Sabado, Disyembre 20, 2014

Disenyo

Walang bahid ng dumi,
Ang punda ng unang iniuwi,
Walang bahid ng dumi,
Ngunit may tagpi.

Ang tagpi ay inilagay,
Kapirasong telang sa butas inalay;
Para 'di na lumaki pa ang problema,
Tinapalan kahit kulay ay 'di tugma.

Noon sa pag-ibig ay nabigo;
Ngayo'y handa laging sumuko;
Kahit hindi akma,
Kahit hindi tugma.

At nagpaalam sa laban,
Aniya'y ito ang mainam;
Saka napagtantong walang tagpi,
Wala rin butas ang pundang iniuwi.

Ang mga tagpi ay sadyang disenyo lang,
Ipininta upang maiba ang unan;
Mga problemang akala mo'y dala ang pighati,
Sinukuan mo, 'yon pala'y pampatingkad ng ngiti.
[December 16, 2014]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento