Trahedya. Wala akong ibang naisulat noon kung hindi puro tungkol sa trahedya, buhat nang mawala siya. Trahedya ang pagbuhos ng ulan sa gitna ng tag-araw. Trahedya ang gabi na tumataboy sa liwanag. Trahedya ang tubig sa talon na sa simula ay nasa itaas ngunit kaagad din palang babagsak. Trahedya pati ang pagkalagas ng mga dahon.
At bawat masayang yugto ay mga kastiyong buhangin na sa isang kisapmata ay nawawasak ng maligalig na alon. Trahedya lamang ang alam ko, lahat ng bagay ay nauuwi rito. Nang iwanan niya ako, at ng kasunod niya, ay naisip kong walang totoong ligaya sa mundong ito. Lahat ay lumilipas, lahat ay naglalaho bigla.
Ngunit isang pirasong papel ang tinangay sa akin ng hangin -- isang papel na hindi ko kayang dungisan, na hindi dapat bahiran ng mga patak ng dugo.
Nagsimula akong magsulat. Masaya. Muli, katulad ng dati ay nagsulat ako nang malaya at hindi nakakulong sa paniniwalang ang lahat ay nagiging kalungkutan sa huli.
Sa isang iglap ay nakita ko na wala palang totoong trahedya sa mundong nilikha ko. Ang pagbuhos ng ulan sa gitna ng tag-araw ay biyayang dumidilig sa nauuhaw na daigdig. Ang gabi ay para sa mga abalang nilikha na hindi magawang makapagpahinga sa gitna ng liwanag. Hindi lahat ng pagbagsak ay kabiguan, dahil ang pagbagsak ng tubig ang nagpapaganda sa isang talon. Ang pagkalagas ng mga dahon ay nagbibigay ng daan sa pagsibol ng mas magaganda at mas nababagay sa sangang kinakapitan ng mga ito. At hindi lahat ng pundasyon ay kasing rupok ng sa kastilyong buhangin.
Hindi ko alam kung anong mayroon ka -- kung bakit ganito o bakit ganiyan. Ang alam ko lang, dahil sa iyo, ay napagtanto ko na walang tunay na trahedyang dumating sa buhay ko kung hindi ang panahon kung kailang naniwala ako na lahat ng bagay ay nauuwi lamang sa trahedya.
[January 25, 2014 08:41AM]
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento