Linggo, Oktubre 14, 2012

Sa Aking Nakaraan

Matamis, makulay at masaya -- ito ang aking nakaraan. Hindi matatawaran at hindi mabibili ng kahit sinong nilalang kaya naman napakahirap kalimutan. Ito ang lumipas na panahon. Ito ka, aking kahapon.

Lumiwanag ng muli ang langit. Natapos na ang bagyo, ang unos na napakalupit. Nawala na ang mga latay na likha ng iyong paghagupit. Tuluyan na akong nakalipad -- lumaya sa pagkapiit. Muli ko ng nakita ang hardin ng mapupulang rosas nang dumilat ako sa pagkakapikit. At kasabay ng pagbukas ng aking ng aking mga mata sa ganda ng daigdig ay humuni ang mga pipit -- humuni at umawit. Umawit ang mga ito ng isang himig na pamilyar man sa aking pandinig ay tila hindi na kaya pang kilalanin ng aking puso at isip.

Sino ka ba? Hindi kita kinalimutan ngunit hindi na kita maalala. Hindi kita binura sa aking isipan subalit ni ang iyong bakas ay nawala na sa puso kong minsang sa iyo ay nangulila. Sino ka nga ba? Bakit ikaw, na noon ay hindi mawala sa panaginip ko at gunita, ay naglaho nalang bigla sa isang kisapmata?

Naaalala ko pa noong sabay pa tayong nangangarap para sa tinatawag nating "habambuhay" -- dito tayo ikakasal, ito 'yong tugtog, sila ang mga abay, ganito 'yong bahay natin, pagtanda natin magkasama pa rin tayo. Natatandaan ko rin ang mga pangako mo sa akin, mga katagang hindi mo na sana sinambit para sa akin. Naiisip ko pa rin kung ano kaya ako ngayon, ano ka kaya ngayon, ano kaya tayo ngayon kung tayo pa rin ang magkasama. Ngunit, ilang beses man akong multuhin ng kahapong naging sa ating dalawa ay wala na silang saysay dahil -- hindi ko rin mawari kung bakit.

Bakit? Bakit? Bakit? Hindi ko alam kung anong nangyari. Isipin man kita, pati na ang mga alaala, ay hindi ko ka maramdaman ang dati. Wala na ang kislap -- ang bukal na pinagmumulan noon ng walang hanggang pagmamahal. Wala na ang lugar sa puso ko na noon ay iyong tinitirahan. Wala na ang lagat. Wala na. Wala.

Nakakapagtaka. Nakakapanibago. Hindi ko mawari kung anong ginawa sa akin ng panahong ibinigay mo sa akin buhat ng ipaubaya mo muli sa akin ang mundo kong minsan mo ng inangkin. Tila isang mahabang panaginip lamang ang lahat -- puno ng emosyon habang nagaganap ngunit sa paggising ko ay naglaho ang lahat, pumailanlang sa mga ulap.

Siguro nga ay napakarami ko ng naiyak. Marahil ay masyado na akong nasaktan at naghirap. Tama lang marahil ito. Tama lang marahil na maging masaya ako.

[October 2012]

Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Kahit Hindi Pa Ako Inaantok

Katapangan. Paano ba masasabing nagtataglay ka ng katapangan? Kapag tumanggap ka ng hamon, nanatiling matatag at nagwagi? Kapag lumaban ka hanggang sa huli kahit sa simula pa lamang ay alam mo ng wala kang sapat na armas para manaig? O, kapag sumuko ka na at nagparaya kahit alam mo na hindi mo kayang mawala sa iyo ang iyong ipinaglalaban?

Day after day, time pass away and I just can't get you off my mind.

Sumulyap ako sa orasang nakasabit sa pader at muling nag isip. Hanggang kailan kaya iikot ang kamay ng orasan ko para sa kanya? Hanggang kailan papatak ang bawat segundo na siya pa rin ang laman ng aking puso?

Muli kong tiningnan ang orasan. Nakaturo pa rin ang maikling kamay nito sa bilang na siyam habang ang mahabang kamay nito ay bahagya ng gumalaw palapit sa bilang na lima. Matagal-tagal din na napako ang aking mga mata sa bagay na iyon at nasaksihan ang paglipas ng panahon na noon ay hindi ko namamalayan habang iniisip siya. May isang linggo na rin na natutulog ako ng mas maaga kaysa dati na alas dos na ay gising pa rin ako -- nag iisip, nagtataka, naguguluhan. Ibig ba sabihin nito ay kumukupas na ang nararamdaman ko para sa kanya?

Mali. Hindi ito nangangahulugan ng unti-unting paglisan ng pag ibig ko para sa kanya. Hindi nasusukat ang pagmamahal sa oras na inilalaan mo para isipin ang isang tao. Hindi isip ang umiibig kung hindi ang puso.

Nobody knows.
I hide it inside.
I keep on searching but I can't find the courage to show to letting you know I never felt so much love before.

Pero, isip ang ginagamit ko ngayon kaya lahat ay sinasarili ko. May nakakaalam, oo. Ngunit hindi ko ipinapahayag ang lahat dahil hindi ko alam kung paano ko ipapaunawa sa iba ang mga bagay na hindi ko rin maintindihan sa sarili ko. Sinabi ko lamang ang na mahal ko siya dahil doon lamang ako nakakasiguro. Sa kabila ng kasiguraduhang iyon ay hindi ko pa rin ipanaparamdam sa taong iyon ang lahat dahil sa ilang bagay na iniiwasan ko.

"At times of trouble, use your mind. But, when you're in doubt, follow your heart." Ito ang ipinayo sa amin, noong high school, sa isang seminar tungkol sa pagpili ng kurso. Naguguluhan ako pero paano ko susundin ang sinasabi ng puso ko kung suliranin ang maaaring idulot nito.

Kung minsan, gusto ko ng isulat ang lahat at ibigay sa kanya pero hanggang doon lamang iyon. Hindi lahat ng gusto natin ay kaya natin gawin. Una sa lahat, babae ako. Pangalawa, ayokong mawala siya.

And once again I'm thinking about taking the easy way out.

Hindi naman mahirap humanap ng solusyon sa bagay na ito. Sa totoo lang, simula pa lamang ay alam ko na kung ano -- kalimutan siya. Kaya lang, may mga bagay talaga na mahirap gawin kahit nasa harapan mo na ang sagot kung paano. Parang Math, minsan alam mo ang formula pero hindi mo magawa ng tama. Siguro dahil takot ka o dahil nakatanim na sa isip mo na hindi mo kaya. Maaaring alam mo kung paano gawin pero natatakot ka na mali pala ang formula na naiisip mo.

Siguro nga duwag ako. Kaya ayoko ng Math, kaya ayokong iparamdam sa kanya ang lahat.  Siguro nga. Siguro nga.

But if I let you go, I will never know what my life would be holding you close to me.
Will I ever see you smiling back at me?
How will I know if I let you go?

Nasaan na ba ang tapang ko? Hindi ko kayang sabihin pero hindi ko rin kayang kumalimot. Anong gagawin ko? Ganito lang? Aasa sa pwedeng mangyari? Maniniwala na rin na may tadhana at bahala na ito sa akin?

Noon, naniniwala ako na tao ang gumagawa ng kapalaran nila. At kung may tadhana man, nagbabago ito kaya wala tayong karapatan na magreklamo. Pero ngayong ayokong humakbang dahil hindi ko alam kung kanan o kaliwa ang unang hahakbang at kung saan ako pupunta, gusto ko ng umasa sa kapalaran, sa tinatawag nilang 'destiny'. Gusto kong maniwala na kung ano ang inilaan para sa iyo, katulad ng sabi nila, kahit wala kang gawin o umiwas ka man ay mapupunta ito sa iyo. Gusto ko, oo. Hindi ko lang alam kung gagawin ko nga ang gusto kong ito.

Sabi ko noon sa sarili ko, lahat ng laban hindi ko aatrasan kahit na matalo ako. Kaya nga, sinubukan kong habulin ang pag ibig na lumipad palayo sa akin noon. Aaminin ko, hindi naging maganda ang resulta -- wala akong pakpak para lumipad patungo sa kanya. Sa kabila noon ay naging panatag ako dahil sinubukan ko pa rin. Sa pananaw ko, kapag dumating na ang tao sa dapit-hapon ng kanyang buhay ay hindi na mahalaga sa kanya ang mga panalo, katanyagan at kayamanan na nakuha niya kung may pagsisisi siyang nararamdaman. Hindi na ang mga laban kung saan siya ang nagwagi ang maiisip niya kung hindi ang mga laban na maaaring pinagtagumpayan niya kung sinubukan lamang niyang lumaban o ang mga laban na alam niyang ipapanalo niya kung hindi lamang niya kinatakutan ang maliit na posibilidad na matalo siya.

Hindi ko alam kung bakit hindi ko magamit ang paniniwalang ito ngayon. Siguro dahil alam ko na wala itong patutunguhan. May iba siyang mahal at malabo niya akong mahalin kaya kaysa masira pa ang pwedeng masira ay aagapan ko na ito.

Ngunit, paano kung maaaring magbago ang ihip ng hangin? Paano kung wala talagang imposible? Paano? Paano? Paano?

Night after night, I hear myself say:
"Why can't this feeling just fade away?"
There's no one like you.
You speak to my heart.
It's just a shame we're worlds apart.

Bakit ba hindi nalang mawala ang nararamdaman ko sa kanya? Para matapos na ang lahat. Para hindi na ako malungkot. Para hindi na ako masaktan.

Iba nga talaga siya. Nakakatawang isipin na hindi ko nakita noong una kung ano ang nakikita ko ngayon. Kahit kailan ay hindi ko naisip na mahahanap ko sa kanya ang lahat. Kaya marahil napakahirap para sa akin na kalimutan siya. Kaya siguro tuwing lalakad ako ng pasulong ay natatagpuan ko lamang ang sarili ko na tumatakbo pabalik.

I'm too shy to ask.
I'm too proud to lose.
But, sooner or later I gotta choose.

Hindi ako pwedeng manatiling ganito. Kailangan kong gumawa ng hakbang. Hindi maaaring umasa nalang ako sa panahon, pagkakataon at tadhana. Hindi maaari. Hindi. Hindi.

Ngunit paano ako gagalaw kung hindi ko pa rin matiyak kung ano ang dapat?

Ilang minuto bago ang ika-sampu ng gabi. Hindi na ako mag iisip. Kung minsan, mas mabuting hindi mo nalang pansinin ang katotohananan dahil may mga panahong katulad nito -- kung kailan bawat piraso ng realidad ay humihiwa sa iyo.

Maaga pa kumpara sa dating oras ng pagtulog ko pero matutulog na ako. Matutulog na ako kahit hindi pa ako inaantok.

Katapangan. Paano ba masasabing nagtataglay ka ng katapangan? Kapag tumanggap ka ng hamon, nanatiling matatag at nagwagi? Kapag lumaban ka hanggang sa huli kahit sa simula pa lamang ay alam mo ng wala kang sapat na armas para manaig? O, kapag sumuko ka na at nagparaya kahit alam mo na hindi mo kayang mawala sa iyo ang iyong ipinaglalaban? Hindi ko alam kung alin sa mga ito ang magpapatunay na totoong matapang ang isang nilalang. Ang alam ko lang,  minsan ang pagiging duwag ay katapangan at ang katapangan ay karuwagan. Hindi ko lamang mawari kung nasaan ako sa dalawa.

[October 2012]