Umihip ang hangin. Isa... Dalawa... Tatlo... Sabihin mo sa
akin, bakit parang napapagod ako?
Natapos na ang isang yugto, nagsimula na ang panibago.
Umihip na ang hangin, wala na akong maaaring baguhin.
Naaalala ko pa dati, madalas niyang sabihin kung gaano niya
ako kayang ibigin. Oras-oras kung magsalita siya tungkol sa pagmamahal na laan
niya sa akin -- at, kung hindi ako nagkakamali, walang araw na hindi niya binigyan
ng kahulugan ang mga katagang iyon.
Gawa, gawa, palaging may gawa. Isa lamang ang hindi niya
nagawa, isang bagay na hindi ko hinayaang maganap.
"Ililipad kita sa langit," ito ang madalas niyang
sambitin.
Imposible? Hindi. Siya ay naging isang piloto -- hindi dahil
sa pangarap niya ito, kung hindi dahil sa hangad kong maglakbay malapit sa
paraiso.
Sabi nila, mapalad daw ako.
Mapalad nga ba?
Pinili kita, hindi ko alam kung bakit. Ikaw ang gusto kong
makasama, sa dahilang walang nakakaunawa -- maging ako. Iniwan ko siya, minahal
ka nang buong-buo. Naniwala ako na ang makapiling ka ang tunay na suwerte ko.
Masuwerte nga ba ako?
Kailanman ay hindi ka nangakong ilipad ako. Ang pagsasabi mong
mahal mo ako ay hindi ko maaninag sa iyong pakikitungo.
Nakakapagod. Nakakalito.
Hindi ko kailanman hininging ilipad mo ako. Masaya na ako kahit
isang eroplanong papel lang ang ibigay mo. Hindi ko hinihinging ilipad mo ako. Nais
ko lang sabayan natin ang hangin, maging masaya tayo sa kahit isang eroplanong
papel lamang ang ating mundo.
Umihip ang hangin. Isa... Dalawa... Tatlo... Sabihin mo sa
akin, mapapagod na ba ako?
Lumilipad sa langit ngayon ang piloto. Habang ako, naghihintay
pa rin sa eroplanong papel na mula sa 'yo.
Nakakatawang isiping may isang taong pinipilit ibigay sa 'yo
ang lahat, kahit na imposible, ngunit pinipili mo pa rin ang taong maibibigay
ang posible pero pilit ipinagkakait sa iyo. Ito ang pag-ibig.
Umihip ang hangin. Isa... Dalawa... Tatlo...
Sabihin mo sa akin, hihintayin ko pa ba ang eroplanong papel
mo? O maghahanap na lang ako ng isang bagong piloto?