ngayon, nagkataon pala na ito ang petsa kung kailan pinalaya ako ng maling tao. Kung bakit nagbukas bigla ng radyo ang drayber – at ang kantang nagpapaalala pa sa akin sa iyo ang tinugtog – ay hindi ko alam at hindi ko na kailangang malaman. Mas mahalaga ang taong nagpaunawa sa akin na walang mga "muntik" at "sana" kung hangad ninyo parehong gumawa ng tadhana. Mas mahalaga ang nararamdaman kong saya na hindi ikaw ang naghihintay sa akin sa dambana kung hindi ang taong hindi sinukuan ang lahat para lang ako ay makasama.

Oo, sa gitna ng malakas na ulan, tuloy ang kasalan.


Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Hashtag Wayback Wednesday

Puwede ko ba itong gamitan ng #WaybackWednesday?

Sa isang madilim na parte, sa tabi ng Marikina River, naroon ang isang karton na pinagdidikitan ng ilang larawan. Bagamat nabubura na, makikita mo pa rin ang mga ngiti, madarama mo ang sandali.

Old school na marahil para sa nakararami ito ang magpaprint ng mga larawan, pagsama-samahin ang mga ito sa isang piraso ng karton, at lagyan ng desenyo. Ngunit nakuha nito ang puso ko. Kaya credits to the owner. Pahiram naman po ng alaala ninyo, gagamitin ko lang sa hashtag WaybackWednesday ko.

Sa halos kupas na, lumang-luma, at napakaruruming larawan ay  'tila naramdaman ko ang emosyong bumalot sa puso ng mga taong minsang puwesto sa harap ng kamera, upang idokumento ang mga pagkakataong hindi na maulit po.

Noon, mahalaga ang bawat pose, ang bawat shot. Hindi pa kasi high-tech, iilan lang ang laman ng film. O, sige, puwede kang gumastos at bumili ng marami. Pero hindi ganiyan ang pananaw ng mga tao noon. Para sa kanila, magpose ka, ngumiti, ayos na iyon. Hindi masyadong importante kung magandang-maganda ka sa picture, ang mahalaga lang ay na-capture iyong moment.

'Di tulad ngayon na memory card mo lang ang limit. Daan-daang shots? Sige, basta malaki ang storage mo. Paulit-ulit na pose hanggang masatisfy ka? Walang problem, burahin mo lang lahat ng 'di mo gusto kung mapuno ang space, at ulitin ang pagpose at pagngiti. Hindi man lang natin maiisip na lumilipas ang moments na hindi man lang natin na-enjoy dahil nauubos natin ang oras sa pagkuha ng mga larawan.

Punung-puno ng dumi, lupa, at kung anu-ano pa ang grupo ng larawan ngunit hindi mawawala ang ganda nito. Pinaghirapang idikit ang mga litrato, pinagtiyagaang lagyan ng disenyo ang piraso ng matigas na papel.

Dinala ito ng may-ari sa kung saan man siya mapadpad hanggang sa hindi na niya ito nakayanang dalhin pa, hanggang iwanan na niya ito kasama ang mga damit na ibinalot sa manipis na plastic bag.

Tayo? Bakit tayo gumagawa ng collage? Bakit natin pinagsasama-sama ang mga larawan at pinapaganda ang design ng collage ito (idagdag pa ang mga filter na ginagamit natin)? Para mai-share sa social media?

Pagkatapos natin mai-post, ano? Kapag wala ng nagcocomment, tinitingnan-tingnan pa ba natin? Dinadala kahit saan?

O binabalikan lang kapag napagtantong lumipas na ang mga panahon natin kasama ang mga nasa larawan at ang emosyong nararamdaman natin habang ginagawa ang mga ito?

Lahat ba ng mga collage natin, sa dami ng mga ito, ay nabibigyan pa natin ng impotansya? Noon kasi, tama na ang isa o dalawa iyong pinakamahahalaga lang.

Ang taong nagmamay-ari ng mga larawang ito, malamang ay walang Instagram. Hindi makapag-Wayback Wednesday o Throwback Thursday. Pero araw-araw, marahil ang Flashback Friday niya habang kumakalam ang sikmura, habang nauubos ang lahat sa kanya, habang alam niyang wala na siyang ibang kayamanan kung hindi isang supot na damit at iilang larawan.

#WaybackWednesday para sa gumawa nito! Sana maalala siyang hanapin ng mga taong narito sa lumang litrato.

Lunes, Marso 23, 2015

Lost and Found

Hinanap kita — sa parke, sa eskuwelahan, sa bahay ninyo, sa dati nating tagpuan — ngunit wala ka. Hinanap kita sa "lost and found" — siyempre, wala ka.

Nasaan ka ba? Nasaan ka na?

Iniwan mo ako sa gitna ng mga katanungang "nasaan ka ba" at "nasaan ka na."

Nasaan ka ba? Hindi ko na alam kung saan ka nagpupunta. Nasaan ka ba? Tinawag kita ngunit wala kang binigay ni isang kataga. Nasaan ka ba? Nakita na lang kita bigla, may kasamang iba, masaya.

Nasaan ka na? Kahit wala ka na ay nanatiling nag-aabang. Nasaan ka na? Napakatagal mo na yatang nawawala. Nasaan ka na? Ako ay naiinip na. Nasaan ka na? Hahayaan na ba kitang lumaya?

Naisip ko, hindi lahat ng nawala ay naibabalik sa dati nitong kinalalagyan. Wala ka sa parke, sa eskuwelahan, sa bahay ninyo, sa dati nating tagpuan.

Hindi lahat ng nawala ay maisasauli sa iyo. Wala ka sa "lost and found" — oo, hinanap kita pati riyan, ganiyan ako kahibang.

Tumigil ako saglit sa gitna ng paghahanap. Umupo. Nagpahinga. Nag-isip. Nangarap.

At habang nakatulala, sa hanging hindi ko magawang makita, dumating ang isang himala — siya.

Pumunta kami sa parke, sa eskuwelahan, sa bahay nila, sa tagpuan namin na kabubuo pa lamang.

Masaya. Masaya pa sa masaya. Masayang-masaya.

Nakalimutan kita sa huling "nasaan ka ba" at "nasaan ka na."

Nasaan ka ba? Nakilala ko tuloy siya. Nasaan ka na? Hindi na mahalaga.

Lumipas ang panahon, bumalik ka — umaasang nasa gitna pa rin ako ng mga katanungang iniwan mong walang tugon.

Ngunit wala na ang saysay ng mga sagot sa taong tumigil na sa pagtatanong.

Hinanap mo ako sa parke, sa eskuwelahan, sa bahay namin, sa dati nating tagpuan. Wala ako roon, at kung naroon man ay hindi mo rin makikita. Naroon man ako ay wala na ang ako na nagmahal sa iyo.

Hinanap mo ako sa "lost and found." Wala rin ako roon.

Una, dahil hindi lahat ng nawala sa iyo ay makikita mo sa "lost and found." Kapag napulot ito ng taong may pagpapahalaga, hindi mo na ito matatagpuan pa.

Pangalawa, hindi bagay ang puso ko para mapunta sa "lost and found" — isang katotohanang hindi mo napagtanto sa nakaraan.

Miyerkules, Marso 11, 2015

Footbridge

May mas malayo pa sa pinakamalayong distansya. 

Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang tumawid sa footbridge. Bukod sa nalulula ako habang naglalakad sa ibabaw nito, ay hindi ko talaga gusto ang mga baitang ng hagdan na kailangan kong hakbangin para lang makatawid sa kabila. Nakakapagod talaga!

Nakakapagod, parang ikaw. Nakakapagod, parang tayo.

Bakit ba ang layo-layo mo?

Isang jeep, dalawang bus, isang traysikel — ang mga ito ang kailangan nating sakyan.

Bakit ba ang layo-layo mo?

Long distance relationship– ito ang mayroon tayong dalawa. Akala ko noon, magiging madali lang ang lahat. May cellphonc na, may computer at internet pa. Pero hindi pala. Dumating ang panahon na wala akong ibang magawa kung hindi ang umasa na darating ang panahon at literal kang ilalapit ka sa akin ng tadhana.

Kaya ito, binabalikan ko na lang palagi ang simula. Dahil sa simula, noong hindi pa tayo humaharap sa mga kapintasan ng relasyon natin, parang totoo lahat ng nababasa ko sa mga akda – parang hindi talaga natatapos ang walang hanggan, parang mayroon talagang ligayang pang magpakailanman.

Sa simula ay masaya ang relasyon nating dalawa – ginagawang gasolina ang mga mensahe at salita, pinapatakbo ng paminsan-minsang pagkikita. Magkalayo man ay lumalaban, nananalig sa katotohanang nasa ilalim tayo ng parehong kalawakan.

Ngunit, nagsimula akong mapagod. Wala akong kamay na mahawakan. Walang yakap na natatanggap kapag naguguluhan. Walang nag-aabot ng panyo sa tuwing ako ay luhaan. Walang nakikihiyaw kapag ako ay nagtatagumpay.

Hindi kita maramdaman.

Dumating ang araw ng pagtatapos ko. Nahuli ka ng limang minuto – natrapik ka, ‘ka mo.

Hindi mo man lang nakita ang medalyang tinanggap ko.

Napuno na ako.

Hindi kita kinausap hanggang matapos ang palatuntunan. Binantaan kita na huwag sumunod sa aming tahanan.

Tinapos ko ang ating ugnayan. 

Ngunit, ayaw mo akong tigilan. Mayamaya ka kung mag-text. Halos oras-oras kung tumawag. Pati sa Facebook, patuloy kang nagmamakaawang muli akong makausap.

“Tama na naman, malapit na akong bumigay,” minsan kong sambit. Lahat ng mensahe mo, hindi ko na binasa. Pero, hindi ka pa rin tumigil. 

Ngunit isang araw, sumuko ka na sa wakas. Tumigil kang magparamdam.

“Tapos na,” naisip ko.

Lumipas ang isang Linggo. Muli kang nagpadala ng mensahe. Sa pagkakataong ito, babasahin ko na. Siguro, na-miss ko rin.

Pero, sana hindi ko na lang pala binasa.

Agad akong umalis ng bahay. Isang jeep, dalawang bus, isang traysikel – wala akong pakialam. Hintayin mo ako. Hintayin mo ako.

Tinahak ko ang madamong daan. Bagamat tirik na tirik ang araw ay bumubuhos sa akin ang ulan. 

Nahuli ako ng limang minuto, nailibing ka na.

Namatay ka raw sa isang aksidente, araw ng Martes. Nabangga ang sinasakyan mong jeep, lahat ng sakay nito ay sugatan – pero ikaw lang ang bumigay. Bakit ka bumitaw? Naalala ko ang nabalitaan ko noong nakaraan, ikaw pala ang hindi pa nakikilalang biktima nang sandaling iyon. 

Bakit ka bumitaw? Akala ko mahal mo ako… akala… akala.

Pag-uwi sa bahay, tiningnan ko ang cellphone ko. Ang huling mensahe mo: “Pupunta ako sa inyo ngayon.”

Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang tumawid sa footbridge. Bukod sa nalulula ako habang naglalakad sa ibabaw nito, ay hindi ko talaga gusto ang mga baitang ng hagdan nito na kailangan kong hakbangin para lang makatawid sa kabila.

Ngunit kahit ilang footbridge ay handa kong tawirin. Sabihin mo sa akin, may footbridge ba papunta riyan sa langit?


May mas malayo pa sa pinakamalayong distansya, naisip ko.

Bluetooth

Muli kong pinakinggan ang mga lumang kanta, mga kanta mula sa nakaraan. Hindi ko inasahang maririnig ko rin ang awit mula sa kahapon nating nagdaan. 

Sa apat na sulok ng silid-aralan kita nakilala. Walang kahit anong espesyal sa iyo, hindi rin ikaw iyong tipong mapapansin kaagad. Bigla mo akong kinausap. Tiningnan kita sa mata. 

Sa sandaling iyon, naisip ko na tama sila, marahil ay sa hayskul mo nga makikilala ang taong magpapatunay na nagpaalam ka na sa pagkabata — ang taong magpapaibig sa iyo bago mo pa malaman ang kahulugan ng pagmamahal. 

Naging masaya tayo, kahit walang idinedeklarang ugnayan bukod sa pagiging magkaibigan. Nang tumagal, lalo akong humanga sa iyo.

Akala ko, tahimik ka. Pero, habang kasama ka, wala akong ibang ginawa kung hindi ang tumawa — at maging masaya.

Akala ko, hindi ka umiiyak. Pero, kumpara sa akin, mas kilala mo pala ang luha. Nang makita kong pumatak ang unang luha mula sa iyo, napagtanto ko na matapang ka — matapang kumpara sa mga taong itinatago ang pag-iyak upang hindi matawag na duwag. 

Mabilis na lumipas ang mga taon, dumating ang araw ng ating pagtatapos. Hinintay kong sabihin mo sa akin ang mga katagang matagal kong inasam na marinig.

Nang yayain mo ako sa gilid ng entablado, inabangan ko ang pagdating ng mga salitang iyon. Lalo pa akong nabuhayan ng loob nang yakapin mo ako. 

Ngunit, agad ka rin bumitaw. Masaya ang iyong mukha, parang hindi ka man lang nalulungkot na malapit na tayong maghiwalay. 

Nang araw din iyon, ikinuwento mo na may kasintahan ka na. Sabi mo, sa sandaling panahon lang ay umibig ka na kaagad sa kanya. 

Kasama mo ako ng apat na taon. Bakit hindi sa akin? 

Hindi pa uso ang "friendzoned," na-friendzone mo na ako.

Tuluyan na tayong nagkalayo. Pati sa aking gunita, ganap ka na rin nawala — hanggang sa muli kitang naalala, pagkalipas ng kalahating dekada.

Ang tanging naiwan na lamang sa akin mula sa iyo ay ang kantang ipinasa mo sa luma kong "cellphone" — isang awit na hindi ko alam kung kinakanta mo pa ngayon.