Pag-ibig, pag-ibig. Ang tanong, mahal ka ba?
Masarap daw ma-in love. Lahat ng bagay sa paligid mo nagiging biyaya.
Lahat ng makita mo, kahit hindi naman kaaya-aya ay makikitaan mo ng ganda.
Hindi mo kilala ang kalungkutan at palagi kang lumulutang sa saya. Hindi mo
mapapansin ang iyong mga paa at mapagtatanto mo nalang na nakakalipad ka pala.
Kahit gutom ka na, hindi ka pa rin manghihina basta katabi mo siya. Kahit tamad
kang maglakad ay kinakaya mo lang -- wala ng shortcut shortcut! Basta kayong
dalawa lang, magkapaltos-paltos man ang mga paa mo e uuwi ka pa rin ng
natutuwa. Kapag naman ginabi kayo, sinong may sabing matutulog ka na? Siyempre,
babalikan mo muna ang mga bagong hulmang alaala -- masasabi mo pa nga minsan na
'Miss ko na siya' kahit magkasama lang kayo kanina at ka-text mo naman siya.
Para bang ang tagal na mula noong huling magtama ang inyong mga mata kahit na
pauuwi palang siya galing sa huli ninyong pagkikita -- natatrapik pa sa maluwag
ngunit biglang sumikip na kalsada.
Sabi nila, ganito raw kapag nagmamahal. Big deal sa'yo ang oras,
espasyo at distansya. Issue sa'yo kug bakit mahangin, umuulan o kung bakit kayo
nasisiktan ng araw na hindi marunong makisama para sa ikagaganda ng moment
ninyong dalawa. Nahahawa ka sa mood niya -- pati problema niya ay hindi ka
pinapatulog hanggang mag-umaga.
Pero, sa kabila ng pagiging sensitibo mo sa mundo ay magiging sensitibo
ka rin masyado para makita ang pinakamaliit na butil ng ligaya.
Ganito raw ang pag-ibig. Ganito nga. Ganito nga ngunit marami pa itong
ibang mukha -- mga uri na hindi mo maisa-isa. Iba ang pag-ibig para sa'yo. Iba
ang pag-ibig para sa kanya. Iba ang pag-ibig para sa kanila. Iba ang pag-ibig
para sa labis na umiibig. Iba ang pag-ibig sa mga hindi marunong umibig. Iba
rin ito sa mga nais makahanap ng mangingibig at iba rin sa mga ayaw maniwala sa
pag-ibig.
Iba ang pag-ibig sa mga ayaw sa numero pero nakakakuha ng 100% sa mga
pagsusulit sa Matematika dahil favorite subject ito ng kanlang sinisinta. Iba
ang pag-ibig sa mga dating naiinip kapag History na ang klase pero naging
aktibo na sa talakayan habang umaasa na ngitian ng katabi at sabihan ng
"Ang galing mo naman." Iba ang pag-ibig sa mga ayaw ng Agham na sa kasalukuyan
ay naikukwento na ang buhay nila Einstein, Curie at Dalton, nairerecite na ang
buong Periodic Table of Elements kasama ang mga simbolo nito, at nagagawa na
rin i-apply ang kung anu-anong theory at law sa mga sitwasyon at desisyon niya
sa buhay -- dahil lamang sa nahihirapan sa asignaturang ito ang kanilang gusto.
Iba ang pag-ibig sa mga tamad magbasa ng mga reading selections sa exam nila sa
English pero nagsisimula ng mangolekta ng mga nobela para lang may maibahagi sa
tinatangi niyang walang ibang interes kung hindi ang mga libro. At, higit sa
lahat, iba rin ito sa mga taong nakokornihan sa mga makata pero ngayon ay ilang
tula at katha na ang nagagawa para sa mga taong nagmamay-ari ng puso nila.
Oo, nagagawang baguhin ni Kupido
ang bawat tao. Ngunit, hindi lahat ng napapana niya ay naiiba dahil sa
kasiyahang hatid nito.
Iba ang pagmamahal para sa mga taong naghintay sa wala. Iba ang
pagmamahal para sa mga niloko at iniwang mag-isa. Iba ang pagmamahal para sa
mga napalampas ang tunay na pagmamahal. Iba ang pagmamahal para sa mga bumalik
at wala ng dinatnan. Iba ang pagmamahal sa mga pinangakuan at naging tagapanood
nalang habang tinutupad na ito ng mga nangako sa iba. Iba ang pagmamahal sa mga
hindi nakatanggap nito pabalik. Iba ang pagmamahal sa mga takot ng umibig muli.
At, iba rin ito para sa mga nais na muling magmahal ngunit walang gustong
tumanggap ng pag-big na kaya nilang ialay.
Ang pag-ibig ay hindi kagaya ng mga nababasa natin sa mga libro. Hindi
ito kawangis ng mga napapanood natin sa telebisyon at napapakinggan sa radyo.
Malayo ito sa mga anghel, diwata, prinsipe at prinsesa. Maging ang isinusulat
ko ngayon ay posibleng hindi magkaroon ng kaugnayan sa kasaysayan mo. Walang ganap na kahulugan ang pag-ibig -- ikaw
at ang buhay mo ang magpapakahulugan dito.
Ikaw? Kaya mo na ba ilahad ang ibig sabihin nito o hinihintay mo pa rin
ang taong magpapakahulugan nito sa'yo? Hinihintay? Hinihintay ba talaga dapat? Hindi
ko rin alam. Ang alam ko lang, kung
maghihintay ka ay tingnan mo muna kung nararapat ba ito at dapat ay bukas ka rin
sa posibilidad ng pagsuko. Kailangang magkaroon ka ng sapat na talino at lakas
para matuto habang naghihintay at dalawang malilinaw na mata para makita ang
mga katotohanang nilalagpasan ng iyong mga tingin.
Iba't iba man at hindi mawari ang totoong kahulugan, anyo at dahilan ng
eksistensya ng pag-ibig ay hindi nangangahulugang pasakit lang ang ibibigay nito
sa tao. Pero, kung talagang napapagod ka
ng masaktan sa mga sandaling ito, bitiwan mo na ang dahilan kung bakit ka nahihirapan.
Ang pag-ibig ay parang laro, pero ibang klaseng laro. Hindi talunan ang lahat
ng sumusuko rito -- ang iba ay sila pang totoong panalo.
Hindi lahat ng laban sa
larangang ito ay nararapat na kabilangan mo. Para malaman ang kahulugan nito, para
makaranas ng totoong pagmamahal, suriin mo muna ang sasalihan mo dahil hindi
lahat ng paligsahan ay magbibigay ng klase ng medalyang hinahangad mong
mapasa'yo.
[October 2012]