Sabado, Marso 9, 2013

Bahaghari ng Alaala

Iba na naman ang kulay ng mga harang sa tulay. Bakit ba sa tuwing magpapalit nalang ng alkalde ay nag-iiba rin ang kulay ng mga ito? Hindi niya alam. Saglit siyang natigilan -- lumingon sa kanyang dinaanan.

"Bagong pintura na naman 'to," sabi niya sa kanyang iniibig, pinipilit niyang baguhin ang pinag-uusapan nila.

Hindi ito umimik.

"Ang ganda ng kulay, hindi ba? Sana palagi nalang itong ganito."

"Hindi maaari," sagot nito.

"Hindi mo ba gusto ang kulay?"

"Maluluma rin iyan."

Hindi siya nakasagot.

"Lilipas din 'yan," nagpatuloy ito. "Kukupas. Kapag kumupas na iyan, mawawala rin ang pagkagusto mo."

"Parang ako?" naglakas-loob na siya.

"Hindi ikaw ang kumupas."

"Pero bakit ayaw mo na?" tanong niya.

"Pag-ibig ang kumupas."

"Pag-ibig mo lang."

"Palayain mo na ako."

"Kapag nagbago ang isang bagay, hindi lahat ay gugustuhin pa rin ito pero hindi rin lahat ay aayawan na ito. Kahit nagbago ka na, hindi pa rin kita aayawan."

"Intindihin mo ang nangyayari." Tumalikod na ito sa kanya, alam nito na hindi rin siya makikinig.

Tumalikod na ito, alam nito na hindi rin siya makikinig. Hindi na siya umimik, napaluhod lamang siya. Ang buong paligid ay tila nagtatawa. Ang papalubog na araw naman ay waring walang pakialam -- unti-unting nawawala at inaagaw ang natitirang liwanag sa buhay niya.

Tinanaw niya ang kanyang iniibig, papawala na ito sa paningin niya. Pumatak, sa sandali rin na iyon ang pinakamapait na luha mula sa kanyang mga mata. Yumuko siya. Iba't-ibang itsura ng kasuotan sa paa ang nakita niya. Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga tao. Hindi ba maaaring tumigil muna ang mundo? Hindi ba siya kayang damayan muna nito?

Lumipas ang panahon. Kumupas na ang pintura, gaya ng sabi nito, ngunit ang paghihintay niya ay hindi pa rin nagwawakas. Hanggang ngayon umaasa pa rin siya.

Sa tulay na iyon ay nakita niya muli ito. Sa kabilang bangketa, habang tinitingnan niya ang kumupas na pintura ng tulay, ay naroon ito kasama ang bago nitong iniibig. Ang parteng iyon pa lamang ang natapos pinturahan, ngunit bukas ay pipinturahan na rin ito kasabay ng pagkawala ng kupas na pinturang hindi niya kailanman hinangad na mapalitan.

Hindi huminto ang mga tao sa paglalakbay, hindi lamang ang mga may suot sa paa ngunit pati ang mga nakayapak. Hindi tumigil ang mundo kahit minsan para sa kanya o para sa kahit na sino. Kahit saglit ay hindi siya nito dinamayan at pagod na rin siyang damayan ang sarili.

Kailanman ay hindi niya hinangad na mapalitan ang pinturang iyong pero ngayon ay napilitan na siyang hangarin ito. Ang tanging hiling niya ngayon ay sumikat na ang araw upang mapinturahan na rin ito.

Iba na naman ang kulay ng harang sa tulay. Bakit ba sa tuwing magpapalit nalang ng alkalde ay nag-iiba rin ang kulay ng mga ito? Hindi niya pa rin alam. Binawi niya ang paningin sa kanyang dinaanan at tiningnan ang kanyang dinadaanan. Ilang ulit ng napalitan ang pintura. Natapos na rin ang paghihintay niya sa muling magtingkad ng kumupas na alaala. Naisip niya, kailangang hayaan nating pintahan tayo ng bagong simula sa tuwing pakukupasin tayo ng panahon at ng mga dumaraan sa buhay natin -- pintahan ng iba, hindi katulad ng dating kulay.

[March 2013]

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento