Linggo, Hulyo 19, 2015

'Mas maling tao' concept

Naniniwala ka ba sa konsepto ng "mas maling tao?" Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa roon sa maling tao.

Minsan, sumulat ako ng isang liham. Dahil wala pa akong pagbibigyan, nanatiling blangko ang pangalan ng patutunguhan. Darating ang araw, makikita ko rin ang taong padadalhan ko nito. Darating ang araw, makikilala ko rin ang taong magmamahal sa akin ng totoo.

Oo, naniniwala ako sa tadhana.

Ilang araw pagkatapos kong isulat ang liham, nakilala kita. Matagal na kitang nakakasama ngunit noon lang kita hinayaang pumasok sa mundo ko, sa buhay ko. Hindi ko rin alam kung bakit.

Sa panalanging inusal ko kinagabihan, isang tanong ang namutawi sa labi ko: Siya na po ba?

Wala akong narinig na kataga mula sa langit pero sa saya na nadarama ko noon, alam kong sumagot na Siya. Malakas ang pakiramdam ko, nasa tamang daan ako.

Nasa tamang daan nga ako.

Pagdaan ng ilang buwan, nagsimula kang mag-iba. Kung gagawa ako ng listahan ng mga dahilan para iwanan ka, marahil ay kukulangin ang limang papel. At sa tuwing magbabasa ako ng mga lathalain tungkol sa "kung bakit hindi siya para sa iyo" ay ikaw ang naiisip ko. Tamang-tamang sa iyo ang mga paglalarawan sa maling tao.

Pero bukod sa mga palatandaang hindi na dapat magpatuloy ito, nararamdaman ko rin na sinisira mo lang ang sistema ko. Napakaganda ng mundo – ngunit nanlulumo ako dahil hindi mo masuklian ang pag-ibig ko.

Sa kabila ng lahat, pinili kong manatili sa tabi mo – nanatili ako hanggang ang buhay na mismo ang nag-alis sa akin sa ilalim ng anino mo.

Napagtanto ko na sa sitwasyong ito: Ikaw ay ikaw at ako ay ako, at ang ikaw at ako ay hindi puwedeng maging tayo.

Ngayon, tapos na ang mga araw na iniisip kong ikaw ang itinakda ng langit na ibigin ko. Tapos na ang panahong iniisip kong ikaw ang patutunguhan ng liham na isinulat ko para sa taong magmamahal sa akin ng totoo.

Nahanap ko na rin ang dapat bumasa nito.

At oo, tamang daan nga ang tinahak ko noon.

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Iyong taong inilalayo sa iyo ng tadhana dahil mas hindi siya karapat-dapat sa iyo kaysa sa maling tao. Kahit minsan ba ay naisip mo – sa gitna ng pait, kirot, at pagtitiis – na minabuti marahil ng tadhana na mapunta ka sa maling tao dahil iniiwas ka nito sa mas maling pag-ibig? Na kinailangan mong masaktan para hindi masugatan nang mas malalim? Na sinugatan ka niya para hindi ka mahiwa ng mas matalas na patalim? Na kinailangan mo siya makatagpo, na kailangan kang mahulog sa kanya, upang hindi mo makilala at mahalin ang taong mas masahol pa sa kanya?

Kung hindi, balikan mo ang mga sandaling nasabi mo na: "Mas grabe iyong nangyari sa kanya," "mas malaki pala problema niya," "kung sa akin nangyari iyan, hindi ko siguro kakayanin."

Ikaw, nasaktan ka na rin bago ako dumating sa buhay mo. Ikaw, naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Kung oo, naisip mo mo ba na isa ako ang maling taong nagligtas sa iyo para hindi ka mapunta sa kanya, sa mas maling taong iniiwas ng tadhana sa iyo?

Naniniwala ka ba sa konsepto ng mas maling tao? Ako kasi, oo. Buti na lang naroon ka sa panahong wala pa siya.

Naniniwala ako, niligtas natin ang isa't isa. 

("Mas maling tao" concept, isang pausong concept.)

(c) Charina Echaluce

Huwebes, Hulyo 9, 2015

Take A Bow

You took my life for granted, why oh why? The show is over say goodbye...

Sa gitna ng maulang biyahe, biglang tinugtog sa radyo ang isang pamilyar na kanta, Take A Bow ni Madonna. Bigla akong may naalala – isang nakaraang hindi ko kinalimutan ngunit kusang nawala sa aking alaala.

Eksaktong pitong taon pabalik, nasa biyahe rin ako – malungkot at gulung-gulo. Iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat. Teka, kaklaruhin ko, iniisip ko kung bakit kailangang matapos ang lahat gayong ni maliit na parte ay hindi pa man lang nasisimulan.

Ang saklap! Para akong naunahan sa huling upuan sa FX, at walang nakapila sa likod ko kaya mukhang matatagalan pa ako sa terminal. Para akong lumampas ng isang segundo sa grace period sa klase ng masungit na guro. Para akong natakam sa tsokolate tapos walang ibang mayroon sa tindahan kung hindi toyo at suka. Para akong naunahan sa pagdampot ng kahuli-hulihang kopya ng librong pinag-ipunan ko. Para akong naghabol sa last trip ng tren at hindi nakaabot dahil sumara na ang pintuan sa harapan ko.

Parang narinig ko ang anunsyo ng suspensyon ng klase habang nakalusong ako sa gitna ng baha – habang ikaw naman ang bagyo na walang patawad na bumuhos kahit alam mong nasira payong ko, at ako naman ang hangal na puting sapatos pa ang isinuot kahit alam na maputik ang daan.
(Take A Bow, Madonna, 1994)

Eksaktong pitong taon pabalik, bumubuhos din ang ulan – sa puso ko. Mainit ang panahon ngunit ginaw na ginaw ako. Tuyo ang lupa sa realidad pero bumabaha sa aking mundo. At sa mga sumunod na araw ay daig ko pa ang mga nasa lugar na isinailalim sa State of Calamity – hindi kumakain kahit puno ang pinggan, hindi makatulog kahit nasa kutson naman.

Ngunit natapos din ang unos. Dalawampu't isang araw matapos ang mong tuldukan ang isang parirala, isang kaibigan ang aking nakilala. Lumipas ang ilang buwan, napagtanto kong simula pala siya ng isang napakagandang kabanata – na ngayon ay naging nobela na at patulong pang humahaba.

May dahilan pala kung bakit kailangan mong umalis. May dahilan pala kung bakit kailangan kong mawalan. May dahilan pala kung bakit dapat kang mawala sa daan. May dahilan kung bakit kailangan kong maulanan, lumusong sa baha, at mawalan ng gana habang nasa kawalan.

Eksaktong pitong taon ngayon, nagkataon pala na ito ang petsa kung kailan pinalaya ako ng maling tao. Kung bakit nagbukas bigla ng radyo ang drayber – at ang kantang nagpapaalala pa sa akin sa iyo ang tinugtog – ay hindi ko alam at hindi ko na kailangang malaman. Mas mahalaga ang taong nagpaunawa sa akin na walang mga "muntik" at "sana" kung hangad ninyo parehong gumawa ng tadhana. Mas mahalaga ang nararamdaman kong saya na hindi ikaw ang naghihintay sa akin sa dambana kung hindi ang taong hindi sinukuan ang lahat para lang ako ay makasama.

Oo, sa gitna ng malakas na ulan, tuloy ang kasalan.