Sumakay ako sa tren,
Sumakay ka rin,
Tila magtatagal
ang lakbayin,
Salamat at ika'y
kapiling.
Tayo'y sakay ng
tren na 'di mahulaan,
May mga istasyon
na tinitigilan,
Na dapat
palampasin at lagpasan,
Kung hangad
marating ang paroroonan.
Mabagal man yaring
pag-usad,
Tayong dalawa pa
ri'y mapalad,
Dahan-dahan ma't
'di kaagad,
Alam natin kung sa'n
mapapadpad.
Atin munang
tanawin ang mga ulap,
Ngayong mas
malapit tayo sa alapaap,
Sa dinaraana'y
magpakasayang ganap,
Sa mga biyayang
noo'y isang pangarap.
Malayo pa ba?
Ilang istasyon pa?
Hindi ko alam, wala
akong ideya,
'Di ko na rin bibilangin
pa,
Sa 'yong tabi'y
'di dama ang distansya.
Nang walang anu-ano'y
huminto sa alanganin,
Sa kisapmata'y tila
pinigil ng hangin,
Sa ingay ng
pasahero'y sumabay ka na rin,
Para bang hangad mo
na itong lisanin.
Nakakatakot -- ako'y
nangangamba,
Ngunit 'di sa paghinto
tinamaan ng kaba,
Sa susunod na
istasyo'y waring bababa ka na,
Sa dami ng nagsiksika't
nag-unahan,
Mapalad lahat ng
narito't lulan,
Ngunit hawak mo
ang iyong isipan,
At pusong mag-uutos
na ako'y iwanan.
Katulad ng iba,
ika'y may karapatan,
Kung aalis ka na'y
mauunawaan,
Maiwan man akong
mag-isa't luhaan,
Pagka't 'di ka
sumama sa dulo ng daan.
Tren ng pag-ibig
ay humihinto pala,
'Di dahil may
sasakay o may bababa,
'Di dahil may
estasyon o wala,
At kadalasan, ika'y
mabibigla.
Hindi man handa'y susubukang
gumawa,
Ng paraan para
tuluyan kang mapalaya,
Kung aalis ka'y
hindi na aalma,
Paalam mahal ko, paalam
na.
Limutin mo ma'y
hindi tatalikdan,
Itong tren na
minsan tayong nilulan,
Ang pighati't
kabiguang ito'y lilipas sa kalaunan,
Ngunit 'di ang
'yong bakas sa riles ng aking kasaysayan.
[March 2013]
