Tama ba ang tamang panahong nasa isip mo?
Kay tagal kong
itinago ng mga salitang ito ngunit ngayon ay sasabihin ko na ito. Kay tagal
kong hinintay ang tamang pagkakataon para ipagtapat ang lahat ng mga lihim na
ilang taon kong ikinubli. Wala ng ibang panahon para magpaliwanag kung hindi ngayon
kaya kahit hindi ko alam kung makikinig siya ay susubukan ko. Hindi pa huli ang
lahat para makita siya at subukan siyang kausapin ngunit pagkatapos nito, kung
palalagpasin kong muli ang sandali, ay wala ng kasunod na panahon para sa mga
katagang ilang taon kong sinarili.
Pero, bakit
ganoon? Parang may hindi tama. Iba ito sa inaasahan kong tagpo. Alam ko pa ba ang
ginagawa ko?
Bitbit ang
nobelang isang dekada mahigit kong iningatan para sa muli naming pagkikita ay
dahan-dahan akong humakbang papasok ng simbahan.
Binigkas ko ang
pangalan niya. Sa tingin ko, masyadong malakas iyon -- sapat para makuha ko ang
pansin ng lahat.
"Ikaw?"
gulat na sabi ng isang lumang tao mula sa dati kong mundo. "Hindi ka na
dapat bumalik! Umalis ka na!"
Narinig ko ang
sinabi ng babaeng iyon, na nasa harap ng altar, ngunit hindi ko pinakinggan.
Hindi ito ang tamang panahon para magpaapekto dahil ito na ang huli. Nagpatuloy
ako sa paglalakad palapit sa tunay kong iniibig, wala na akong pakialam sa sasabihin
ng mga taong nakapaligid.
Nakita ko ang
reaksyon ng bawat isa, hindi maitatangging tunay silang nabigla. Sa kabila
nito, wala ng iba pang umusal ng kahit anong kataga. Lahat ng naroon ay
nakatingin lamang sa akin, walang nagsasalita. Walang ibang maririnig kung
hindi ang isang pamilyar na awit na hindi ko mawari kung bakit tinutugtog ngayon.
Though I know I'll never lose affection...
Hindi ako maaaring
magkamali. Pero, bakit?
For people and things that went before...
Sa dinami-rami ng
kanta, bakit ito pa?
I know I'll often stop and think about them...
Dapat ba akong
matuwa na ito ang pinili nilang awit?
In my life...
May dapat pa ba
akong ikatuwa ngayon?
I love you more...
Mababago ba ng
awit na ito, na noon ay alay ko sa kanya, ang mga napabayaang saglit sa loob ng
labing-isang taon? Ngayong tinutugtog ito ay mababawi ko na ba ang panahon?
Nakatingin pa rin
ang lahat sa akin. Ganito pala ang pakiramdam kapag hindi ka inaasahan sa isang
kaganapan.
Sa kanilang mga mata
ay iisa lamang ang nababasa ko: "Bakit
ngayon ka lang, Almira?"
Ang tanong na iyon
ay hindi ko muna sasagutin. Nagpatuloy ang aking mga paa na kahit nanginginig
ay alam kong hindi hihinto. Bumilis ang tibok ng puso ko. Ngayon ay nasa gitna
na ako ng simbahan. Handa ba talaga ako?
O, ang ilang taong
paghahanda ko ay kulang pa rin sapagkat hindi bahagi ng plano ko na sa ganitong
tagpo ko siya haharaping muli?
Nagpatuloy ang mabilis
na pagpintig, pabilis pa ng pabilis. Sana, sana pala, ay hindi na lamang ako
umalis.
(Nakakailang chapter na ako rito. Sana matapos ko ulit. Hahaha. Oo 'yan. Inspired e. HAHAHA.)
[April 2013]
(Nakakailang chapter na ako rito. Sana matapos ko ulit. Hahaha. Oo 'yan. Inspired e. HAHAHA.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento