Sabado, Marso 8, 2014

Maikli... At Malungkot



Niyakap kita, isang gabi, sa ilalim ng mga tala. Hindi ko alam kung bakit, pero hanggang ngayon ay natatakot pa rin ako, kahit pa nararamdaman ko naman kung gaano ako kahalaga sa iyo. Paano nga ba kung mahal mo lang ako dahil hindi na maaaring dugtungan ang nakaraan ninyo?






Tinanong kita. Sa totoo lang ay hindi ko nais marinig ang sagot mo. Sana ay piliin mo na lang na huwag sumagot.






Dumating at lumisan ang katahimikan. Naramdaman ko na lang ang pagbuhos ng ulan. Nabasa ang pula kong blusa. Sa kalangita’y ’tila nabura ang mga tala.


***






Niyakap mo ako, isang gabi, sa ilalim ng mga tala. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla kang nagtanong kung sino sa mga minahal ko ang nais kong makasama kung wala ka sa buhay ko ngayon.






Sumagot ako. Sa totoo lang, hindi ko matanaw ang isang buhay na hindi ka kasama, ngunit sumagot pa rin ako. Alam ko na ayaw na ayaw mo kapag hindi ako sumasagot sa tanong mo dahil pakiramdam mo ay may nililihim ako. Sinabi ko ang pangalan niya dahil alam ko na kung hindi ka dumating ay siya ang pinakainibig ko sa lahat — pagmamahal nahigitan nang nadoble noong nahulog ako sa iyo.






Dumating at lumisan ang katahimikan. Akala ko ay bumuhos ang ulan ngunit sa kalauna’y napagtanto ko na sarili kong luha ang bumabasa sa pulang damit mo. Maibabalik pa kaya ang mga tala sa kalangitan?


***






Maikli… Naging maikli ang kasalukuyan nang ibalik ko ang nakaraan.


***






Malungkot… Sana ay nalaman ko man lang kung bakit mo ako iniwan.





[March 2014]