Isa,
dalawa, tatlo.
Hindi
nila alam ngunit lahat ay nagsimula na rito.
A,
Ba, Ka, Da.
Magtatagpo
rin silang dalawa.
One
plus one equals two.
Ako
na ang magkukwento.
Red,
yellow, blue.
Maiintindihan
din ninyo ako.
Ako ang langit, isang permanenteng
tanawin na mapagmamasdan mo kapag tumingala ka. Ngunit, maliit na parte ko
lamang ang iyong makikita. Hindi katulad ko na kapag lumingon pababa ay kayang
makita ang buong daigdig.
Mula sa aking kinalalagyan ay
kaya kong makita ang lahat. Kaya ko rin makiramdamdam. Alam ko kung bakit may
nagdiriwang. Alam ko rin ang dahilan kung bakit mayroong nasasaktan. Alam ko
ang kwento mo at alam ko ang kwento niya -- alam ko ang kwento ng bawat isa,
pati ang kwento nilang dalawa.
Sinong dalawa?
Isa, dalawa, tatlo. Nagsimula na ang kasaysayan habang natututo pa lamang silang bumilang.
Sino nga ba ang mag aakala na noon pa lamang ay nagkakasalubong na sila? Wala.
Pero, ang maliit na silid-aralan, kung saan sila ay inihahanda para sa
elementarya, pala ay pareho nilang inuukupa sa magkaibang oras -- ang isa ay sa
umaga, ang isa ay sa hapon.
A, Ba, Ka, Da. Natuto
na silang bumasa. Natuto na rin silang sumulat ngunit hindi pa rin nila napansin
na, katulad noon ay iisang silid na naman ang gamit nila kahit iba na ang paaralang
ito -- baligtad nga lang dahil ang isa naman ang pang-umaga at ang isa naman ang
panghapon.
One plus one equals two. Sa Matematika ay kapwa nahilig sila. Nagkasabay na sa
pagpunta sa mga patimpalak sa asignaturang ito sa ibang mga paaralan sa
Maynila. Kapwa rin sila nagwawagi kung minsan subalit hindi pa rin nila
napapansin ang eksistensya ng isa't isa.
Red, yellow, blue. Sa apat na sulok ng isang kuwartong puno ng palamuti at mga obra ay muli
na naman silang nagkasama pero bulag pa rin sila. Ang isa ay natandaan na ang
pangalan ng isa ngunit hindi na nagkaroon ng pagkakataon para may malaman pa
siyang iba tungkol dito. Mas hilig niya ang sumulat kaysa gumuhit at magpinta.
Pinili niyang maging bahagi ng pahayagan sa kanilang paaralan.
Teka, sino nga ba talaga
sila?
Tawagin nalang natin silang U
at V -- si U ang babae at si V ang lalaki. Dumating na sila sa pinakamakulay na
yugto sa buhay ng isang mag aaral -- ang buhay-hayskul. Sa kabila nito, hindi
pa rin sila nagkalapit hanggang sa binuksan ng hilig nila sa pagsusulat ang
pintuan ng pagkakaibigan para sa kanila.
Hindi nagtagal ay naging mas
malapit pa sila. Si V ang naging panyo ni U sa mga panahong nalulungkot siya
noon at kasabay ng pagpahid nito ng mga luha niya ay unti-unting naging malinaw
ang mga mata niya sa katotohanang naghihintay lamang ang bahaghari na mapansin
niya.
Sa bawat pagtugtog ni V ng
gitara, sa mga ididikit nitong mensahe sa bulletin board at sa bawat
pagkakataong pinangingiti siya nito ay napalapit ang puso ni U sa kanya. Isang
gabi, sa gitna ng pagtugtog ng isang napakagandang awitin at sa ilalim ng mga nagsasayang
tala, ay ibinigay na ni U kay V ang pinakamatamis sa lahat ng mga katagang
sinambit niya sa buong buhay niya -- oo. Si V na marahil ang prinsipeng pinapangarap
niya -- ang kwento na marahil nila ang magiging tunay na "at naging
maligaya sila habambuhay".
Naging masaya sila sa kabila
ng mga problema at pagtutol ng mga taong iba ang nais para kay U. Tila wala ng
hangganan ang saya na nadarama nila hanggang sa dumating ang araw na bigla na
lamang nagpaalam si V -- may iba pa raw na darating, isang tao na magmamahal
kay U sa paraang hindi niya nagawa kailanman. Naghiwalay ang landas nila.
Pinanood ko ang bawat hakbang
ni U palayo sa pangarap na kailanman ay hindi na niya maaabot pa -- ang
makasama si V hanggang sa pagtanda. Sinabi niya sa sarili niya na kahit ano
pang mangyari ay hindi na siya magmamahal ulit ng iba -- hihintayin lamang
niyang bumalik si V at kung hindi ay mabubuhay na lamang siya kasama ang mga
alaala nito.
Subalit, nagbabago ang tao --
nagigising, natututo. Muling sinariwa ni U ang mga sandaling kasama niya si V at
kung gaano sila kasaya noon. Isinapuso niya ang mga huling kataga nito: "May
magmamahal pa sa'yo higit sa pagmamahal na kaya kong ibigay." Kung naging
masaya siya rito noon, paano pa kapag dumating na iyong taong iibigin siya
higit sa pagmamahal nito sa kanya? Ito ang naging unang hakbang niya sa pag
usad.
Lumipas ang panahon at muli
niyang nakita ang liwanag -- hindi dahil sa ito ang nais niyang mahanap kung
hindi dahil sa ito ang kusang naganap.
Sino nga ba sila?
Si V ay si V. Hanggang sa
huli ay hindi siya binago ng pag ibig. Nagmahal siya ngunit hindi siya binulag
nito. Nanatili siyang malaya. Nanatiling malawak ang mundong ginagalawan niya
kaya hindi siya nahirapang lumipad patungo sa himpapawid na malayo kay U.
Si U ay naging W, X, Y, o baka
Z. Umibig siya, umibig hanggang sa maging ibang tao na. Nawala ang
pagkakakilanlan niya dahil si V ang naging buhay niya -- naglaho sa kanya ang U
na siyang itinangi ni V.
Si V ang mukha ng mga umiibig
na hindi kayang tumanggap ng pagbabago kaya kasabay ng pag iba ng ihip ng
hangin ay nagbago rin ang kanyang damdamin.
Si U ang mukha ng mga labis
kung umibig -- at ang lahat ng labis ay masama. Sa pag ibig, habang nagbibigay
ka ng labis ay lalo itong nagiging kulang.
Sila sina U at V, ang salamin
ng katotohanan na may mga taong pinagtatagpo ng pagkakataon ngunit hindi maaaring
lumakad ng sabay sa iisang direksyon. Pinagsalubong lamang sila para turuan ang
isa't isa -- para maging handa sa kanya-kanyang tadhanang pipiliin nila.
[October 2012]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento