Hindi matatawaran ang mga
araw na kasama ko si Tseb. Ang mga araw na ito ay ang mga panahon na ayaw kong
maglayag palayo sa karagatan ng aking buhay. Kung maaari ko lamang ikubli ang
oras sa aking mga palad at manipulahin ang pag ikot ng mundo, naibalik ko na
marahil ang kahapon at naihinto ang pag inog ng daigdig na ito.
Naging napakasakit sa akin ng
paglisan ni Tseb. Sa kabila ng lahat ng paghahanda ko sa pagdating ng oras ng
kaniyang pag alis ay nabigo pa rin ako na matanggap ang lahat nang siya ay
tuluyan ng mawala. Siguro ay tama nga ang sinasabi ng marami na kahit anong preparasyon
pa ang gawin mo upang maging handa sa oras ng separasyon ay hinding-hindi ka
magiging handa. Paano ko nga ba magagawang tanggapin ang paghihiwalay namin ng
landas kung ang daang aking tinatahak ay hindi ko kayang lakbayin ng nag iisa?
Mistula akong isang ibon na
nabalian ng pakpak noon. Tila hindi ko na kaya pang lumipad. Sa tuwing
susubukan kong halikan ang alapaap ay bumabagsak ako pababa at hinihila ng kirot.
Sa tuwing aabutin ko ang kalangitan ay pinahihina ako ng katotohanan na malayo
na siya sa akin.
Nakapanlulumo ang bawat umagang
dumating kasunod ng araw na iyon. Ang bawat pagsikat ng araw na noon ay
sinasalubong ko ng may ngiti at pag asa ay sinisilayan ko na ng may luhang
nangingilid sa aking mga mata. Araw-araw ay puno ako ng pangamba sa buhay.
Naging napakahirap lumaban. Ang mabuhay ng wala siya ay tila pagmamaneho ng
walang manibela, tila pag inom sa baso na ang laman ay ubos na tila pagbabasa
ng nakapikit ang mga mata.
Si Tseb ang nagturo sa akin na
maging matatag. Siya ang nagpaliwanag sa akin ng kahalagahan ng kumpiyansa sa
sarili kong kakayahan. Siya lamang ang palaging tumatayo at naninindigan para
sa aking kapakanan. Siya lamang ang nakikinig sa aking mga diaramdam. Siya lamang
ang umuunawa sa lahat ng aking kamalian. Walang sinuman, bukod sa kanya, ang
nagtiwala at naniwala sa mga bagay na kaya kong gawin. Iminulat niya ako sa mga
bagay sa aking sarili na maging ako ay hindi makapaniwalang mayroon ako. Hindi
lamang siya isang kakilala o isang kaibigan, itinuturing ko siyang bahagi ng
aking pamilya -- isang munting tahanan sa labas ng aming tahanan.
Hindi madali sa akin na tanggapin
ang lahat. Ngunit, nagbigay na ng hudyat ang mundong aking ginagalawan.
Nagising na ako sa katotohanang hindi ako hihintayin ng oras habang naghihintay
na bumalik sa dati ang bawat bagay. Tumayo na ako sa wakas at humabol sa bawat
saglit na lumilipas.
Ang mga unang hakbang ay tila
paglangoy pasalungat sa agos subalit ng maglaon ay naging kasing dali ito ng
pagbagsak ng tubig mula sa tuktok ng talon. Naunawaan ko na rin ang lahat. Hindi
ako nabalian ng pakpak. Hindi ako nagmamaneho ng walang manibela. Hindi ako
umiinom sa basong walang laman. Hindi ako nagbabasa ng nakapikit ang mga mata.
Ako ay ako pa rin kahit hindi ko na kapiling si Tseb.
Pero, kung ako ay tatanungin
mo tungkol sa kinalalagyan niya sa buhay ko ngayon, hindi ko masasabing isa na
lamang siyang parte ng nakaraan. Kailanman ay hindi nawalan ng puwang sa akin
si Tseb. Bahagi siya ng aking kahapon, ngayon at bukas. Siya ang dahilan kung
bakit nais ng ibon na liparin ang hangganan ng kalangitan. Siya ang dahilan
kung bakit hinangad ng nagmamaneho na may patunguhan. Siya ang dahilan kung
bakit lalagyan muli ng iinom ang basong naubusann na ng laman. Siya ang dahilan
kung bakit handa ng dumilat ang nagbabasa ng nakapikit upang maging posible na
ang lahat. Si Tseb ang aking inspirasyon, ang bukal ng lakas at pag asa.
Malayo man si Tseb ay
kapiling ko pa rin siya. Narito pa rin ang kaniyang silid sa tahanan ng aking
puso. Malayo man ay magkalapit pa rin kami. Alam ko dahil magkarugtong ang
aming mga kaluluwa at kailanman ay hindi ipinaramdam ni Tseb na ako ay nag iisa.
Hanggang ngayon ay ginagamit
ko pa rin ang katatagang tinaglay ko dahil sa tulong niya. Nakatanim pa rin sa
akin ang sinabi niya noon na ayaw niyang nagmumukha akong mahina sa mata ng iba.
Maaaring isipin ng iba na hindi na ako nangungulila, na nakalimutan ko na siya,
subalit hindi nito mababago ang katotohanang alam naming dalawa.
Hindi kailanman nawala ang
eksistensiya ng aming samahan -- kailanman ay hindi ito mawawala. Mananatili sa
dati ang lahat sa kabila ng distansya, mananatili sa dati ang lahat hanggang sa
ang kahapon ay maging kasalukuyan ng muli.
![]() |
| Si Raymundo Laddaran. :D Bestfriend ko 'yan! :) |
[July 2012]

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento