Sabado, Hunyo 2, 2012

Isang Gabi Sa Buhay Ni M

May dalawang uri ng bagay sa daigdig -- ang mga karapat-dapat ipaglaban kahit hangad mo ng bitiwan at ang mga dapat bitiwan upang ipaglaban ang mas karapat-dapat.

Tinahak niya ang isang mahaba at mabatong kalsada, isang daanan na tinatahak niya pa rin kahit malayo ito sa imahe ng landas na pangarap niyang lakbayin. Unti-unti ng pumanaw ang liwanag. Maging ang araw ay hindi siya nais panigan. Kahibangan nga marahil ang kaniyang naging pasya. Ngunit, ano nga ba ang kanyang magagawa kung ito ang nais ng puso niya?

Lumipas ang panahon. Nagsimula siyang maglakbay ng pagapang. Ayon sa kanya, sa paulit-ulit pagkadapa ay mamabutihin na lamang niyang gumapang, masakit ngunit hindi kawangis ng kirot na nadarama niya sa tuwing ibinabagsak siya ng tadhana.

Sa totoo lamang ay hindi ko maunawaan ang punto niya. Hindi ko rin alam kung alin ang mas masakit sa dalawa--ang pagbagsak bago pa man makalikom ng sapat na lakas na upang pagbangon o ang paggapang sa magaspang at madilim na pangarap? Marahil ay hindi ko talaga mahuhukay ang kasagutan sapagkat kailanman ay hindi pa ako naging bahagi ng ganoong klaseng pakikidigma.

Matagal-tagal rin bago niya nakitang muli ang liwanag at nalungkot siya nang mapagtantong naging napakabuti nito sa iba. Nakita niya ang taong dahilan ng kanyang mga sugat at pasa, nasa dulo ng daan at malayang nagsasaya sa piling iba. Doon niya napagtanto ang lahat. Kailanman ay hindi siya nito binigyan ng pagsusulit. Hinamon lamang niya ang sarili upang patunayan ang katapatan ng kanyang pag ibig.

Siya ay lumuhod at napaluha. Tinanaw niya ang hangganan ng patag na daang pinapangarap niyang lakbayin subalit kanyang tinalikdan para sa babaeng tunay niyang iniibig. Ang naroon pala ay isang dilag na batid niyang siya ang itinatangi, isang dalagang lumuluhang lumisan at hindi na niya nakita pang muli.

[June 2012]






Ito ang larawan naming dalawa ni 'M' noong J.S. Prom. Si 'M' ay isa sa mga pinakapinagkakatiwalaan kong kaibigan noong high school. Madalas humingi ng payo siyang humingi ng payo sa akin. Hindi ko alam kong may natututuhan ba siya sa mga ipinapayo ko . Sana Mayroon din kahit na papaano. Dahil ako, napakarami kong natutuhan habang pinapayuhan ko siya. Hindi ko man nasasabi sa kanya pero talagang saludo ako sa katapangan ni 'M'. Hangad ko na matagpuan na niya ang kaniyang tunay na kaligayahan.