Paikut-ikot, patakbo-takbo,
'Di makuha sa isa, dalawa, tatlo;
Ayaw magpatalo, seryosong-seryoso;
Sa lahat ng trumpo, ikaw ang 'di humihinto.
Paikut-ikot, walang balak huminto;
Sumasayaw sa semento;
Giling dito, giling doon;
Sinasamantala ang iyong panahon.
Mahal ka ng bata;
Mahal mo rin siya;
Ako'y tagapagpaubaya;
Lagi kang pinapalaya.
Alam kong masaya ka;
Masisisi mo bang hinayaan kita?
Umiikot ang daigdig, sinasabayan mo;
At ako ang siyang instrumento.
Ngunit, dumating ang tag-ulan;
Bata'y hindi nakalabas;
Nagpalitan ang tagsibol at taglagas;
Oras ay 'di na sa 'yo nakalaan.
Kasalukuya'y naging nakaraan,
Paalam sa mga laruan,
Ika'y binalik sa pinagmulan,
Sa bisig kong madalas mong iwanan.
[October 22, 2014, 12:55 a.m.]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento