May mas malayo pa sa pinakamalayong distansya.
Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang tumawid sa footbridge. Bukod sa nalulula ako habang naglalakad sa ibabaw nito, ay hindi ko talaga gusto ang mga baitang ng hagdan na kailangan kong hakbangin para lang makatawid sa kabila. Nakakapagod talaga!
Nakakapagod, parang ikaw. Nakakapagod, parang tayo.
Bakit ba ang layo-layo mo?
Isang jeep, dalawang bus, isang traysikel — ang mga ito ang kailangan nating sakyan.
Bakit ba ang layo-layo mo?
Long distance relationship– ito ang mayroon tayong dalawa. Akala ko noon, magiging madali lang ang lahat. May cellphonc na, may computer at internet pa. Pero hindi pala. Dumating ang panahon na wala akong ibang magawa kung hindi ang umasa na darating ang panahon at literal kang ilalapit ka sa akin ng tadhana.
Kaya ito, binabalikan ko na lang palagi ang simula. Dahil sa simula, noong hindi pa tayo humaharap sa mga kapintasan ng relasyon natin, parang totoo lahat ng nababasa ko sa mga akda – parang hindi talaga natatapos ang walang hanggan, parang mayroon talagang ligayang pang magpakailanman.
Sa simula ay masaya ang relasyon nating dalawa – ginagawang gasolina ang mga mensahe at salita, pinapatakbo ng paminsan-minsang pagkikita. Magkalayo man ay lumalaban, nananalig sa katotohanang nasa ilalim tayo ng parehong kalawakan.
Ngunit, nagsimula akong mapagod. Wala akong kamay na mahawakan. Walang yakap na natatanggap kapag naguguluhan. Walang nag-aabot ng panyo sa tuwing ako ay luhaan. Walang nakikihiyaw kapag ako ay nagtatagumpay.
Hindi kita maramdaman.
Dumating ang araw ng pagtatapos ko. Nahuli ka ng limang minuto – natrapik ka, ‘ka mo.
Hindi mo man lang nakita ang medalyang tinanggap ko.
Napuno na ako.
Hindi kita kinausap hanggang matapos ang palatuntunan. Binantaan kita na huwag sumunod sa aming tahanan.
Tinapos ko ang ating ugnayan.
Ngunit, ayaw mo akong tigilan. Mayamaya ka kung mag-text. Halos oras-oras kung tumawag. Pati sa Facebook, patuloy kang nagmamakaawang muli akong makausap.
“Tama na naman, malapit na akong bumigay,” minsan kong sambit. Lahat ng mensahe mo, hindi ko na binasa. Pero, hindi ka pa rin tumigil.
Ngunit isang araw, sumuko ka na sa wakas. Tumigil kang magparamdam.
“Tapos na,” naisip ko.
Lumipas ang isang Linggo. Muli kang nagpadala ng mensahe. Sa pagkakataong ito, babasahin ko na. Siguro, na-miss ko rin.
Pero, sana hindi ko na lang pala binasa.
Agad akong umalis ng bahay. Isang jeep, dalawang bus, isang traysikel – wala akong pakialam. Hintayin mo ako. Hintayin mo ako.
Tinahak ko ang madamong daan. Bagamat tirik na tirik ang araw ay bumubuhos sa akin ang ulan.
Nahuli ako ng limang minuto, nailibing ka na.
Namatay ka raw sa isang aksidente, araw ng Martes. Nabangga ang sinasakyan mong jeep, lahat ng sakay nito ay sugatan – pero ikaw lang ang bumigay. Bakit ka bumitaw? Naalala ko ang nabalitaan ko noong nakaraan, ikaw pala ang hindi pa nakikilalang biktima nang sandaling iyon.
Bakit ka bumitaw? Akala ko mahal mo ako… akala… akala.
Pag-uwi sa bahay, tiningnan ko ang cellphone ko. Ang huling mensahe mo: “Pupunta ako sa inyo ngayon.”
Ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang tumawid sa footbridge. Bukod sa nalulula ako habang naglalakad sa ibabaw nito, ay hindi ko talaga gusto ang mga baitang ng hagdan nito na kailangan kong hakbangin para lang makatawid sa kabila.
Ngunit kahit ilang footbridge ay handa kong tawirin. Sabihin mo sa akin, may footbridge ba papunta riyan sa langit?
May mas malayo pa sa pinakamalayong distansya, naisip ko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento